INILABAS ni Red ang iPhone mula sa bulsa niya nang marinig niyang mag-ring iyon. Tiningnan ang screen at agad napasimangot nang makita ang pangalang nag-register doon.
Lisbeth.
Kung ano ang kailangan ni Lisbeth ay walang ideya si Red. Natutukso siyang i-decline na lang ang tawag. Malamang kasi ay raratratan na naman siya ni Lisbeth. Kagaya ng ginawa nito noong isang araw.
Kagaya ng madalas nitong gawin.
Pero alam ni Red na hindi siya titigilan ni Lisbeth kaya iniabot niya sa isang tauhan ang hawak na clipboard kung saan nakaipit ang mga order slip para sa mga suki nila ng mga bloke ng yelo sa fishport at sa mga tindera ng halu-halo sa plaza. "I-check mong mabuti," aniya. "Noong isang araw napagpalit ni Chuck 'yong order ni Aling Pining at Mang Berto.""Opo, boss."
Pumasok si Red sa maliit na opisina niya. Kahit labag sa loob ay tinanggap niya ang tawag ni Lisbeth. "Balita, 'torni?" patay-malisyang tanong niya. Abogada si Lisbeth at ito ang babaeng may hawak ng titulo bilang kauna-unahang ex ni Red.
"May sulat galing sa school ni Moira kahapon," agad na wika ni Lisbeth. "Galing sa Guidance Counselor's Office."
Sa narinig ay nanlaki ang mga mata ni Red. Isa lang ang ibig sabihin ng sulat mula sa Guidance Counselor's Office - may ginawang kalokohan si Moira.
Si Moira ang fourteen-year old na anak nina Red at Lisbeth. Nasa Grade Nine na ito sa Mount Carmel Academy na isang exclusive school for girls.
Seventeen years old si Red nang mabuntis niya si Lisbeth na mas matanda sa kanya ng dalawang taon. At dahil napakabata pa nila noon, hindi pumayag ang mga magulang nila na magsama ni Lisbeth. Aaminin naman ni Red na noong mga panahong iyon ay wala siyang pakialam. Busy siya sa page-enjoy sa kabataan niya. Maraming ibang babae.
Kaya habang lumalaki si Moira, ang mga magulang ni Red ang nagbigay ng sustento sa bata. Nang maka-graduate si Red mula sa kursong Business Administration ay sumunod na siya sa mga magulang niya sa Australia. Pabaka-bakasyon na lang siya noon sa Pilipinas.Five years ago, he saw pictures of his daughter on Facebook. Kahawig na kahawig niya ito. Moira Angeli Briones Caringal was his female version. Ang maputing kulay ng balat lang ang namana nito mula kay Lisbeth. Nagising ang pusong ama niya. If there was such a thing.
He was reunited with his daughter when he was twenty-six. Siyam na taong gulang na noon si Moira. Akala noon ni Red ay mahihirapan na siyang buwagin ang pader sa pagitan nilang mag-ama. But he was wrong. Mabilis na napalapit ang loob ni Moira sa kanya. Malaking bagay siguro na kaya na niyang ibigay kay Moira ang lahat ng magustuhan nito. Pero habang-buhay nang mananatili kay Lisbeth ang custody sa anak nila. Wala siyang balak na i-contest iyon. Sigurado siyang lalaban ng patayan si Lisbeth.
"Naririnig mo ba ako, Wilfredo?"
Pinaikot ni Red ang mga mata niya. Minsan ay walang kasing-nagger si Lisbeth. Kaya kung pumayag siguro noon ang mga magulang nila na magsama sila ni Lisbeth, baka ilang buwan lang ay naghiwalay din sila."Nakikinig, po," angil niya. "Bakit daw ba?"
"Nagdala ng iPad sa school kahapon."
Napakunot ng noo si Red. "Bawal 'yong ganoon?" Noong mga bata sila ay hindi bawal ang magdala ng sipa, jolens at GameBoy sa school. Pero may isang pagkakataon noong Grade Three siya na kinumpiska ng adviser nila ang mga goma nila ng mga kaklase niya. Inilaga nito ang mga goma at ipinainom sa kanila ang pinaglagaan. Hindi niya isinumbong noon sa mama niya ang nangyaring iyon. Sigurado kasi siyang papagalitan lang siya nito.Kung sa panahong ito nangyari ang ganoon na pag-torture ng isang teacher sa estudyante, siguradong patay ang teacher. Pero sabagay, namatay na ang nasabing teacher na iyon noong nakaraang taon. Cancer daw yata.
"Hindi ibabalik ang iPad kung hindi parents ang kukuha," wika ni Lisbeth sa halip na sagutin ang tanong niya.
"Pasungkit mo na lang sa Ninang Lerma mo," sagot niya. Ang may-ari ng MCA ang tinutukoy niya. "Siguradong kahit sinong Poncio Pilato ang may hawak sa iPad na 'yan ngayon ay titiklop 'pag ang Ninang mo na ang kumuha."
"Ayoko ng ganoon," wika ni Lisbeth. "Nakakahiya kay Ninang. Baka sabihin niya na sa ganoon kaliit na bagay ay hindi man lang tayo magkaroon ng oras para sa bata."
"Eh, 'di daanan mo na lang," wika niya.
"Ikaw ang bumili no'n kaya ikaw ang kumuha," singhal ni Lisbeth. "Isa pa, kasalanan mo kung bakit nagrerebelde si Moira."Kung paano naging pagrerebelde ang pagdadala ng iPad sa school ay hindi alam ni Red. At kung bakit siya na naman ang sinisisi ni Lisbeth ay hindi niya maintindihan. Pero hahaba lang ang usapan kapag pinatulan niya ito.
"Busy ako." wika niya.
"Saan? Sa pakikipag-date?"
Kinamot ni Red ang sentido niya. Hindi naman lingid sa kaalaman niya na may mga nakaka-relasyon din naman si Lisbeth kaya hindi niya maintindihan kung bakit pinapakialaman siya nito.
"Two-hundred fifty million ang premyo sa Super Lotto ngayon kaya busy ako. Ikaw na lang ang kumuha," wika na lang niya. Maliban sa pinamamahalaan ni Red na ice plant na negosyo na ng mga magulang niya bago pa man mauso ang tube ice, limang pintong apartment at Bayad Center, may PCSO Lotto Outlet din si Red. May tauhan siyang namamahala sa Lotto Outlet, pero gustung-gustong nakikita ni Red ang napakahabang pila ng mga taong tumataya doon sa tuwing may malaking premyo. Mas mahaba ang pila, mas malaki ang kita.
"Isisingit mo lang naman, eh," wika ni Lisbeth."Eh, bakit kasi hindi na lang ikaw ang magsingit?" wika din niya.
Sa pagkakaalam ni Red ay wala pang limang minuto ang layo ng law firm kung saan pumapasok si Lisbeth sa eskuwelahan ni Moira. Samantalang si Red ay kakailanganing bumiyahe ng tatlumpung minuto bago makarating doon. Dalawang bayan din kasi ang pagitan ng San Gregorio kung saan sila nakatira at ng Hermano kung saan naroon ang MCA.
"Start nga ng three-day conference ko sa Manila bukas," wika ni Lisbeth. "Paluwas ako ngayong gabi."
Napahugot si Red ng malalim na hininga. Kung ganoon ay wala pala siyang choice.
"Ano?" untag ni Lisbeth.
"Oo na," angil niya. Alangan namang hindi niya kunin ang iPad?
"Siguraduhin mo lang. Dahil 'pag nalaman kong hindi, magpa-file na talaga ako sa korte ng protection order laban sa 'yo."
Pinaikot ni Red ang mga mata niya. Kung anu-ano kasing batas ang ipinapanakot nito sa kanya. Dalawang beses sa isang taon kung gamitin nito ang Republic Act 9262 na kung hindi nagkakamali si Red ay Anti-Violence Against Women and Children Act na para bang nambubugbog siya at nang-aapi. Tatlong beses na rin yata nitong ginamit ang trespassing. Hindi na matandaan ni Red kung bakit.
📳📳
Ang pinakanakakabaliw sa lahat ay nang gamitin ni Lisbeth pati Animal Welfare Act. Nagpunta kasi ito noon sa Boracay kasama si Moira at ang yaya ng mga ito. Kay Red iniwan ang Golden Retriever na aso ng mga ito. Ang kaso, hindi niya napakain sa loob ng tatlumpung oras. Nawala sa isip niya dahil nag-out-of-town din sila ng date niya. Nagkasakit ang aso.Hindi sapat para kay Lisbeth na si Red ang gumastos para sa pagpapa-ultrasound sa aso at pagbili ng kung anu-anong mga gamot. Matagal siya nitong hindi kinausap. Tinawagan lang siya nito tatlong araw bago ang enrolment sa school ni Moira. Hinahanap nito ang pang-tuition.
Noong una ay nag-alala talaga siya sa mga sinasabi ni Lisbeth. Medyo kumbinsido kasi talaga siya noon na kaya nitong mag-imbento ng ebidensya laban sa kanya at tuluyan na siya nitong mailayo kay Moira. Pero pagkatapos ng anim na taon, nakasanayan na niya. Para kasing bulaklak na lang iyon ng dila ni Lisbeth.Paminsan-minsan ay pinapatulan niya ang mga sinasabi nito. Nakikipag-debate siya dito. Pero sa ngayon ay wala siya sa mood na mang-asar. He was happy. Malaki ang kikitain niya ngayong gabi sa lotto.
Isa pa, tinatamad din siyang makinig ngayon na litanya nito na nagsisimula sa solong pagpapalit daw nito ng mga diaper sa loob ng ilang taon at nagtatapos sa isang gabi daw noon na bumabagyo at kinailangan nitong dalhin nang mag-isa sa ospital si Moira na inaapoy ng lagnat.
Sa sarili lang naman kasi niya inaamin ni Red na nakukunsenya siya. Na awang-awa siya sa anak niya na lumaki nang walang ama. "Bye, 'torni," wika na lang niya. "Ingat sa biyahe. Pasalubong, ha?"
"Pasalubong ka d'yan," singhal nito. "Suntok ang ipapasalubong ko sa 'yo, Wilfredo, kapag 'di mo kinuha ang iPad." Hindi na siya binigyan ni Lisbeth ng pagkakataon na sumagot. Pinutol na nito ang tawag.
Napapailing na ibinalik na lang ni Red sa bulsa niya ang iPhone niya.
***
BINABASA MO ANG
Once, Again, Always (published under PHR March 30, 2016)
RomanceAnim na taon na ang nakakaraan ay may isang bagay na nagawa si Elaine na labis na nakaapekto sa pamilya niya. Dahil doon, pakiramdam niya ay habambuhay na siyang kailangan may patunayan sa mga ito. She was on the right track. Guidance Counselor na s...