Kasabay sa pagpunit ng liwanag sa dilim, naaninag ni Ylona ang pigura ni Franco. Pangiting papalapit ang binata sa kinalalagyan ng dalaga habang dahan-dahang lumalakas ang linawag sa buong paligid na nagmula sa kalahating hubad niyang katawan. Hindi nagsalita ang binata, bagkus pawang ngiti lang pinakawalan na katulad ng bituing kumikislap. Kagaya sa ngiting noong siya'y niligawan habang binibigkas ng binata ang likhang-tula na puno ng pangako para sa kanya. Buong tapang na pinagsigawan kung gaano siya kamahal sa gitna ng maraming nanonood. Ang bawat katagang pinakawalan ay kagaya ng pulot-pukyutan—na nanunuot ang tamis sa buong niyang katawan.
"F-Franco!" sigaw nito
Napalundag sa kanyang kinalalagyan sa labis na kagalakan. Hindi na siya makaantay na lapitan, nasasabik na ang kanyang katawan na muling makulong sa matigas na bisig ng nobyo. Namangha at hindi makapaniwala si Ylona, kung totoo ba ang kanyang nakikita pero sa salip na atupagin ang namumuong katanungan sa isipan ay patakbong niyang sinalubong si Franco.
Habang papalapit ang dalawa. Napansin ni Ylona na lalong lumiliwanag ang buong katawan ni Franco, kasabay ang unti-unting pag-usbong ng pakpak sa kanyang likuran na katulad ng anghel. Nagulat siya sa nakita subalit mas matimbang ang pangungulila kaysa takot. Walang atubiling niyakap niya ito.
"F-francoooo!" malakas na sigaw ni Ylona, matapos biglang nawala bago pa mayakap.
Parating ganun ang eksena sa paulit-ulit niyang panaginip. Hindi niya maintindihan kung ano ang ibig sabihin?
Sa kanyang pagdilat, sumalubong ang liwanag nang maaliwas na umaga. Napatitig siya ng ilang saglit sabay buntong hininga. Hindi niya maramdaman ang bagong pag-asang hatid ng bagong umaga. Sa halip, kalungkutan ang naaninag na parang nanunuot sa kanyang puso.
Limang buwan na ang nakalipas matapos malibing si Franco. Kaya kahit ang umaga'y tila isang mahabang gabi, puro madilim ang kanyang nakikita at kasabay sa pag-uusig ng konsensya, kaya di mapigilan na maramdaman ang mawalan ng pag-asang mabuhay. Batid niya, ang pagkamali sa nagawang desisyon ang isa sa posibleng dahilan sa pagkamatay ng iniibig. Hindi niya alam kung paano harapin ang bagong buhay na ngayo'y tuluyang wala na si Franco. Kahit ibuhos man niya lahat ang luha sa bawat araw na lumipas pero hindi maibsan ang bigat na naramdaman.
Aanhin pa ang mga araw na lumipas kung siya mismo ang sumira sa pangakong pinakawalan ng binata sa kanya. Na pilit sanang tuparin ang pangako kahit sa kabila ng nakaambang na malaking pagsubok. Alaala na lang ng pangako ang natitira sa kanya. Pangakong nakasaad sa isang tula na, tanging siya lang ang mamahalin at dadalhin sa harap ng altar. Ang dating kilig na dumadaloy sa buong katawan sa tuwing maalala ang tula, ngayon napalitan ng pighati at sakit.
Siguro kung hindi lang siya nadala sa takot na alamin ang katototohan sa kabila ng maraming mga katanungang namumuo sa kanyang utak. Marahil naging tama ang kanyang naging desisyon at malamang hindi aabot sa ganito ang lahat.
Labis ang kanyang pagmamahal kay Franco at mas higit pa sa kapatid ang turing niya kay Dreanna. Kaya pinili na lang niya na ikubli ang lahat ng kanyang natuklasan kaysa makabitiw ng masasakit na salita. Hindi niya maintindihan ang lahat bakit umabot sa ganito ang masayang pagmamahalan nila. Hindi niya inasahan ang lahat. Hindi rin niya lubos na matanggap kung sapat bang dahilan ang kanyang ugali para siya'y nagawang saktan ni Franco at ipagpalit pa sa matalik na kaibigan. Aaminin niya na naging pabigat na rin sa nobyo ang kanyang kasungitan at pagkamatampuhin.
SA pagkatunton ni Ylona sa ilang buwan paghahanap sa kinaroroonan ni Dreanna. Nabigyan ng linaw ang umalingawngaw na katanungan sa kanyang isipan. Sa kanilang probinsya niya ito natagpuan. Kalunos-lunos ang nasaksihang kalagayan ni Dreanna. Namayani ang awa sa halip na sumbatan hinggil sa kanyang hinala. Matapos ang mahigpit na yakapan at iyakan ay inumpisahan na ni Dreanna ikwento ang lahat kahit hirap sa kagalayan. Nakasakay ang dalaga sa wheelchair at balot ng bendahe ang katawang sugatan na may mga baling natamo rin.