"MASARAP PO siya, Ma'am pero meron po kasi siyang fermented bamboo shoots. Kaya medyo overpowering ang amoy," wika kay Elaine ng waitress ng Noname Ramen House na pinagdalhan sa kanya ni Red. Itinanong kasi niya sa waitress kung masarap ba ang house specialty ng mga ito.
"Then I'll just have the Gomoku ramen," ani Elaine. Sinabi na rin niya na gusto niya red tea.
"Sa inyo, Sir?" baling nito kay Red.
"Miso ramen sa akin at bottled water," anito. Nag-order na rin ito ng gyoza at ebi tempura.
"'Yon lang po?"
"'Yon lang muna, Cherry," wika ni Red. "Kindatan na lang kita kapag may kailangan pa kami."
"Si Sir Red talaga," wika ni Cherry the waitress. Tiningnan pa nito si Red nang pailalim at lumabi. Naglakad na ito papunta sa counter.
"Obviously, suki ka dito," wika ni Elaine kay Red nang makalayo si Cherry.
"Kumpare ko ang may-ari," pakli ni Red. "Supporter noong SGBA election."
Alam ni Elaine na ang San Gregorio Businessmen's Association ang ibig nitong sabihin. Tumawa siya. "So, bilang ganti, ipa-patronize mo ang resto niya?"
"Parang ganoon na nga," anito. "Pero parang wala din siyang kikitain sa akin kasi malaki ang discount. Mas malaki pa kaysa sa senior citizen."
Tiningnan niya si Red ng pailalim. Pero hindi pa-cute tulad no'ng waitress. Siniguro niyang hindi. "Kaya dito mo ako dinala?"
Tumawa ito. "Kaya dito kita dinala," ulit nito sa sinabi niya.
Napailing si Elaine. Sa dalawa o tatlong beses niyang nakasama si Red noong boyfriend pa niya si Roman, ganoon na talaga ito. Palabiro. Kaya marahil hindi siya nagdalawang-isip na sumama dito noon.
Tumikhim siya. Dapat ay binabantayan niya ang utak niya para hindi iyon napupunta kung saan-saan.
Humalukipkip si Red at napatitig si Elaine sa pahabang tattoo sa bisig nito. She knew he had a tattoo. Pero ngayon lang niya napansin na wala palang partikular na disenyo ang tattoo na iyon. Para bang sinadyang gawing kumplikado na kapag natitigan ay hindi na mailalayo ang tingin mula doon.
And it was definitely working. Hindi na kasi maiwasang isipin ni Elaine kung hanggang saan iyon nagtatapos. Sa may kilikili ba? O umaabot hanggang-
"I get that a lot."
Napamaang si Elaine kay Red.
Iniharap ni Red sa kanya ang likod ng bisig nito. Ngayon ay mas malinaw nang nakikita ni Elaine ang kabuuan ng tattoo nito.
Naramdaman ni Elaine na nag-init ang pisngi niya. Malinaw na nahuli siya ni Red na nakatitig sa tattoo. Tumikhim siya. "Iniisip ko lang kasi kung ano 'yang naka-drawing."
Ngumiti si Red. "Sabi ko sa artist, gusto ko ng 'live and let live' in Chinese characters."
Kumunot ang noo ni Elaine. "Parang hindi naman siya mukhang Chinese characters," komento niya.
"It was a tattoo gone wrong," wika ni Red.
Namilog ang mga mata ni Elaine. "Seryoso?" Hindi niya lubos maisip kung gaano kasakit para sa isang nagpapalagay ng tattoo kapag nagkamali ang tattoo artist.
"Oo nga," sagot ni Red. "Ang yabang ko no'ng una. Ipinagyabang ko sa lahat. 'Ganda naman kasi talaga. Well-defined 'yong strokes. Eh, nagka-girlfriend ako ng Chinese."
BINABASA MO ANG
Once, Again, Always (published under PHR March 30, 2016)
RomanceAnim na taon na ang nakakaraan ay may isang bagay na nagawa si Elaine na labis na nakaapekto sa pamilya niya. Dahil doon, pakiramdam niya ay habambuhay na siyang kailangan may patunayan sa mga ito. She was on the right track. Guidance Counselor na s...