Chapter 20

10.6K 193 2
                                    

PAGLABAS NI Red sa sala ay nakita niyang nakaupo sa couch si Moira. Maaga itong dumating kanina dahil Linggo at schedule ng bonding nila. Pero hindi sila nakalabas ni Moira dahil parang binibiyak ang ulo ni Red sa sakit. Hindi kasi niya natanggihan ang ilang mga kaibigan niya kagabi. Okay lang naman 'yon kay Moira. May mga assignment din daw ito na kailangang tapusin. Bawi na lang daw sila next weekend. Ipinagtimpla pa siya nito ng black coffee para sa hang-over daw niya.

"May tawag ba sa akin o text?" tanong ni Red.

Mula sa iPad nito ay nag-angat ng tingin si Moira. Tinanggal nito ang earphones nito. "Ano, Dad?"

Inulit ni Red ang tanong pero naglalakad na siya palapit sa console table kung saan nakapatong ang iPhone niya na nagtsa-charge. Hinilot ni Red ang sentido niya. Parang pumipitik-pitik pa iyon. Lasing na lasing siya kagabi. Ni hindi niya matandaan kung paano at anong oras siya nakauwi.

"Wala ka na bang ibang itatanong kundi 'yan, Dad? Dapat kasi may sabitan ka na ng phone sa leeg, eh."

"Naligo nga ako, 'di ba? Hindi ba tumunog?"

"I don't know, Dad. Busy ako." Ibinalik na nito ang atensyon sa iPad nito. Pero hindi na nito isinuksok sa tainga ang earphones.

Napailing si Red. Tumingin siya sa screen ng iPhone. Mayroon ngang message.

Napangiti siya. Galing kay Elaine ang text message. May dalawa rin siyang missed call galing sa numero nito.

Ayon kay Moira ay may paraan daw para mai-set ang iPhone na pangalan lang ng nagpadala ng message ang lumalabas sa Home Screen kapag naka-lock iyon. Pero dahil hindi pa nae-explore iyon ni Red ay nabasa agad niya ang message ni Elaine.

<Sorry, missed ur call. Nagsimba ako.>

Pakiramdam ni Red ay itinahip ang dibdib niya. Noong Biyernes ng hapon pa niya huling nakita si Elaine. Tinatawagan niya ito kaninang magising siya pero hindi nito sinasagot ang tawag niya. Nagsimba pala ito.

Sinulyapan niya si Moira. Nakakatitig ito sa iPad nito. Tinanggal ni Red mula sa saksakan ang charger at lumabas siya. Pinindot niya ang numero ni Elaine.

Pero nagri-ring lang ang cellphone ni Elaine. Dalawang beses pa niya itong sinubukang tawagan pero hindi pa rin ito sumasagot.

Kaya nag-text na lang siya dito.

<Kita tayo? Lunch?> Sent.

Naghintay si Red. Pero lumipas ang tatlong minuto na walang sagot si Red. Kaya nagpasya si Red na magbihis na lang para kung ano man ang isagot ni Elaine ay ready na siya. Bumalik siya sa loob ng bahay.

Nag-angat si Moira nang tingin nang makapasok si Red pero hindi ito umimik.

Ibinalik ni Red sa console table ang iPhone niya at muling i-ch-in-arge iyon. Forty percent pa lang kasi ang battery. Pumasok na siya sa kuwarto niya at mabilis nang nagbihis.

"May lakad ka, Dad?" tanong ni Moira paglabas niya.

"Baka. Bakit?"

"Can I have two-thousand pesos?"

Kumunot ang noo ni Red. "Para saan?"

"May mga kailangan kasi kaming props sa play. Alam mo naman na limited lang ang budget namin."

Hindi niya ito sinagot. Lumapit siya sa console table. May text na uli galing kay Elaine.

<Sorry. Missed ur call, again. D puwede, eh. How about 5pm na lang? Lei's?>

Ang coffeeshop na malapit sa simbahan ng Hermano ang tinutukoy nito.

Sumagot siya. <Ok. See you.>

Maga-alas-onse pa lang. Lumapit siya sa kinauupuan ni Moira. Inilabas niya ang wallet niya. Naglabas ng tatlong libo.

"Two lang, Dad."

Naupo si Red sa tabi ni Moira. "Kilala kita," aniya. Masaya siya. Kaya dapat masaya din ang anak niya. "Huwag ka nang magkunwari na ayaw mo."

Humalik ito sa pisngi niya. "Thanks, Dad."

"Galingan mo d'yan sa theater-theater mo na 'yan, ha? Manonood ako sa kauna-unahang sasalian mo."

"Ayoko, Daddy! Baka ma-conscious ako."

"Ah, basta, manonood ako. Papalakpak ako nang malakas na malakas at ipagyayabang ko sa lahat na anak kita."

Lumabi lang si Moira. Noon nag-ring ang iPhone nito.

Kinuha ni Moira ang iPhone nito sa coffeetable. "Excuse me, Dad," anito bago sinagot ang tawag. Tumayo ito at tinungo ang direksyon ng pinto.

Napakunot ng noo si Red. "Bakit kailangang lumayo?" sita niya sa anak.

Nilingon siya ni Moira. Sinimangutan siya nito pero hindi siya nito sinagot. "Oo, tuloy tayo," wika nito sa kausap.

Iyon na ang huling narinig ni Red dahil tuluyannang lumabas ng pintuan si Moira.    

Once, Again, Always (published under PHR March 30, 2016)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon