NAKANGITING inilagay ng binata ang tropeyo sa tapat ng puntod ng kanyang ama. Makalipas ang maraming taon ay 'eto at nakapanalo na ang team niya sa finals. Nagkaroon na rin siya ng unang kampeonato.
"Tulad ng sinabi ninyo Papa, magiging isang magaling akong basketball player..." Nakasuot pa ng jersey ang binata at medyo napapaluha ngunit pinipigilan lang niya.
Isang hindi kalakasang hangin nga rin ang biglang umihip sa sementeryo. Ang mga dahon ng mga puno ay tila sumayaw. Napatingala naman ang binata sa langit. Isang munting apoy ang sumibol sa mga mata niya. Hindi pa raw doon natatapos ang laban. Gusto pa niyang makarating sa mas malayo... gusto pa niyang maglaro ng basketball at makalaban ang mga magagaling na team sa buong bansa.
BUMANGGA sa ring ang bola. Dahilan iyon para muli itong tumalsik palabas. Nagmintis kasi ang tira ng kalaban. Mabilis nga ring pum'westo sa ilalim ng basket ang mga player ng magkalabang team. Desidido silang makuha ang rebound.
Ang mga player sa loob ng court ay naliligo na sa sariling pawis. Huling quarter na ito ng laro. Ito ay ang Finals ng Highschool League sa lungsod. 93-89 ang iskor, pabor ito sa Defending Champion na Western Highschool. Isang minuto na lamang ang natitira pero ang Artemio Highschool na kasalukuyang humahabol ay hindi pa rin nawawalan ng pag-asa.
"Yahhh!" Sabay-sabay na nagsitalunan ang apat na matatangkad na players ng magkalabang koponan. Dikdikan ang labanan at nagtalsikan sa ere ang mga butil ng kanilang mga pawis. Subalit hindi nila iyon alintana. Determinado silang makuha ang bola sa itaas.
Isang malakas na tunog ang umalingawngaw sa loob ng court. Dalawang malalapad na palad ang lumamon sa bola. Tila nayanig ang sahig nang lumapag ang apat. Dumagundong sa loob ng gym ang malakas na hiyawan at cheer ng mga Westernians. Nakuha ng sentro nila ang bola!
Halos lamunin sa dami ng mga ito ang mga taga-suporta ng mga taga-Artemio. Ngunit isang hindi inaasahang manlalaro ang nagpatahimik sa mga ito...
"PRRTTT!"
Napatigil sa pagtakbo ang batang si Jeffrey matapos marinig ang pagtunog ng silbato ng referee. Isang libreng lay-up sana ang magagawa niya pero foul pala ang ginawang steal ng kanyang kakampi sa bola mula sa kalaban.
"S-say-yyangg..." Nasambit na lang ng bata na hinihingal na dahil sa pagod. Maiibaba sana ang lamang sa dalawa kung natuloy iyon ngunit iba ang nangyari, dahil tuloy doon, nabigyan ng freethrows ang kalaban. Natapos ang larong iyon at natalo sila. Natanggal ang team nila at nabigong makapasok sa final four ng Elementary Basketball Competition.
Napaiyak ang mga bata dahil doon. Tatlong taon na silang naglalaro at nagsusumikap na makaabot sa final four pero bigo pa rin sila. Mas masakit iyon lalong-lalo na sa batang si Jeffrey. Ito na kasi ang huling taon niya sa Elementarya.
Maging ang coach ng mga bata ay naawa para sa mga players niya. Alam niyang napakasakit matalo lalo na kung isang hakbang na lang para sa inaasam-asam nilang semis, pero nagdasal siya na sana'y maintindihan ng mga bata na hindi lang doon natatapos ang lahat. Kahit ilang beses mang matalo sa isang bagay, isa lang ang dapat gawin ng sinuman... ito ay magpatuloy.
"Maganda ang ipinakita ninyo. Hindi kayo natalo. Para sa akin, kayo ang panalo. Mag-ayos na kayo, kakain tayo sa Jolibee..." Nalulungkot si Coach para sa pag-iyak ng mga bata pero, sa kabila noon... nagpapatunay lang iyon na dedikado talaga ang mga ito sa paglalaro ng basketball.
NATAHIMIK ang mga taga-Western nang muling umangat mula sa kamay ng kanilang sentro ang bola. Isang 5'5 na player ang biglang tumapik nito.
"M-mendez?" bulalas ng player at tila kidlat na naglaho ang bayaning manlalaro ng Artemio.