Chapter 15

11.2K 202 3
                                    


"SO, how was the kiss?" nakapangalumbabang tanong kay Elaine ni Amelia.

"Gentle? Torrid? French?" dagdag naman ni Doreen.

Napailing na lang si Elaine. Dahil hindi siya tinigilan ng dalawa kanina ay napilitan siyang ikinuwento ang nangyari sa sasakyan ni Red kahapon. At kagaya ng inaasahan niya, tumili ang mga ito nang tumili. Mula pa kaninang flag raising ceremony ay iyon na ang topic nila. Alas-dose y medya na at tapos na ang lunchbreak pero hindi pa rin pinapakawalan ng dalawa ang issue.

"Bilis na kasi," wika uli ni Amelia. "We want details!"

Pinaikot ni Elaine ang mga mata niya. "Sa susunod talaga hindi na ako magkukuwento sa inyo."

"Ibig sabihin may kasunod talaga," wika ni Doreen. Muling humagikhik ang dalawa.

"Ewan ko sa inyo," singhal niya.

"Pero kinikilig ka?" tanong ni Amelia.

Magsisinungaling si Elaine kapag sinabi niyang hindi. "Given na 'yon," aniya. "Kaso nga, hindi ko alam kung dapat ko bang kunsintihin ang sarili ko na kiligin." Inaamin naman niya na nalilito pa siya. Red kissed her. But he did not say anything. Ang masaklap, hindi mawala sa isip ni Elaine ang halik na iyon. Halos hindi nga siya nakatulog kagabi.

"Baka naman may sinabi siya, kaso sobrang dazed and confused ka lang sa kiss kaya 'di mo narinig," wika uli ni Amelia. Hagikhikan uli.

Napamaang siya sa dalawa. Umawang ang mga bibig niya para sumagot pero narinig niyang may kumatok.

"Sino naman kaya 'yan?" wika ni Amelia. "Tanghaling-tapat, eh."

Pero lumapit na si Elaine sa pinto at binuksan iyon. At ganoon na lang ang gulat niya nang makita kung sino ang nakatayo sa labas.

It was Moira.

"Hi, Miss Elaine," anito. Binati rin nito ang mga kasama niya.

"H-hi, Moira," aniya. "Come in."

Pumasok si Moira. Ngumiti ito. "Ibibigay ko lang po sana sa 'yo, 'to, Miss." Iniabot nito ang hawak nitong paper bag. "Chocolates po."

Napamaang si Elaine. Ang unang pumasok sa isip niya ay ipinabibigay iyon sa kanya ni Red. Pero imposible. Hindi papayag si Moira na maging tulay sa pagitan nila ni Red.

"P-para saan 'to?" Napatingin siya kina Doreen at Amelia. Tikom ang mga bibig ng mga ito.

"Dumating po kasi si Mommy kanina. Dala niya. Naisip po kitang dalhan. Thank you gift ko lang po kasi tinutulungan n'yo ako na magpaliwanag sa mommy at daddy ko."

Sa gilid ng mga mata ni Elaine ay nakita niyang tumango si Amelia. She was obviously telling her to take the chocolates.

"Salamat," aniya kay Moira. Pinilit niyang ngumiti. "Ishi-share ko kay Miss Doreen at Miss Amelia, ha?"

Kandatango si Moira. Namimilog ang mga mata. "Sure po," anito. "Pa'no po... balik na po ako sa classroom namin."

"Sige," aniya.

Naglakad na si Moira palayo. Isinara na rin ni Elaine ang pintuan.

"Mabait naman pala, eh," wika ni Doreen.

"Mabait ngayon," wika ni Amelia. "Ewan ko lang kapag nalaman niyang pinupunan na ni Elaine ang pangangailangan ng poging tatay niya."

Nanlaki ang mga mata ni Elaine. Minsan hindi talaga siya makapaniwala sa mga lumalabas sa bibig ng mga kaibigan niya. "Tigilan n'yo na ako, ha! Hindi ko pa pinupunan ang kahit na ano sa lalaking 'yon."

Natutop ni Elaine ang bibig niya nang ma-realize niya kung ano ang sinabi niya.

"Hindi pa!" wika ni Doreen. "Sa mga susunod na araw pupunuan na niya."

Pinaikot na lang ni Elaine ang mga mata niya nang mag-high-five sina Amelia at Doreen. Naghahagikhikan na rin ang dalawa. Ang balak niya kanina ay ikuwento na rin sa mga ito ang history nila ni Red. Pero nagbago na ang isip niya. Sigurado siyang hindi niya kakayanin ang pang-aalaska ng mga ito kapag nagkataon. Dadalhin na lang niya sa hukay ang sekreto niyang iyon.

Napatingin si Elaine sa cellphone niya nang tumunog iyon. It was a text message. Galing kay Red.

Hindi niya napigilan ang pagguhit ng ngiti niya. Tinatanong nito kung anong oras daw siya nito puwedeng sunduin mamaya.

"Sino'ng nag-text? Future jowa mo?"

Hindi pinansin ni Elaine si Amelia. Pumindot siya sa cellphone niya.

<Five. See you!>

Akmang pipindutin na ni Elaine ang 'send' button nang mapatingin siya sa chocolates na nilalantakan na ni Doreen at Amelia.

Binura niya ang message. Pumindot siya uli.

<Kita na lang tayo sa Lei's Coffee. Five-ten?> Sent.

"Naku, my friend," wika ni Doreen. "Ingat. Baka sa susunod chocolates na may lason na ang ipakain niyang si Moira sa 'tin."

Sinimangutan ni Elaine si Doreen. "Kung anu-ano ang sinasabi mo," wika niya. Pero pakiramdam ni Elaine ay may dumagan nang kung ano sa dibdib niya.

Once, Again, Always (published under PHR March 30, 2016)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon