SS #5- Kung Makakapagsalita Lang Sana

165 7 4
                                    


GABI NA'T HINDI ka pa rin makatulog. Paulit-ulit kang nagpapalit-palit ng puwesto sa iyong kama at halos magiba na ito dahil hindi ka makuntento sa kahit anong puwestong gawin mo. Tuluyang kang napagod sa iyong ginagawa kaya napagpas'yahan mong tumayo muna mula sa kama at maglakad-lakad sa loob ng bago ninyong bahay.

Paglabas mo ng iyong kuwarto ay bumulaga sa iyo ang isang pasilyong madilim—hindi pa kasi ito nalalagyan ng ilaw ng iyong ama. Tanging ang sala, banyo, kusina, at ang parehong kuwarto ninyo pa lang ang ang may ilaw. Ito ang unang araw at unang gabi ninyo rito't hindi mo maiwasang makaramdam ng kakaiba.

Makaramdam ng takot at makapanindig-balahibong pangamba.

Normal naman ang bahay—maganda't tila bago pa rin ang puting pintura kahit ang sabi ng may ari nito sa phone call ay matagal na panahon na rin nang huli niyang dalawin 'to. Kayo pa lang ng iyong ama ang nagtangkang mangupahan dito, dagdag pa niya. Kaya nakapagtatakang sobrang linis nito at parang katatayo pa lang. Isa pa, ang boses ng may ari sa phone call ay paputol-putol at sobrang lalim sa puntong tila may sinusunod din itong pattern. Parang recorded lang.

Humangin nang malakas at napayakap ka sa iyong sarili dahil sa lamig.

Dama mong nagsitaasan ang iyong mga balahibo.

Nagpatuloy ka sa paglalakad sa pasilyo. Sa bawat gilid nito ay may maliliit na bintanang korteng bilog na may salaming takip. Sumilip ka sa mga iyon habang marahang naglalakad; natanaw mo ang mga naglalakihan at nagtataasang mga kakahuyan at ang buwang naghihimagsik dahil kakaiba ang laki nito ngayong gabi't banat na banat sa kalangitan. Ngunit walang tala. Wala ni isa.

Alam mo sa sarili mong may hindi normal sa bahay na 'to—hindi ito ang unang beses na naramdaman mo ang ganitong kababalaghan. Kakaiba ang katahimikang nananahan sa kahit saan. Maging ang bawat dingding, kisame, at sahig ay parang may binubulong sa iyo.

Alam mo sa sarili mong may hindi normal sa bahay na 'to... dahil hindi ka rin normal.

Bata pa lang, sensitibo ka na pagdating sa ganitong klaseng mga misteryo. Nariyang nakakita ka na ng mga kaluluwang nakalutang ang mga paa mula sa mga lupa, mga elementong nagpapanggap bilang mga bata, at katulad nito... mga bahay na may itinatago.

Sa dulo ng pasilyo, isang kuwarto ang nasa tabi ng hagdanan. Bukas ito kaya nakita mo mula sa labas ang mga kupas na damit, sirang kabinet at mga pinaglumaang kagamitan ng mga dating nakatira dito. Ito siguro ang bodega ng bahay. Ngunit sa totoo lang, kanina ka pa ginagambala ng kakaibang puwersang nanggagaling sa kuwartong 'to.

Tinangka mong pumasok. Walang ilaw. Ngunit hindi iyon naging hadlang. Naglakad ka pa rin papunta sa loob at inilinga ang iyong mga mata... hanggang sa biglang sumara ang pinto.

"P-Pa?!" Lumapit ka pabalik sa pinto upang buksan into. Ngunit nang mahawakan mo ang door knob ay bigla mong naramdaman ang matinding enerhiyang pumasok sa iyong katawan.

"Sa tingin mo, saang banda mo nahulog rito ang relo mo, Josh?"

"Diyan... sa bandang likuran yata. Hindi rin ako sigurado e."

Naglakad ang isang babae papunta sa itinurong bahagi ng kaniyang asawa. Hinagilap niya roon ang relo nito ngunit ilang minuto na ang nakalipas, hindi pa rin niya ito natatagpuan. Maging ang bawat sulok ng bodega ay hinalughog na niya pero wala pa rin siyang nakikitang relo. Sumasakit na ang kaniyang ulo sa kahahanap.

"Sigurado ka bang dito mo nahulog iyon? Baka naman sa ibang parte ng bahay? Subukan nating maghanap sa labas," sabi ng babae habang naglalakad papalapit sa pinto.

YSSF 2: First WaveOnde histórias criam vida. Descubra agora