Mahigpit ang hawak niya sa kamay ng katabi na tila ba, doon humihigop ng lakas para sa nanghihinang kalooban. Ngunit kahit anong higpit ang gawin niyang paghawak sa kamay na 'yon ay hindi mabawas-bawasan ang sakit na nananahan sa loob niya. Ramdam na ramdam pa rin niya ang sakit. Sakit na nadadagdagan pa sa tuwing ihahakbang niya ang paa papunta sa paroroonan.
Buhat-buhat naman ng magkabilang balikat ang carier ng mag-iisang taong gulang na anak ng katabi. Gamit rin niya ang kabilang kamay pangsuporta sa kinalalagyan ng bata. Payapa itong natutulog sa bandang dibdib niya, nasanay na rin kasi ito na sa tuwing papalahaw ng iyak ay siya ang nagpapatahan. Sa tuwing uuwi nga siya buhat sa maghapong pagbabanat ng buto ay ang impit na hagikgik nito ang sasalubong sa kanya. Kakargahin niya ito, lalambingin, at papaliguan ng mga halik. Kapag napapansinin na niyang pumipikit-pikit ito ay saka niya iduduyan sa mga bisig para makatulog.
Parang kailan lang noong nasa sinapupunan pa ito ng kanyang ina. Naalala niya pa kung paano nila noon hinintay ang paglabas nito, na sa bawat galaw at sipa na ginagawa nito ay naghahatid ng hindi matatawarang ngiti sa mga labi nila. Halos hilahin na nila ang araw at gabi noon. At nang sa kauna-unahang pagkakataon ay pinarinig nito sa buong mundo ang munti nitong pag-iyak ay napaiyak din sila.
"Hindi ka ba nangangawit?" Napatingin siya sa katabi nang bigla itong magsalita. Nagtama ang kanilang mga paningin at hindi nakaligtas sa kanya ang lungkot na kumislap sa mga mata kahit na kagyat din itong naglaho. "Ako na naman ulit ang magbubuhat sa kanya."
Umiling siya. "Ayos lang. Hayaan mo nang gawin ko ito. Mukhang matagal pa ulit bago ko siya makarga ng ganito."
"'Wag mong sabihin iyan."
Malungkot lamang niya itong nginitian. Nagpatuloy siya sa paglalakad, hindi ininda ang biglaang pagbagal ng kilos ng katabi.
"B-Buntis ako..."
Halos mabingi siya sa tinuran ng matalik na kaibigan at babaeng lihim niyang itinatangi. Kasabay ng pagkawasak ng puso ang hapding lumukob sa kanya habang pinagmamasdan ito na hindi na magkandauga-ugaga sa panghagulgol. Gusto niya itong hilahin at yakapin. Pakalmahin. Pero hindi kumilos ang mga braso niya. Tila pati ang bawat ugat at kalamnan niya ay namanhid dahil sa balitang isiniwalat nito.
"Anong nangyari? Ba-Bakit mo hinayang mangyari 'to Ara? Graduating na tayo!" Hindi niya napigilan ang sarili at napalakas ang pagkakasabi niya 'non. Lumakas ang paghikbi ng kaharap.
"Sabi niya kasi mahal niya ako. Nangako siyang pananagunutan niya ako-"
"Nasaan na siya kung gano'n? Nasaan na ang hinayupak na 'yon!"
Napayuko lang ang babae na patuloy pa rin sa paghagulgol.
Huminto sa pag-aaral ito dahil sa naging kalagayan nito. Itinakwil ito ng mga magulang nito na dumagdag pa lalo sa pasanin na pasan ng babaeng pinakamamahal. Ngunit sa kabila ng mga nangyari ay nanatili siya sa tabi nito. Hindi siya umalis. Ultimo pagpupuyat sa gabi ay ginawa niya, matustusan lang ang gastusin nila. Lahat ginawa niya. Lahat tiniis. Para sa mag-ina.
Huminto siya ng marating nila ang parkeng madalas ay pasyalan nilang tatlo. Larawan sila ng isang masayang pamilya, ngunit sa ibang mapanuri ang mga mata ay hindi. May pakialam ba siya? Wala. Makita lang niya ang mga ngiti ng mag-ina ay buo na ang araw niya.
Kung sana lang ay makasama pa niya ang mga ito ng mas matagal.
"Gusto kong kunin ang mag-ina ko. Gusto ko bumawi sa kanila."
Sumibol ang galit sa kaibuturan niya. Anong karapatan nito? Matapos nitong iwan si Ara sa ere- paibigin, paasahin- bigla na lamang ito susulpot at sasabihin ang mga katagang iyon?