Chapter 25

11.1K 202 0
                                    

"HUWAG mong pansinin 'yang si Lisbeth," wika kay Elaine ni Red. "Na-praning lang 'yon dahil sa ginawa ni Moira."

Hindi sumagot si Elaine. Nanatiling nakatutuok ang mga mata niya sa maliit na dreamcatcher at rosaryo na nakasabit sa rearview mirror ng sasakyan ni Red. Bago mag-uwian kanina ay t-in-ext niya si Red. Sinabi niya dito na kailangan nilang mag-usap. Sinundo naman siya ni Red pagdating ng uwian. Niyayaya siya ni Red na bumaba, pero ayaw niya.

Ginagap ni Red ang kamay niya. Pinagsalikop nito ang mga daliri nito. "Kakausapin ko si Lisbeth."

Umiling si Elaine. "Huwag na. Magtatalo lang kayo, maririnig ni Moira, maglalayas na naman."

Humugot ng malalim na hininga si Red. "Okay. Hindi na kung ayaw mo. At hindi natin kailangang pag-usapan 'yan ngayon."

Umiling si Elaine. "On the contrary Red, ito na ang pinakamagandang pagkakataon para pag-usapan natin ang tungkol d'yan." Hinila ni Elaine ang kamay niya.

Bahagyang kumunot ang noo ni Red.

Sumandal si Elaine. Kahit humingi ng paumanhin si Lisbeth ay hindi matanggal sa isip ni Elaine ang posibilidad na may motibo ito kung bakit nito binanggit na ninang nito ang may-ari ng MCA.

Parang sinasabi ni Lisbeth na kapag sumama ang loob ni Moira at makaisip na namang gumawa ng kung ano, lagot si Elaine sa may-ari ng eksuwelahan.

Totoong hindi istrikto ang school administration pagdating sa pakikipag-relasyon ng mga teacher at staff. Pero kapag desidido ang mga ito na tanggalin siya, hindi lang si Red ang puwedeng maging dahilan para masisante siya.

It seemed so far-fetched. Pero paano kung mangyari nga? And that was even the least of her worries. Dahil puwede siyang maghanap ng ibang trabaho. Iyon ibang epekto ng pakikipag-relasyon kay Red ang iniisip niya.

"Ayoko ng ganito Red," wika ni Elaine.

Tinitigan siya ni Red. Ipinilig nito ang ulo nito.

"What exactly do you have in mind, Elaine?"

"I don't know," aniya. "With everything that's been happening... hindi kaya sign na 'yong mga 'yon?"

Kumunot ang noo ni Red. "Sign na?"

Kung totoong hindi naiintindihan ni Red ang sinasabi ni Elaine, wala siyang ideya. Pero ito na ang pinakamagandang oras para sabihin niya ang lahat ng nasa isip niya. Ang lahat ng gumugulo sa isip niya. "Na kailangan na nating tapusin 'to."

Napamaang si Red sa kanya. "Seriously?"

"Naglayas si Moira, Red," aniya. "Hindi na biro 'yon. She's afraid. She's confused. Paano kung hindi sinasadyang mapahamak siya?"

"Kinausap na namin ng masinsinan kanina. Hindi na daw niya uulitin."

"Paano tayo nakakasiguro? Paano kung mainis na naman siya?"

Hindi sumagot si Red. Sumandal ito sa upuan. Pumikit ito bago hinilot ang sentido nito.

"At ako, natatakot din ako," dagdag ni Elaine. "Natatakot ako na dahil sa mga nangyayari ngayon ay tuluyan na akong hindi tanggapin ng pamilya ko."

Nagmulat si Red. Muli nitong inabot ang kamay niya. "Puwede naman sigurong huwag muna nating isama si Moira o ang pamilya mo sa usapan, 'di ba? Tayong dalawa lang naman ang nag-uusap."

Muling hinila ni Elaine ang kamay niya. "Alam mong hindi natin sila puwedeng i-exclude sa mga buhay natin. Tingnan mo ako ng diretso sa mata, Red at sabihin mo sa akin na hindi ka nag-aalala sa bawat galaw ni Moira."

Tinitigan siya ni Red. "Every single minute, Elaine. Alam mo 'yan. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Hindi ko alam ang gagawin ko kay Moira."

Umiling si Elaine. "Let's just put an end to this, Red. Para matapos na. Para wala nang masaktan."

"Sa tingin mo maniniwala ako na hindi ka masasaktan?"

Hindi maitatanggi ni Elaine ang sinabing iyon ni Red. Sigurado siya sa nararamdaman niya para dito. She was in love with him. Iniisip pa lang niya na hindi na niya ito muli pang mayayakap at mahahalikan ay lungkot na lungkot na siya.

But she had to make a choice. Para sa ikakabuti ng lahat.

"Kung magpapaapekto tayo sa lahat ng nangyayari sa paligid, Elaine, ano na lang ang mangyayari?"

She wished she had Red's strength and courage. Pero dalawang bagay iyon na wala si Elaine. Hindi kaya ng kunsensya niya. Hindi kaya ng puso niya.

Kaya umiling si Elaine. "Just let go, Red. It's not as if you're... it's not as if we're in-love with each other."

Alam ni Elaine na hindi na niya dapat pang abangan ang isasagot ni Red. Siya itong tumatapos ng lahat ng namamagitan sa kanila. Siya itong nakikipaghiwalay. Wala na siyang karapatan pa na pigilan ang hininga niya habang hinihintay niya ang sasabihin nito.

Inaamin niya na hindi niya hindi maiwasang tanungin ang sarili niya kung ano ang gagawin niya kung sakaling sabihin ni Red mahal siya nito. At may hatid na haplos sa puso niya ang isiping iyon.

Pero wala palang silbi iniisip na iyon ni Elaine.

Because Red did not say anything. Nanatili lang itong nakatitig sa kanya.

At napakasakit niyon para kay Elaine. His silence told her everything she needed to know.

Pinigilan ni Elaine ang mapapikit. Paano niya ipaglalaban sa pamilya niya ang isang lalaking hindi naman siya mahal? At siyempe, hindi na niya dapat pang asahan na ipaglalaban siya ni Red.

Ang pagkuwestyon ni Red sa desisyon niyang tapusin na ang namamagitan sa kanila ay walang kinalaman sa nararamdaman nito para sa kanya. He wanted her by his side. He wanted her in his bed. Hindi ibig sabihin n'yon na mahal siya nito.

Nararamdaman ni Elaine na nag-iinit na ang sulok ng mga mata niya. Hindi dapat makita ni Red na umiiyak siya. Hindi nito dapat malaman kung gaano kabigat ang loob niya.

"Goodbye, Red," mahina nang wika niya. Hindi na niya hinintay pa na buksan ni Red ang lock ng ng pintuan ng sasakyan. Hinila na niya iyon at lumabas na siya.

Tanga nga siguro siya dahil hanggang sa huli ay umaasa pa siya na susundan siya ni Red. But he did not.

Pinabayaan lang siya nitong makalayo.

Once, Again, Always (published under PHR March 30, 2016)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon