"ROOM two-three-six, miss," wika kay Elaine ng nurse sa information desk.
"Salamat, miss," pakli ni Elaine at mabilis nang tinungo ang dulo ng pasilyo kung saan nandoon ang hagdan paakyat sa second floor.
Pauwi na si Elaine kanina nang makatanggap siya tawag mula sa mama niya. Dinala daw sa ospital ang papa nila at kasalukuyang sinusuri ng doktor.
She also missed a call from Red. Pero hindi niya pinansin iyon. Wala na silang dapat pang pag-usapan. Si Red ang pinakahuling taong dapat niyang isipin ngayon. Sigurado siyang masama ang lagay ng papa niya at hindi lang iyon sinasabi sa kanya ng mama niya.
"Elaine!"
Hindi naituloy ni Elaine ang dapat sana ay pagtapak niya sa unang baitang ng hagdan. Kahit hindi siya lumingon ay alam niyang si Red ang nasa likuran niya.
Kung bakit ito ito nandito ay wala siyang ideya.
"I'm in a hurry, Red," wika na lang niya.
"Sandali lang 'to, Elaine."
Hinarap niya si Red at muntik na niyang mahigit ang hininga niya. Inaamin ni Elaine na sa lahat ng nararamdaman niya ngayon ay wala na siyang mas guugustuhin pa kundi ang makulong sa mga bisig ni Red at umiyak sa mga balikat nito.
Pero si Red ang dahilan kung bakit nagawa na naman niyang bigyan ng sama ng loob ang pamilya niya. Kung bakit nitong mga huling araw ay nabuhay na naman ang problema sa bahay nila.
"Red, hindi ko alam kung ano ang kundisyon ng papa ko. Baka naman puwedeng iwan mo na lang ako?"
"Elaine-"
"Hindi ka na dapat lumalapit pa sa akin. Baka kung ano na naman ang gawin ni Moira at-"
"I love you, Elaine," putol ni Red sa sasabihin niya.
Natigilan si Elaine sa narinig. Pakiramdam niya ay may humaplos sa puso niya.
Ilang beses na ba niyang inasam na marinig iyon mula kay Red? Naisip pa nga niya noon na posibleng kakayaning baguhin ng mga katagang iyon ang lahat ng desisyon niya.
Pero bigla niyang naalala kung nasaan siya. At muli, dumagundong ang kaba sa dibdib niya.
"I don't have time for this, Red," aniya. Habang nasa tricycle siya kanina ay hindi niya maiwasang sisihin ang sarili. Siya ang dahilan kung bakit nagkaroon na naman ng panibagong stress sa buhay ng papa niya.
"Bigyan mo naman ako ng pagkakataon na patunayan 'yon sa 'yo, Elaine."
Magsisinungaling si Elaine kung sasabihin niyang hindi kinurot ang puso niya sa sinabing iyon ni Red. Pero umiling siya. "I'm sorry, Red," aniya. "I guess we're not really meant to be together."
"I know you feel something for me, Elaine," mahina ang pagsasalita nito pero may diin ang bawat salita. "Hindi ikaw ang klase ng babae na basta ibibigay ang sarili nang ganoon-ganon na lang."
"Kung may nararamdaman man ako para sa 'yo, hindi 'yon sapat para saktan ko ang mga mahal ko sa buhay. Ayoko ng magulong buhay. Ayoko sa 'yo, Red. So, please, just leave." Inaamin niyang masakit. Pero kailangan niyang manindigan.
"Elaine-"
"Leave! Ikaw ang dahilan kung bakit ang gulu-gulo lalo ng buhay ko."
Hindi na binigyan pa ni Elaine ng pagkakataon si Red na sumagot. Ipinagpatuloy na niya ang pag-akyat. Ramdam niyang nag-iinit ang sulok ng mga mata niya pero pinigilan niya ang mga luha niya.
May mga mas importante siyang bagay na dapat isipin kaysa kay Red.
Nang makita niya ang ama niya sa hospital bed ay tuluyan nang nawala sa utak niya si Red. "Ano po'ng nangyari?" agad na tanong ni Elaine sa mama niya nang makapasok siya sa kuwarto. Mag-isa itong nagbabantay. Kung nasaan ang mga kapatid niya ay hindi niya alam.
BINABASA MO ANG
Once, Again, Always (published under PHR March 30, 2016)
Storie d'amoreAnim na taon na ang nakakaraan ay may isang bagay na nagawa si Elaine na labis na nakaapekto sa pamilya niya. Dahil doon, pakiramdam niya ay habambuhay na siyang kailangan may patunayan sa mga ito. She was on the right track. Guidance Counselor na s...