Hindi maipaliwanag ang kaniyang naramdaman nang makita siya. Parang unti-unting bumagal ang kaniyang paglangoy. Hindi niya napansin kung saan napunta ang iba niyang mga kasama. Sa isang iglap ay sa bilugang dilag na lamang ang kaniyang atensyon. 'Di alintana ang aatake sa kaniyang zomberms. Parang tangang nakatitig parin sa kinaiinisan niya. Kanina lamang ay nais niyang maghiganti para kay Modss ngunit ngayon ay kumislot ng bahagya ang kanyang buntot. Isang atraksyon ang namumuo at hindi niya ito mapigilan.
Dalawang buwan at kalahati ang kanilang pagsasanay. Sa panahong iyan nakilala niya si Modss- ang naging matalik niyang kaibigan. Mayroon itong dalawang ulo. Magkatalikuran at isa lamang ang may mukha. Napakaiksi ng buntot nito taliwas sa kanyang hitsura. Marami ang nagsasabi sa kaniya na siya'y pinagpala. Ang kanyang pangangatawan ay nagbibigay sa kaniya ng galing sa paglangoy. Siya ang nangunguna at palaging kulelat ang kaibigan. Kaya't nangako siya sa kaniyang sarili na hindi niya hahayaang bumyahe ito sa labas ng kanilang munting tirahan. Ngunit ngayon ay unti-unti itong hinahatak ng dapat aatake sa kaniya kanina. Nakangiti parin ito habang pilit winawagwag ang munting buntot sa zomberms.
"Hindi parin kayo bab'yahe palabas?" Tanong ng mas bata sa kanila ni Modss. May dala-dala itong samurai na nakasukbit sa likod. Marahil ay paghahanda sa makakaharap na zomberms. Ito'y mga kalahi nila na kapag nakalabas sa malamig na temperatura ay nagbabagong-anyo. Animo'y isang galit na tigre ang kanilang pag-atake. Kinakain nito ang ulo ng kanilang mga kasama. Ngunit agad ding natutunaw sa asidong taglay ng kinagatang ulo. "Hindi kami lalabas kailanman," tugon niya. Umiling-iling ang batang iyon. "Malay mo, isa na sa inyo ang susunod na peymus sa peysbuk!" Umalis na lamang ito at humilera sa mga naghahandang lumabas nang gabing iyon.
Napasigaw siya nang tuluyang nakagat ng zomberms si Modss. Sabi na delikado sa labas! May isang kalahi nila ang hingal na hingal lumangoy pabalik. Muntik na raw siyang tumalsik sa gumagalaw na dila. Sa takot nito ay pinilit lumangoy sa napakahabang tubo makabalik lang sa kanilang tahanan. Alam niyang hindi iyon mangyayari sa kaniya. Nasa labas na siya ng kanilang eggy comfort zone. "Rodrigo, alam kong ikaw ang nakatadhana sa kaniya." Ani ni Modss bago pa tuluyang lantakan ng gutom na zomberms. Bakit kasi lumabas pa ito kahapon! Kasalanan itong lahat ng isang bilugang dalaga na kailangan nilang ligawan.
Galit siya sa dalagang iyon. Sobrang pihikan kasi! Ilang milyon na ba sa kaniyang mga kalahi ang nagbuwis ng buhay subalit hindi tinanggap ng dalaga? Para sa iba ang mapili nito ang kabuluhan ng kanilang buhay. Ngunit bakit? Ano ba ang mayroon sa dalagang ito? Hindi niya maintindihan.
Kahit labag sa kalooban ay humanay siya sa susunod na pangkat para lumabas. Nakaramdam siya ng malagkit at puting likido na tumulong sa kaniya upang makalangoy. Nangunguna siya sa karera pasugod sa dalaga kahit naninibago sa paligid.
Bumagal ang lahat bigla. Alam niyang siya na nga ang pinakamaswerteng punlay nang magtagpo ang kanilang mga mata. "Matagal na kitang hinihintay." Bulong ng hinog na itlog galing sa obaryo.