"Kuya, bakla ka ba?"
Tamang tanong para sa taong hindi kilala ang isang estranghero mula sa kung saan na kung manamit ay hindi normal.
Ngunit kung iisipin, estranghero kaming pareho sa isa't isa dahil hindi naman kami magkakilala. At dapat nga'y wala siyang pakialam kung ano man ang suutin ko.
Lagi ko siyang nakikitang dumaraan sa footbridge tuwing bakasyon.
"Bakit?"
Oo, nagtaka ako. Umaasa kasi akong kilala na niya ako.
Unang beses kaming nakita ay noong tumalon ako sa footbridge na iyon, sampung taon na ang nakalilipas.
"Kuya, huwag!"
Pinigilan niya ako kaso masyado siyang tanga para isiping lilipad ako gamit ang salita samantalang nakatalon na ako mula sa taas.
"Na-curious ka sa'kin?" Aaminin ko, ako ang nagtaka at hindi siya.
Nagbago na siya. Bata pa siya noong una ko siyang masilayan.
Gusto kong magpakilala para hindi siya puro 'kuya' sa akin. Nagmumukha akong matanda, at doon pa lang, pakiramdam ko na-brotherzone na ako.
Sinundan ko siya sa gazeebo ng subdivision kaya niya ako kausap ngayon.
Sinagasaan ako ng truck bago pa man bumagsak ang katawan ko sa lupa. Para akong bola ng baseball na matapos ibato, saka hahampasin ng bat. Isang oras pa ang lumipas bago nakita ang katawan ko dahil malayo sa footbridge ang lugar kung saan ako tumilapon dahil sa lakas ng aking pagkakabangga.
"Kuya, 'ganda kasi ng dress mo."
Nililibot ko lagi ang lugar, nagbabaka-sakaling makita ko ulit siya.
Nakikita ko ang hiya sa kanya sa bawat bakasyon na nagkakasalubong ang landas namin.
Kakausapin ko sana siya kaso natatakot akong baka lang matakot siya dahil nga... nakita niya ako sa oras na sawa na akong mabuhay.
Tumatayo ako sa footbridge, hinihintay na kausapin niya. Iniisip ko kung may balak kaya siyang pansinin ako dahil napaka-wirdo ng ayos ko?
Cross-dresser ang tawag sa akin dahil sa ayos ko. Ginawa kong ganito ang sarili ko dahil sabi ni Mama, gusto niya ng anak na babae... kaso lalaki ako. Wala tuloy akong nagawa kundi maging ang pangarap niyang anak.
Sana pumasok na lang ako sa seminaryo gaya ng mga naglalaro ng football sa harap naming dalawa. Kung ganoon ang ginawa ko, hindi ko sana naisip magpakamatay.
Kaso huli na ang lahat...
Sana kahit pangalan ko man lang ang tanungin niya kasi lulubog na naman ang araw at uuwi na naman siya.
Nilakad ko na ang kalsada para unahan ko siya sa footbridge. Alam ko kasing doon na naman kaming magtatagpong dalawa, na baka—o sana... makilala ko na rin siya.
" K-kuya!"
Naririnig ko pero hindi agad ako lumingon bago ang pangalawang tawag.
Dalawa lang ang itatanong niya: Kung ano ang pangalan ko o kung bakit buhay pa ako.
Lumingon akong may tuwa at kabang nakatago sa mga labi.
"Bakit?"
Hindi ko lang maintindihan kung bakit sa dinami-rami ng naisip kong tanong, iyon pa?
"Kuya, bakla ka ba?"
Gusto kong matawa sa sinabi niya.
Nanibago ako sa nangyayari sa aming dalawa.
Napaisip na naman ako... nakalimutan na ba niya ako o siguro itong bakasyon, baka hindi na siya iyon.