Para bang tumigil ang lahat.
Wala akong marinig, wala akong maramdaman. Nakatitig lamang ako sa iyo habang sinusubukan ka nilang buhayin. Tumutulo ang luha sa mga mata ko ngunit namamanhid ang buong katawan ko na para bang hinahayaan na lamang ng mga mata kong umagos ang tubig mula rito dahil wala namang magagawa ang papa mo para mabuhay ka.
Parang kahapon lang nangako kang lalaban ka, na kahit ilang buwan na rin ang lumipas nang bitawan mo iyon, pinanghawakan ko iyon. Ngunit ngayon ang pangakong iyong itinaga sa bato, tila ba napako.
Napako ang tingin ko sa langit.
Isang taon na rin simula nang mangyari ang lahat ng iyon ngunit lahat ay tila ba parang kahapon lang nangyari. Kailangan kong tanggapin ang lahat dahil sa kamatayan naman lagi ang dulo ng buhay ng tao.
"Anak," bulong ko at napalingon sa'yo. Nakangiti ka lamang habang hawak-hawak ko ang iyong mga kamay. "Happy 19th Birthday. Salamat sa paglaban, anak."
Humampas ang alon sa dalampasigan kasabay ng pagbitaw mo sa'king mga kamay. Unti-unti na lamang pumatak ang walang humpay na luha mula sa mga mata ko habang yakap-yakap ang katawan mong sumuko na, kasama na ang minahal mo rin noon--ang mama mo na namatay rin dahil sa kasumpa-sumpang sakit na tinatawag na kanser.
"Salamat sa pagsuko. Salamat dahil pinalaya mo na rin ang sarili mo," sambit ko. "Mahal na mahal ka ng papa. Hanggang sa muli."
Nakatingin lang tayo ng maigi sa dagat kasabay ng pag-ihip ng malakas na hangin. Na para bang pinapahiwatig na hinding-hindi mo ako kailanman iiwan. Dadantay ka pa sa'king braso at nanakaw na lamang bigla-bigla ng halik at hahagikgik ka naman kung mapapatitig ako sa'yo ng matagal. At sa isang yakap ko lamang sa iyong katawan, para bang lahat na ng bagabag ko sa buhay nawawala na lamang ng isang bula. Na kahit alam ko na sa kaunting panahon na tayo'y magkasama, ako'y iiwan mo din katulad ng minahal natin noong nakaraan, at alam ko na hanggang ngayon? Mahal mo pa rin siya.
Mahal ko pa rin siya.
Inalalayan kita at sabay tayong nagpunta sa dalampasigan. Humampas ang alon at naabot ang ating mga paa, na sadyang nagbigay ng kaunting kiliti sa ating balat. Tumingala ka sa'kin, kaya napangiti na lamang ako. Buhat-buhat kita habang papunta tayo sa pinakamababaw na bahagi ng dagat. Umupo tayo roon at naglaro na para bang iyon na ang huling panahon ng buhay natin. Pag natapos na kasi ang araw na iyon, babalik na naman tayo sa kalbaryo.
Nais ko lang naman kasing maging masaya ang mga huling taon o araw mo rito sa mundong 'to. Lalo ngayong labing dalawang taong gulang ka na. Hindi nga makapaniwala ang marami dahil umabot ka pa sa ganoong edad, samantalang, ang bilin sa'kin ng doctor ay baka umabot ka lamang ng hanggang sampung taon.
Humigpit ang pagkakahawak mo sa suot-suot kong t-shirt, na para bang pinipigilang tumulo ang iyong mga luha. Napapikit na lamang ako at niyakap ka ng mahigpit.
Mahigpit na yakap at isang mainit na halik sa aking pisngi.
Noong nakaraan lang, nakangiti ka at iyon ang isinalubong mo sa akin, hawak-hawak pa ang paborito mong laruan, parang ipinapahiwatig sa'kin na makipaglaro ako sa'yo.
"Kamusta ka na?" untag ko ngunit nanlumo lamang ako dahil tahimik ka lang na pinagmasdan ang mukha kong nangangayayat na, dahil sa walang humpay na pagta-trabaho, kahit hindi na masyadong kinakaya ng katawan ko.
Alam ko naman na ayaw mong nagpapagod ako, at ilang beses mo na rin akong pinigilan, ngunit para rin naman sa iyo ito. Sa ating dalawa. Tayo na lang naman kasi magkasama hindi ba?