Isang mainit na hapon, sa pinakamainit na buwan ng taon, nagkatipon-tipon kaming magpipinsan. Dinatnan ko na si kuya Carl na nag-iintay sa 'min. Panay ang paypay ko ng karton upang maibsan ang init na dala ng El Niño. Kakaiba ang hapon na ito, unang beses itong mangyayari sa pamilya.
Isa-isa silang nagdatingan, si ate AC at si Pia kasama ang mga magulang nila, mga kapatid sila ni kuya Carl. Bumili sila ng tinapay at softdrinks bilang meryenda at pantawid inip.
Inabot na kami hapon at dumating na rin sila ate Jane at ang iba pa naming pinsan saka nagsimulang magkwentuhan at magbiruan.
"Naalala ko noon, si JB, Pao, Dan at Aj, nagsummer camp sa bahay for one week. Bigla-bigla nalang iiyak si JB at lalapit kay nanay. Magsusumbong na inaway siya ni Dan," panimulang k'wento ko.
Sabi naman ni ate Jane si Dan daw ay na-ispoiled, pero hindi sa kan'ya, "Ano naman ibibigay ko sa kan'ya?" tumango-tango kaming lahat.
"Sabi nga ni Dan, si ate Jane daw ang lider niyong lahat, tapos si ate Lyn, siya 'yong pinaka-mayaman sa inyong magpipinsan." Natatawang sabi ni Anne, ang girlfriend ni Dan.
"Ate, tingnan mo itong picture ni Dan, 'yan 'yong ng picture niya no'ng kasal mo." Nakita ko sa litrato na hawak ni Jobel si Dan na may hawak na mikropono at tila kumakanta, "Hinaharana niya riyan si Claude." natawa kaming lahat sa litrato ni Dan na may hawak na mikropono at hawak naman ni Claude ang isang bulaklak na pinitas sa halaman ni Nanay.
"Ano ba raw nangyari?" inosenteng tanong ng isa pa naming pinsan.
"Napa-away raw sa Mendiola, sa party. 'E, idol si Captain America, sinagip ang mga kaibigan," sabi ni Sarah habang humihigop ng mainit kape.
"Aba, hero si Dan." Napatingin kami lahat kay Jobel dahil sa sinabi niya. "O, teka, I meant no offense, pero that's what an ideal friend would do, you know?"
"Ideal friend si Dan? 'E hindi pa 'yon nakakapasok sa pinto ng bahay ang bagal na ng internet, tapos hindi lang simpleng porn ang dina-download no'n, 3 hours video pa!" natatawang sambit ni Aj, lahat kami natawa na rin.
Natigilan kaming lahat sa pagtawa, napaisip. Ang tagal naman ni Dan.
"Hoy, mga iha't iho, matulog muna kayo at mukhang matatagalan pa si Dan," sabi naman samin ni Ninang Sol, nanay nila kuya Carl.
Humikab ang ilan sa mga pinsan ko at isa-isang nagpulasan para tumungo sa k'warto at umidlip.
Alas tres y medya ng madaling araw, ika-apat ng Abril, nang magsimula ang mga tiyahin namin na manggising sa mga babagong-tulog naming diwa. And'yan na si Dan, sabi ko sa isip ko at huminga ng malalim bago ko napag-desisyunang tumayo.
Bago pa man ako makalapit sa entrada ng bahay ay dinig ko ang malakas na palahaw na iyak ng ina ni Dan. Ang lahat may luha sa kanilang mga mata at halatang hindi pa handa makita ang katotohanan sa likod ng balita na natanggap namin kahapon ng alas tres ng madaling araw, Dan is gone.