Chapter 5

14.7K 252 2
                                    

SUMULYAP SI Red sa gawi ng divider. Kanina pa niya pinag-iisipan kung tatawagin na ba niya si Elaine at sasabihin ditong tapos na silang mag-usap ni Moira. Pero nag-alangan si Red. Baka kasi may takdang haba ng oras na dapat silang mag-usap ni Moira. So he decided to just wait.

Sumulyap si Red sa relo niya. Kulang-kulang isang oras din ang inabot ng pag-uusap nila. Pero hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwala na dito lang niya muling makikita si Elaine.

Anim na taon na mula nang huli itong makita ni Red. Anim na taon na mula nang magpaka-knight-in-shining armour siya nang wala sa oras. Pero hindi kasi kaya ng dibdib niya na panoorin si Elaine noon habang para itong kandilang nauupos sa harapan ng napakaraming mga tao sa simbahan. Kaya inakay niya ito noon palabas. Kaya may mga nangyaring hindi dapat mangyari.

"Tapos na kayo?"

Napalingon si Red. Nakangiti si Elaine.

Kung ano man ang nararamdaman ni Elaine sa una nilang pagkikita pagkatapos ng napakahabang panahon ay wala siyang ideya.

Sinuklian ni Red ang ngiti ni Elaine. "Oo. Okay na ba tayo?"

"Oo," pakli ni Elaine. Bumaling ito kay Moira. Iniabot nito ang iPad.

"Puwede na po ba akong lumabas?" tanong ni Moira.

Tumango si Elaine.

"I'll just go get my things, Dad. Sasabay na ako sa 'yo. Nakaalis na kasi ang school bus," anito.

Napailing si Red dahil parang may pakpak na ang mga paang lumabas si Moira. Ni hindi na nito hinintay pa na sumagot siya. Bumaling siya kay Elaine. "I'm worried about her."

"She's a typical teenager. Pero kailangan n'yo sigurong pag-usapan ng wife mo ang nangyari."

Umiling si Red. "Hindi kami kasal ng mommy ni Moira. Hindi rin kami nagsasama," aniya.

Bahagyang kumunot ang noo ni Elaine. Ikiniling nito ang ulo nito na tila pinag-iisipan ang sinabi niya bago ito bahagyang ngumiti. "I see."

Hindi niya masisisi si Elaine kung malito man ito sa narinig. Hindi naman kasi iyon ang tipo ng bagay na agad na sasabihin sa ibang tao. Totoong magkakilala sila ni Elaine pero napakatagal na mula nang huli silang magkita. And they were not exactly friends back then. Si Roman na ex-boyfriend ni Elaine ang kaibigan niya... noon.

Sa totoo lang, hindi alam ni Red kung bakit niya kinailangang sabihin iyon. Basta na lang kasi lumabas sa bibig niya. O baka iniisip lang niya na kailangan ni Elaine ang impormasyong iyon kung gagawa ito ng report tungkol kay Moira. Naisip siguro niyang importanteng malaman ni Elaine ang set-up nila para maintindihan nito ang pinagdadaanan ni Moira, kung mayroon man.

Baka. Hindi siya sigurado. And it was no big deal.

Tumikhim si Red. "Ang dami kong gustong itanong... I mean about Moira."

"I understand," wika ni Elaine. "Minsan kasi may mga batang naghahanap ng atensyon kaya kung anu-ano ang ginagawa. Minsan naman adventurous lang sila. At alam mo naman siguro ang peer pressure."

Tumango si Red. "Sana nga ganoon lang," aniya. "Salamat."

"Walang anuman."

Obviously, tapos na ang usapan nila tungkol kay Moira. At hindi mapigilan ni Red ang utak niya na mapunta sa iniisip niya kanina pa. Tumikhim siya.

"May concerns ka pa?" tanong ni Elaine.

Alam ni Red na tungkol kay Moira ang ibig sabihin ni Elaine. Kaya kung paano niya sasabihin ang nasa isip niya ay hindi niya alam. Ni hindi nga siya sigurado kung puwede nga ba nilang pag-usapan sa mga sandaling iyon ang tungkol sa nakaraan. Pero alam niyang hindi siya makakatulog kapag hindi niya binanggit ang tungkol sa bagay na iyon.

"Kumusta ka na, Elaine? It's been a long time."

Ikiniling ni Elaine ang ulo nito. "Oo nga, ang tagal na," anito. Mahinang-mahina ang pagsasalita nito.

Muling tumikhim si Red. "Pinuntahan kita sa inyo no'n. The day after... you know."

Walang kahit anong mabasang reaksyon si Red mula sa mukha ni Elaine. Her expression was blank. "Red, we, really, should not be talking about it."

"May kasalanan ako sa 'yo, Elaine," aniya. "I almost-"

"Red, stop."

Umiling siya. "No, Elaine, let me finish."

Umiling din si Elaine. "Kung ayaw mong magalit ako, Red, huwag mo nang ipilit, please. Tapos na 'yon. At kung tutuusin wala naman talagang nangyari. Wala na 'yon."

"Are you sure?"

Tiningnan siya ni Elaine nang pailalim. "I'm okay, Red. Kaya huwag mo nang isipin 'yon, okay?" Bahagya pang tumawa si Elaine.

Sa pagtawa nitong iyon ay naisip na ni Red na wala na nga dito ang nangyari sa kanila noon. Para siyang tanga kung ipagpipilitan pa niyang ungkatin pa iyon. "So, we're good?"

Ngumiti si Elaine. Tumango. "Hindi sa pinapaalis kita, Red, ha? Kaso may kasunod pa kayo na kakausapin ko, eh."

Wala nang nagawa si Red kundi ang magpaalam na kay Elaine. Pagbukas ng pinto ay nasalubong pa niya ang mag-inang susunod na kakausapin ni Elaine.

Paglabas ay luminga-linga si Red, pero wala si Moira. Alam niyang hindi nito dala ang cellphone nito kaya hindi na siya nag-abalang i-text ito. Hihintayin na lang niya itong bumalik.

Napatingin si Red sa bench na nasa ilalim ng puno ng chico. Lumapit siya doon at naupo.

Muli siyang napatingin sa sarado nang pintuan ng Guidance Counselor's Office.

Napailing siya, pero hindi na niya napigilan ang pagdaloy ng mga alaala.

Once, Again, Always (published under PHR March 30, 2016)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon