"INGATAN mo din naman kasi ang mga gamit mo, Moira, kahit paminsan-minsan lang. Pangatlong lightning cable na 'yong binili natin noong nakaraang buwan, ah," wika ni Red. Hindi na siya nag-abalang lingunin si Moira. Nagpatiuna na siyang maglakad papunta sa tindahan ng mga cellphone accessory. "Class A na lang. Kahit dalawa pa kung-"
Pero hindi na natapos ni Red ang sasabihin niya. Napansin kasi niyang wala na pala siyang kausap. Napasimangot siya. Luminga-linga.
Nakatayo si Moira mga sampung metro ang layo mula sa kanya. Sa tapat ng Powermac. Nakasimangot.
Ibig sabihin ay medyo matagal-tagal na rin siyang mukhang tanga na nagsasalita nang mag-isa habang naglalakad sa mall. Kaya pala napapatingin sa kanya ang mga nakakasalubong niya. Akala pa naman niya ay naku-cute-an ang mga ito sa kanya. Iyon pala ay napagkakamalan na siyang nawawala sa sarili.
Kahit ayaw sana ni Red ay napilitan siyang maglakad pabalik kung saan nakatayo si Moira.
"Gusto ko ng original na lightning cable! Gusto ko original!" wika ni Moira nang makalapit si Red. Pumadyak pa ito.
Humugot ng malalim na hininga si Red. Sa totoo lang, malapit nang maubos ang pasensya niya.
Sa edad ni Moira na iyon ay hindi na ito dapat pang umakto nang ganoon. At sa edad nitong iyon ay hindi pa ito dapat nagsusuot ng mga isinusuot nito. Murang violet na makintab ang kulay ng talukap ng mga mata nito, mapula ang mga labi at napakaiksi ng palda nito. Mukha itong sasali sa cheering squad. Dahil sa hitsura nito kaya hindi naging maganda ang simula ng araw nila. Iyon na ang pinagdiskusyunan nilang dalawa nang sunduin niya ito kanina para sa isang beses sa isang buwan na bonding nilang mag-ama.
"Pareho namang charger 'yon 'di ba?"
Sumimangot si Moira. Lalong dumilim ang mukha. "What if sumabog, Dad?"
Natigilan si Red. "Sumasabog ang class A?"
Pinaikot ni Moira ang mga mata nito. "Kasi nga, hindi siya certified accessory. May napanood akong news sa TV. Gumamit ng fake na charger 'yong girl. Hayun, sumabog. Sunog ang face niya."
Kung niloloko lang siya ni Moira, ay hindi alam ni Red. Hindi orig ang gamit ni Red sa iPhone niya. Nang masira ang kay Moira ay ibinigay niya ang original na cable niya at bumili siya ng tig-eighty-eight pesos sa Japan surplus store na nasa tabi ng Lotto Outlet niya. Wala namang nakikita si Red na pagkakaiba. Mabilis din namang ma-charge ang battery.
Pero pagdating sa anak niya ay hindi siya puwedeng makipagsapalaran. "Bakit hindi mo sinabi agad?" Hinila na niya si Moira papasok sa Powermac at bumili na ng original na lightning cable. Isanlibo ang nalagas sa wallet niya. Paglabas nila ng tindahan ay abot-tainga na ang ngiti ni Moira.
"'Nood na rin tayo ng movie, Dad," wika nito. Yumakap pa ito sa braso niya.
Pinigilan ni Red na paikutin ang mga mata niya. Maganda na ang mood ni Moira. And he realized right there and then he was willing to give anything just to see his daughter smile.
Anything for his unica hija. His flesh and blood.
"'Kain muna tayo," wika niya. Hindi pa siya nag-aagahan dahil naga-alburuto na si Moira kanina. At maga-alas-onse na.
Pumayag si Moira. Ito na rin mismo ang pumili kung saan sila kakain. At kahit hindi kailanman ituturing ni Red na pagkain ang pizza ay pumayag siya.
"Dapat, Dad, gawin nating every weekend ang bonding natin," wika ni Moira bago sumipsip mula sa strawberry smoothie.
Napangiti si Red. Labis na kasiyahan ang idinulot sa kanya ng sinabi ng anak. "Why not?" Inabot niya ang mojo potatoes. Isinawsaw niya ang isa sa sour cream bago isinubo.
BINABASA MO ANG
Once, Again, Always (published under PHR March 30, 2016)
RomanceAnim na taon na ang nakakaraan ay may isang bagay na nagawa si Elaine na labis na nakaapekto sa pamilya niya. Dahil doon, pakiramdam niya ay habambuhay na siyang kailangan may patunayan sa mga ito. She was on the right track. Guidance Counselor na s...