PAGDATING ng uwian ay nakahinga ng maluwag si Elaine. Nakita kasi niyang nakaparada ang pick-up ni Red malapit sa gate ng school.
Hindi na niya napigilan ang paghulagpos ng ngiti niya nang makitang lumabas si Red mula sa driver's side. Nakatutok marahil ang mga mata nito sa gate kaya nakita siya nito agad.
Kanina pa nag-iisip si Elaine ng paraan kung paano ito maku-contact. Ang contact number lang naman kasi sa profile ni Moira ay ang sa mommy nito. Hindi naman niya puwedeng tawagan si Lisbeth at magbilin na sabihin kay Red na pakidaan ang iPad niya. Kahit naman wala silang ginagawang masama ni Red ay nahihiya pa rin siya. Ano na lang ang iisipin ni Lisbeth?
Magiging malaking palaisipan siyempre kung bakit siya makakaiwan ng gamit sa loob ng sasakyan ni Red.
Ang balak ni Elaine ay puntahan na lang sana ang isa sa mga puwesto ni Red malapit sa palengke ng San Gregorio at mag-iwan na lang ng note. Pero dahil nandito na ito, tapos ang problema niya.
Habang naglalakad si Elaine palapit kay Red ay ikiniling niya ang ulo niya. Naka-shades si Red. Kung sabagay, kahit alas-singko na ay may kataasan pa ang araw. Direkta pa sa mata kapag tinatalunton ang highway papunta sa sentro ng bayan ng Hermano.
That was the very first time she saw him wearing sunglasses. At bagay sa hugis ng mukha nito ang aviator sunglasses nito. Hawak ni Red ang iPad niya at clear folder.
"Pasensya ka na, kaninang umaga ko lang nakita 'tong mga naiwan mo," anito. Iniabot nito sa kanya ang mga gamit niya. "Naibalik ko sana agad kagabi."
Ngumiti siya. "Pasensya ka na din, naabala ka tuloy."
Tumawa si Red.
Napakunot ng noo ni Elaine. Hindi niya alam kung ano ang nakakatawa. "Bakit?"
"Napansin mo?" wika ni Red. "Kung hindi tayo pasalamat nang pasalamat sa isa't-isa, hingi tayo nang hingi ng pasensya."
Ipinilig ni Elaine ang ulo niya. Nag-isip. "Parang oo nga yata," aniya. Bahagya rin siyang natawa. "O, pa'no... Salamat na lang, uli."
Pinandilatan siya ni Red. "Pinapalayas mo ako? Naman... nagmamadali pa naman akong pumunta dito tapos-"
"Hindi 'yon ang ibig kong sabihin!" Pinandilatan din niya ito. "Iniisip ko lang na baka may lakad ka pa."
Lumabi si Red. "Hindi... pinapalayas mo talaga ako."
"Para kang tanga," aniya.
Pumalatak si Red. "Pinapalayas na, tanga pa."
Sinimangutan niya ito. "Ewan ko sa 'yo!"
Ngumisi si Red. "I'm just kidding. Makulit lang ako 'pag gutom. 'Di pa kasi ako nagla-lunch."
Napamaang siya dito. "Five o'clock na, ah!"
"Nagkasakit kasi 'yong driver ng delivery truck. Ako ang nagdala ng mga yelo sa fishport. Kakain pa sana ako kaso baka hindi kita abutan dito."
Natutop ni Elaine ang bibig. "I'm so sorry."
Tumawa si Red. "No problem," anito. "How do you feel about ramen?"
Ikiniling ni Elaine ang ulo niya sa tanong. Kung bakit napunta doon ang usapan ay wala siyang ideya. "Ramen as in ramen? Noodles?"
Tumango ito. "Japanese noodle soup. I know this nice place. Kaso hindi masarap mag-ramen kapag walang kasama."
Hindi tanga si Elaine para hindi maintindihan kung ano ang ibig nitong sabihin. "Okay lang sa akin ang ramen." Kung bakit siya pumayag, hindi niya alam. Siguro nga ay nakukonsensya rin talaga siya na ang iPad niya ang isa sa mga rason kung bakit ito nalipasan na ng gutom.
Ngumiti ito. "Then, let's go?"
"Okay," aniya.
Umikot na si Red para buksan ang pintuan ng sasakyan para sa kanya.
BINABASA MO ANG
Once, Again, Always (published under PHR March 30, 2016)
RomantikAnim na taon na ang nakakaraan ay may isang bagay na nagawa si Elaine na labis na nakaapekto sa pamilya niya. Dahil doon, pakiramdam niya ay habambuhay na siyang kailangan may patunayan sa mga ito. She was on the right track. Guidance Counselor na s...