MAHIGPIT NA napakapit si Elaine sa doorknob.
Fate was playing a cruel trick on her. Iyon lang ang alam niya na posibleng eksplanasyon kung bakit nakatayo ngayon si Red Caringal sa harapan niya. Hindi alam ni Elaine na tatay ito ng isang estudyante nila. Pinasadahan lang naman kasi niya ng tingin ang profile ni Moira kanina.
Moira was fourteen. Ibig sabihin ay may anak na pala si Red noong gabing...
Napalunok si Elaine. No. Hindi niya dapat payagan ang sarili niyang isipin ang nakaraan.
"Kumusta ka na, Elaine?" tanong ni Red.
Tumikhim si Elaine. "O-okay lang. Ikaw?"
"Okay lang din. 'Eto, napapatawag sa Guidance Office," wika ni Red. Bahagya itong tumawa.
Pinilit ngumiti ni Elaine. "C-come in." Niluwangan niya ang pagkakabukas ng pinto.
Pumasok sina Red at Moira.
"Hindi ko talaga ine-expect na ikaw ang makikita ko dito," wika ni Red.
"Ako din," pakli ni Elaine. "Hindi ko naman alam na ikaw pala ang daddy ni Moira."
Hindi umiimik si Moira pero napansin ni Elaine na pinaglilipat-lipat nito ang tingin sa kanilang dalawa ni Red.
"Nag-attend kasi ng conference sa Manila ang... ang mommy ni Moira kaya ako ang nagpunta," wika ni Red. "Okay lang ba na ako lang?"
Kung paano nagagawa ni Red na casual na makipag-usap sa kanya ay hindi lubos maisip ni Elaine.
Pero ano nga naman ang gagawin ni Red kung sakali? Everything happened some six years ago. Napakatagal na niyon. Hindi na nakapagtataka kung nawala na sa isipan ni Red ang nangyari noon.
At iyon din ang dapat niyang gawin. Ang kalimutan na ang lahat. Hindi na siya dapat mailang. Lalo pa at kung tutuusin ay wala naman talagang nangyari noon.
Tumikhim si Elaine. "No problem," wika niya. "Please take a seat."
Umupo ang mag-ama sa couch na nasa maliit na sala kung saan hinaharap ni Elaine ang mga magulang na bumibisita. O mas tama yatang sabihing mga magulang na ipinapatawag niya.
"Sa 'yo daw kukunin ang iPad?" wika ni Red.
Bahagyang ngumiti si Elaine. "Oo," aniya. Sinulyapan niya si Moira. Nakayuko ito. "Don't worry, Moira, ibibigay ko din agad ang iPad mo pagkatapos nating mag-usap-usap."
Nag-angat ng tingin si Moira. "Salamat, Miss Elaine," sagot nito. Sumulyap si Moira kay Red bago muling yumuko.
Pinigilan ni Elaine ang mapailing. Bumaling siya kay Red. "Hindi kasi ito simpleng pagkumpiska lang ng iPad." Sinadya niyang huwag banggitin sa sulat niya ang mga detalye ng nangyari kung bakit nauwi ang lahat sa pagkumpiska sa iPad ni Moira.
Halatang ikinagulat ni Red ang sinabi niya. "May ibang nangyari?"
Sa nakatakdang sabihin ni Elaine ay halos inaasahan na niyang magwawala si Red at kakastiguhin na si Moira. Kagaya ng ginawa ng nanay ng isang kaibigan ni Moira kanina. Kung hindi pa niya napigilan ang nanay ay baka nasampal nito ang anak.
Tumikhim si Elaine. "Nahuli sila ng librarian na nanonood ng Fifty Shades of Grey sa iPad ni Moira." Elaine paused and waited for Red's his reaction.
There was none.
Nanatiling tahimik si Red. And he looked clueless. At hula ni Elaine ay wala itong ideya kung ano ang sinasabi niya. Kung sabagay, ilang lalaki lang ang kakilala niyang nanood ng Fifty Shades of Grey.
Pero bago pa makapagtanong si Red ay naunahan na ito ni Moira na magsalita. "I swear, Miss Elaine, wala kaming nakitang masama. Do'n pa lang kami sa part na bumibili si Christian Grey ng cable ties."
Noon kumunot ang noo ni Red. Itinaas nito ang kamay nito. "Para saan 'yong cable ties?" tanong nito. "At sino si Christopher Grey?"
Tama nga ang hinala ni Elaine. "Christian Grey. Siya 'yong main character sa movie," aniya. "The movie is actually an erotic romance."
Bahagyang sumimangot si Red. "Erotic? Parang Basic Instinct?"
Pinilit ni Elaine na gawing blanko ang hitsura niya. "Something like that, pero walang patayan," wika na lang niya. "Actually, this is Moira's second offense. Kaya kinailangan nang ipatawag ang parents."
"Second offense?" Bahagya nang tumaas ang boses ni Red.
Ikinuwento ni Elaine na noong una ay Hunger Games ang nahuli ng isang teacher na pinapanood nina Moira. Kinausap lang ni Elaine ang mga bata tungkol sa school policy na pagbabawal sa pagdadala ng mga electronic gadget. Nangako naman ang mga ito na hindi na uulit. Pero umulit. And Fifty Shades of Grey was just too much for the school administration to take.
Kinamot ni Red ang kilay nito. Tumingin ito kay Moira. "Bakit mo ginawa 'yon?"
Yumuko si Moira pero agad ding nag-angat ng tingin. "We were just curious, Dad," anito. "Please, huwag mo akong isusumbong kay mommy?"
Humugot ng malalim na hininga si Red. "May rason kasi kung bakit hindi pa pinapayagan ang mga kasing-edad mo na manood ng mga ganoon," wika nito. Tumingin si Red kay Elaine na tila ba hinihingi nito ang pagsang-ayon niya.
Tinanguan ni Elaine si Red na agad na uling tumingin kay Moira.
"Pero kung mangangako ka sa amin ngayon ni Miss Elaine na hindi mo na uulitin, mapag-uusapan natin 'to."
"Promise po, Dad. Promise, Miss Elaine."
Napangiti si Elaine nang kusutin ni Red ang buhok ni Moira. Tumikhim siya. "Iiwan ko muna kayo sandali," aniya. "Puwede n'yong pag-usapan ang nangyari."
Hindi na hinintay ni Elaine na sumagot ang mga ito. Iniwan na niya ang mag-ama at nagpunta na sa desk niya na bahagyang naikukubli ng filing cabinet.
Hindi gawain ni Elaine na iwan ang mga bisita niya. Hindi iyon bahagi ng standard operating procedure niya. Pero kung hindi siya mabibigyan ng pagkakataon na pakalmahin ang dibdib niya ay baka atakehin na siya sa puso.
Ang muling pagkakita kay Red ay muling bumuhay sa mga alaalang matagal na niyang ibinaon sa limot.
BINABASA MO ANG
Once, Again, Always (published under PHR March 30, 2016)
RomanceAnim na taon na ang nakakaraan ay may isang bagay na nagawa si Elaine na labis na nakaapekto sa pamilya niya. Dahil doon, pakiramdam niya ay habambuhay na siyang kailangan may patunayan sa mga ito. She was on the right track. Guidance Counselor na s...