Sarili
Sarili
Sarili
Malawak ang kalawakan at misteryoso. Sa bawat pag-ikot ng mga planeta may mga nangyayaring kakaiba na hindi kayang paniwalaan ng isang ordinaryong tao.
Kakaiba ang dalawampu't limang taong gulang na si Aedan.
Dahil nga naniniwala siyang sarili muna bago ang iba, ginamit niya ang kakaibang kakayahan para sa pansariling kaligayahan.
Ang magkaroon ng kakayahang tawirin ang nakaraan sa t'wing natutulog at bumalik sa kasalukuyan ay regalo niyang maituturing. Para sa kanya ang mga nilalang na ekstraordinaryo lamang ang nabiyayaan ng ganito. Hindi siya magiging si Aedan Solomon kung wala sa kanya ang lahat. Kayamanan, kagwapuhan at kakayahan. Dapat nga wala na siyang mahihiling pa pero may kulang, ramdam niya iyon sa puso niya.
1845
Nakilala ni Aedan ang babaeng ginusto na si Fiona. Nakikita niya siguro ang sarili dito na makasarili rin. Naging magaan ang loob niya sa maalong buhok nito, sa mga kumikinang at nangungusap na mga mata, sa manipis at kulay rosas na labi. Ang nagustuhan niya sa lahat ang dibdib nitong malaki at pinagpala yata ng buwan.
1723
A, kay sarap balikan ang unang tamis ng halik sa ika-labinpitong siglo. Sa lilim ng punong kumakaway kapag tinatawag ng gabi ang hangin sa norte. 'Di nga ba sa unang pagkikita may pagkakaparehas sila ni Victorina. Hilig din ng babae ang pagguhit. Unang pag-ibig na winasak siya nang tuluyan dahil traydor ang hijo de putang babae. May ibang kalaguyo at sarili lang ang iniisip.
1942
Saksi si Aedan sa giyera pero nasaan siya habang abala ang pagpapalitan ng bomba? Nandoon sa kwartel, abala sa pakikipagtalik kay Adorina. Isa sa nagustuhan niya rito dahil paborito ng babae ang pakikipagtalik. Pakiramdam niya naging isa sila. Kasabay ng pag-abot nila ng langit sumabog mula sa kalangitan ang isang bomba.
1521
Sinakop ang Pilipinas ng mga Espanyol at muntik nang mamatay si Aedan dahil isa siyang Indio. Ipinakilala sa kanya ang relihiyong Kristiyano. Walang kinikilalang relihiyon si Aedan at hindi siya hawak ng mga paniniwala ng iba. Hawak siya ng sariling paniniwala. Nakilala niya si Elias sa loob ng kulungan. Punong-puno ng prinsipyo ang lalaki. Naaliw siya sa ipinaglalaban nito at muli nakita niya ang sarili dito. Gustong makalaya ang sariling bayan pero siya gusto niyang palayain ang sarili. Mabuti at sa pagtulog niya ay bumalik siya sa kasalukuyan.
2016
Naniniwala siya sa reinkarnasyon. Sa muling pagkabuhay ng sarili sa ibang oras at dimensiyon. Doon niya lang naintindihan. Sa pagbalik niya ay may kung ano ang nagkumpleto sa pagkatao niya. Alam niya na ang hinahanap, ang sarili niya. Si Fiona, Victorina, Adorina at Elias lahat ay konektado sa kanya. Lahat sila ay iisa. Sila ang nakaraang siya. Doon niya lang napagtanto, nagustuhan niya ang sarili. Nakipagtalik siya sa sarili. Nakausap niya ang sarili sa loob ng kulungan.
Sa lahat ng pagkakataon, sarili nga niya ang naiisip at ipinagmamalaki niya iyon. May hihilingin pa ba siya bukod sa pagiging makasarili? Wala na. Kumpleto na siya. Patuloy lang siyang maglalakbay sa nakaraan at makikisalamuha sa mga taong reinkarnasyon niya sa panahong iyon.