"MISS Elaine, ilang beses ba dapat gumamit ng drugs bago maging ma-addict?"
Napangiti si Red nang kantiyawan ng mga kasamahan nitong mga kabataan ang nagtanong na iyon kay Elaine. Ayon sa name tag nito ay Buddy ang pangalan nito at sa tantya ni Red ay nasa labing-walong taong gulang. Isa ito sa dalawampu't walong kabataan na sumali sa seminar nila laban sa pag-abuso sa droga.
Panlima na nitong tanong iyon kay Elaine. It was obvious the young man was quite smitten with Elaine. At hindi nakaligtas sa pansin ni Red na hindi nito pinopo-'po' si Elaine.
Hindi masisisi ni Red si Buddy. Maging siya kasi mismo ay kanina pa hindi mailayo ang tingin kay Elaine.
Kung tutuusin ay wala namang kakaiba sa suot ni Elaine nang araw na iyon. Puting button-down shirt lang iyon na may long sleeves na itinupi hanggang siko at dark blue jeans na hindi rin naman masasabing hapit na hapit. Itim na flat shoes lang din ang sapin nito sa paa.
Pero may kung anong taglay si Elaine na humuli sa atensyon ni Red. Kung iyon ba ay ang kumpiyansa nito habang nakatayo sa harapan at sa malinaw na pagpapaliwanag nito sa mga sinasabi nito, hindi masabi ni Red.
"You mean before you get addicted, Buddy?" tanong ni Elaine.
"Oo, Miss Elaine."
Ngumiti si Elaine. "Ang sagot, Buddy, depende," anito. "May mga factors kasi na dapat i-consider kagaya ng mismong katawan ng taong gagamit. Iyong tinatawag nating naturalesa? Factor din kung gaano kadami ang gagamitin, pati ang kemikal na laman ng droga at kung paano tatanggapin ng katawan ang mga iyon."
Ayon kay Elaine, kung sensitive daw ang isang tao sa mga kemikal na laman ng droga, isang beses lang na paggamit ay mapanganib na. Sabi rin nito ay wala naman daw taong bigla na lang magdedesisyon na gustong maging addict.
"Ang balak lang naman kasi ng karamihan sa mga taong gumagamit ng droga ay minsan lang o kaya ay paminsan-minsan lang na gagamit," dagdag pa ni Elaine. "Pero dapat nating tandaan na ang pinag-uusapan natin dito ay ang paggamit ng mga kemikal na maaaring makaapekto sa utak natin. At dahil doon ay puwedeng mangyari ang kahit na ano. Ang minsang paggamit ay puwedeng maging paminsan-minsan. At ang paminsan-minsan ay puwedeng mauwi sa palagi at paulit-ulit."
Napangiti si Red. Gusto niya ang huling sinabi ni Elaine.
"There's really no definite answer on how many times one should take drugs before they get addicted. Ang sigurado lang, kung hindi kayo gagamit, hindi kayo magiging addict," anito. "Right, Buddy?"
Sumabay si Red sa masigabong palakpakan.
Si Buddy naman ay abot-tainga ang ngiti. "Tama, Miss Elaine," anito. "Say no to drugs!"
Lalong kinantyawan si Buddy.
"Any more questions?" tanong ni Elaine.
Halos lahat ng mga kabataan ay nagtaas ng kamay. Hindi ganoon kadami ang naging interesado kanina sa open forum ni Colonel Patio at sa may edad nang social worker galing DSWD.
Pumagitna ang nagsisilbing moderator na si Mrs. Chen, ang secretary nila sa SGBA. "Dalawang question na lang. Pagod na si Miss Elaine."
Ngumiti si Elaine. "Okay lang naman po. Kaso hanggang six lang yata tayo, eh."
Parang iisang taong umungol ang mga kabataang lalaki.
Tumawa si Mrs. Chen. "Sorry, guys," anito. Tumingin ito sa kinauupuan ni Red. "Pero kung ipapahiram pa sa atin ni Mister Caringal si Miss Elaine, walang problema."
Hindi inaasahan ni Red na sasabihin iyon ni Mrs. Chen. Sa buong buhay niya ngayon lang niya naramdaman na nag-init ang mukha niya dahil sa pagkailang.
Pero baka wala namang ibang ibig sabihin si Mrs. Chen. Dahil lang siguro siya ang nagsama dito kay Elaine kaya nasabi nito iyon.
Tumikhim si Red. Nakatingin na sa kanya ang lahat ng nandoon. "Nakakahiya kasi kay Miss-"
Hindi na niya natapos ang sasabihin dahil nag-boo na ang mga kabataan na ikinatawa na ng lahat, kasama na siya.
Tumingin si Red kay Elaine. Nakangiti ito. "It's okay, Red," wika nito. Tumingin ito sa mga kabataan. "Sige, three more questions."
As if on cue, nagtaasan ang lahat ng mga kamay. Pinili ni Elaine ang isang kalbo at may hikaw sa ilong. Marahil ay nasa beinte anyos.
Hindi na narinig ni Red ang tanong dahil biglang nag-vibrate ang iPhone sa bulsa niya. Inilabas niya iyon. It was Moira.
Lumayo siya nang kaunti. "'Balita, mahal na prinsesa?"
"Sa 'yo na lang ako titira, Daddy!" walang hello-hello na wika ni Moira.
Napasimangot si Red. "Ano na naman ang nangyari?" Dalawang beses sa isang linggo kung sabihin ni Moira sa kanya ang ganoon.
Nagkuwento si Moira. Pero dahil angil ito nang angil, walang naintindihan si Red. Lahat na lang ay inireklamo nito. Kung hindi siya nagkakamali ay nasa sampung minuto na itong nagdadadaldal ng kung anu-ano. Nag-iinit na ang phone niya. Magulong magkuwento si Moira. Ang malinaw lang, gusto na daw nitong tumira sa kanya.
"Princess, mag-usap muna kayo ng mommy mo," aniya. Kung ano ang desisyon ni Lisbeth, doon siya. Ayaw niya ng gulo.
"Wala siya! Nasa Hong Kong daw! Ewan ko kung totoo. Pati si Yaya nakakainis!"
Hinala ni Red ay may kinalaman ang pag-alis ni Lisbeth sa pagwawala na naman ngayon ni Moira. "'Daan ako d'yan mamaya. Relax ka lang, okay?"
"Okay, Dad," wika ni Moira.
Ibinulsa ni Red ang iPhone niya.
"Is everything okay?"
Napangiti si Red. Kahit hindi siya lumingon ay alam niya kung sino ang nagsalitang iyon. Si Elaine. Hinarap niya ito. "Yeah," aniya. "Tapos na?"
Tumango si Elaine. "Nakita ko kasi na parang bothered ka na naman. Kaya no'ng natapos kami, nilapitan kita agad," anito. "Si Moira?"
"As usual," aniya. "Pero okay na."
Sabay na silang naglakad pabalik sa kinaroroonan ng mga kasama niya.
"Napagod ka?"
Umiling si Elaine. "Hindi na- Shit!"
Maagap na nahapit ni Red ang baywang ni Elaine bago pa ito tuluyang mapaupo. Hindi nito napansin ang pababang parte ng covered court.
"Okay ka lang?" bulong ni Red. Kung bakit siya bumubulong ay hindi niya alam. Pero malakas ang kutob niya na may kinalaman doon ang nakakahalinang bango ng buhok ni Elaine.
Ah... 'di hamak na masuwerte siya kaysa sa mga nagkaka-crush kay Elaine kanina. Nabigyan siya ng pagkakataon na samyuin ang buhok nito. At dahil nakataas ang buhok nito ay kitang-kita niya ang napakakinis na batok nito.
"Oo," bulong din ni Elaine. Nag-angat ito ng tingin at nagtama ang mga mata nila.
Noon pa man ay alam na ni Red na maganda ang mga mata ni Elaine. Maliliit ang mga iyon pero hindi naman singkit. Almond-shaped. At nang mga sandaling iyon ay para na siyang nabatu-balani sa mga iyon. Kung puso ba niya o puso ni Elaine ang nag-doble ang bilis ng tibok ay hindi na alam ni Red. Nakasandig kasi si Elaine sa dibdib niya.
Kumurap si Elaine.
Napapitlag si Red. Binitawan niya ito. "Akala ko hindi nagmumura ang mga guidance counselor," wika niya para pagtakpan ang nararamdaman niya.
Tiningnan siya ni Elaine nang masama. "Nagulat lang po ako," anito. Umingos ito. \
Hindi na siya nito hinintay. Nauna na itong naglakad.
Napapangitina lang na sinundan niya ito.
BINABASA MO ANG
Once, Again, Always (published under PHR March 30, 2016)
RomanceAnim na taon na ang nakakaraan ay may isang bagay na nagawa si Elaine na labis na nakaapekto sa pamilya niya. Dahil doon, pakiramdam niya ay habambuhay na siyang kailangan may patunayan sa mga ito. She was on the right track. Guidance Counselor na s...