"KAYA mo 'to, Elaine. This is your last chance. Kaya mo 'to..." bulong ni Elaine sa sarili niya.
Kung ilang ulit nang sinasabi iyon ni Elaine mula pa nang pumasok siya sa arko ng simbahan ng San Gregorio ay wala siyang ideya. Ang sigurado lang siya ay naging parang chant na iyon. Chant na nagpapalakas ng loob niya. Doon lang naman kasi siya maaaring kumapit. Sa mga sandaling kasi ito ay mag-isa siya.
Ramdam ni Elaine ang pangangalog ng mga tuhod niya ngunit pinilit pa rin niyang humakbang. Mga limang metro na lang ay nasa loob na siya ng simbahan.
It was now or never. Kung hindi siya kikilos ay tuluyang mawawala si Roman sa kanya. Ikakasal na ito sa babaeng pumikot dito.
Oo, pinikot lang daw si Roman. Iyon ang sabi ni Roman sa kanya nang huli silang magkausap. Hindi niya nakuha ang buong detalye dahil sampung minuto lang yata silang nag-usap. Baka daw kasi may makakita kanila at pagtsismisan siya.
Sa naalalang iyon ay nag-init ang sulok ng mga ni Elaine. Hanggang sa huli ay ang kapakanan niya ang iniisip ni Roman. Mahal siya nito.
Kaya dapat niyang bawiin si Roman. Babawiin niya si Roman! Hindi dapat magtapos sa ganito ang dalawang taong relasyon nila.
Suminghot si Elaine bago itinuwid ang mga balikat niya.
Tama ang gagawin niya. Mas magmumukha siyang tanga kung itinuloy niya ang una niyang balak noon na sulatan ang kura paroko na si Father Jessie para pakiusapan na huwag pumayag na ikasal ang dalawa. Nakabuo na siya ng sulat noong isang linggo. May quote pa galing sa tulang Desiderata. Pero nagbago ang isip ni Elaine.
Mas maganda itong ganito na siya na mismo ang haharap. Sasabihin niyang hindi dapat matuloy ang kasal dahil sila ni Roman ang nagmamahalan.
Nang nasa tapat na si Elaine ng lalagyan ng agua bendita ay nakita niyang nasa altar na sina Roman at ang bride. Nakaluhod ang mga ito. Puno ang simbahan. Marami ang gustong makasaksi sa pag-iisang-dibdib na hindi dapat mangyari.
Nalaglag na ang mga luhang kanina pa niya pinipigilan. Kahit nakatalikod si Roman ay kitang-kita kung gaano ito katikas sa suot nitong puting tuxedo.
Sa kabila ng kasalukuyang nangyayari ay hindi napigilan ni Elaine ang pag-apaw ng pagmamalaki sa dibdib niya. Siya ang mahal ng lalaking iyon. Ng guwapong lalaking-
Natigilan si Elaine. Ikiniling niya ang ulo niya. Totoong naplano na niya ang lahat ng sasabihin niya. Pero hindi niya alam kung saang parte ng seremonya siya dapat sumabad. Kagaya ba sa mga pelikula na hihintayin muna niyang magtanong ang pari kung sino ang tumututol sa kasalang iyon?
Sa tingin niya ay hindi. Kaya humugot siya nang malalim na hininga. Humakbang siya. Naka-focus ang tingin niya sa altar.
She only had one goal. At iyon ay ang kunin ang atensyon ni Roman. Kapag nakita siya nito, maiisip nito na wala itong ibang dapat makasama kundi siya. Na siya ang nararapat nitong pakasalan.
Muli sanang hahakbang si Elaine palapit nang mapansin niyang tumigil na sa pagsasalita si Father Jessie. Nakatingin ito sa kanya. Tila hindi makapaniwala sa nakikita. Laglag ang panga.
Kumabog na ng todo ang dibdib ni Elaine. Alam niyang anumang sandali ay lilingon na rin si Roman. Imposible namang hindi ito magtaka kung bakit natigilan si Father Jessie.
At nang lumingon nga si Roman, tumigil na yata sa pagtibok ang puso ni Elaine.
Ngunit hindi ang inaasahan ni Elaine ang nakita niya. Totoong mukha ring nagulat si Roman. Ngunit sandali lang iyon. Biglang tila nanlisik na ang mga mata nito.
Sa nakita ay nanlamig na ang buong pagkatao ni Elaine. All coherent thoughts fled her mind. It did not take a genius to figure out that Roman was not at all happy to see her.
Ilang metro ang layo niya mula dito ngunit ramdam niya ang pagkamuhi nito sa kanya.
Kung gaano katagal na nakatulalang nakatayo doon si Elaine ay wala siyang ideya.
"Ano'ng ginagawa ng babaeng 'yan dito, Roman!" sigaw ng bride.
Napapitlag si Elaine. Kung ano ang isinagot ni Roman ay hindi niya alam. Natabunan na kasi ang tinig ni Roman ng mga bulong-bulungan sa paligid.
Doon pa lang parang nagising si Elaine. Nakita niyang nakatuon na sa kanya ang atensyon ng lahat ng tao. Ng buong bayan. At sa unang pagkakataon mula nang magdesisyon si Elaine na gawin ang bagay na ito ay bigla niyang kinuwestyon ang sarili niya.
Gusto nang tumakbo ni Elaine palabas ngunit pakiramdam niya ay itinulos na siya sa kinatatayuan niya. Nanginginig siya.
Noon niya naramdaman na may humila sa kamay niya. "Let's go, Elaine."
Everything seemed to be in slow motion. Pati ang pagharap niya sa lalaking nagsalita sa kaliwa niya.
Kilala niya ito. Red ang pangalan nito. Balikbayan ito na kaibigan ni Roman.
"Let's go, Elaine," muling wika ni Red. "Huwag mong gawin 'to sa sarili mo."
Alam ni Elaine na hindi siya dapat sumama kay Red. Kaibigan ito ni Roman. Hindi niya ito kakampi.
But at that very moment, Red was her only ticket to salvation.
BINABASA MO ANG
Once, Again, Always (published under PHR March 30, 2016)
RomanceAnim na taon na ang nakakaraan ay may isang bagay na nagawa si Elaine na labis na nakaapekto sa pamilya niya. Dahil doon, pakiramdam niya ay habambuhay na siyang kailangan may patunayan sa mga ito. She was on the right track. Guidance Counselor na s...