SS #2- Troika

92 5 3
                                    


Masaya ako nang nahirang bilang Guro ng Taon si Kuya Ernesto. Akalain mo kasi, mga tigsasampung taon mahigit ang kalaban niya sa award na ito. Pero dahil na rin sa kanyang mga pagsisikap at pagpupursige, 'di mo talaga maipagkakaila na karadapat-dapat si Kuya sa gantimpalang iyon.

"Uy, magcelebrate tayo, Erning," sabi ni Nanay sa kanya.

"Salamat po, Manang," wika niya sa Nanay. "Marami pa po akong gagawin. Sa susunod na lang ho 'pag tapos na ang Periodical Exam ng mga bata."

Kinse anyos si Inay nang lumuwas ng Maynila, dala-dala lamang ang sampung araw na bihisan. Wala naman kasi siyang napala sa pagbaback door niya sa Zamboanga papuntang Malaysia. Kaya imbes na maging walang silbi sa bahay ay minabuti na lamang niya na ituloy ang paghahanap ng kapalaran sa Norte. 'Yun nga lang, nakilala n'ya si Itay.

"Matalino rin yung Tatay mo, aba. Nakikita ko nga si Erning 'dun e," sabi niya habang nagsasaing ng bigas.

Napangiti ako. "Namimiss n'yo po ba rin siya?"

"May mga tanong na 'di nakakapagpabusog ng taong gutom," wika niya. "Siguro naman, tama na ang apat na baso para ngayong gabi?"

"Lima. Maghahatid po ako kay Kuya ng hapunan. Magagabihan yun ng uwi," sabi ko.

Professor ng Sining at Literatura si Kuya. Nakatoka sa kanya ang pagtuturo ng Regional at Philippine Literature. At sa iilan n'yang paglalakbay sa mga lalawigan ng bansa, nakakapulot siya ng mga kwentong 'di madalas mailimbag sa mga publikasyon.

Gaya na lamang ng kwento ng mga Ata Manuvu at ang kanilang mga tradisyon ng pagpapaanak at kung anu-ano pa.

Kaya dito, lagi siyang nakukuha bilang resource speaker ng mga Literature majors sa mga Creative Writing Workshops nila.

"Ang guapo ng Kuya mo ano?"

"Magtigil ka nga, Inse. Walang balak magkagirlfriend si Kuya."

"Weh, 'di nga," balik ng kaklase ko. "Sa guapo n'yang 'yan..."

"'Di nga e. Focused 'yan sa trabaho niya."

'Yun nga parati ang sinasabi sakin ni Kuya. Sa totoo lang, maraming naaakit sa kanya, puro magaganda pa. Pero 'di ko alam kung bakit ayaw n'ya pa rin na magkasyota.

Isang araw, may isang bagong propesor kami sa Philosophy, si Sir Mantilla. Kasingkisig rin niya si Kuya at madalas, nakakasalamuha pa namin tuwing nagmemeryenda sa canteen. Seryoso siya tuwing klase, pero 'pag nasa labas na kami, madalas siyang nagpapatawa.

Pero minsan, dahil sa kaingayan namin, napaghahalataan na kami ng ibang mga estudyante. At dahil dito, pinagalitan ako ni Kuya.

"Irma, madalas n'yo raw kasama si Sir Mantilla?"

"Po? Eh..."

'Di siya sumagot. Bumuntung-hininga lamang siya at nagsabing, "Alamin n'yo lang limitasyon n'yo a. Iba ang guro sa tinuturuan."

Kinabukasan, nakita ko si Kuya na kausap si Sir sa may parking lot ng eskwelahan. At sa unang pagkakataon, nakita ko na may tangan siyang sigarilyo. Tumatango lang si Sir Mantilla, blangko ang ekspresyon sa mukha.

Lumipas din ang mga araw at tila umiwas na rin si Sir Mantilla sa amin. Oo, nakakapagkwentuhan naman kami, pero madalas na n'yang ginagawa ito sa konteksto ng aralin namin sa Pilosopiya.

Kagaya ngayon, ang usapin ng Utilitarianismo.

"Sabihin ninyo, ano ba ang layunin ng pag-aaral ninyo sa kolehiyong ito?" Walang nagsitaasan ng kamay, maliban na lamang kay Inse na halos tumayo na sa kanyang upuan. "Ms. Cruz?"

Tumayo si Inse. "Para po makapagtapos, makakita ng trabaho at 'di kalayuan ay makahanap ng mapapangasawa gaya ninyo, Sir."

Tumawa ang lahat. "Sira ka talaga, Inse," nangingiting sabi ni Sir. "Well, totoo naman sinasabi niya 'di ba. Pwera na lang kung ilalabas natin ang ideya na ito sa ibang pananaw: Paano kung aalisin natin ang pag-aaral sa lipunan. Ano kaya ang magiging silbi ng isang kolehiyo?"

YSSF 2: First WaveWhere stories live. Discover now