"GOOD MORNING, guys," masiglang wika ni Elaine sa mga magulang niya pagpasok niya ng kusina.
Mula sa hinahalong kape ay nag-angat ng tingin ang mama ni Elaine. Ang papa niya ay parang walang narinig. Tutok ang atensyon nito sa binabasang diyaryo.
"Papasok ka na?" tanong ng mama niya.
"Opo," pakli ni Elaine. Humalik siya sa pisngi ng mama niya.
"Hindi ka na naman maga-almusal?"
"Sa school na lang po," wika ni Elaine na ang tinutukoy ay ang Mount CarmelAcademy kung saan siya pumapasok bilang Guidance Counselor.
"Baka nagda-diet ka lang, ha?" wika ng mama niya. "Aba'y huwag at napakapayat mo."
Bahagyang tumawa si Elaine. "Hindi po, 'Ma. Para namang hindi n'yo na alam na hindi pa lang talaga oras ng kain ko ang alas-sais y medya." Lumapit si Elaine sa Papa niyang nakaupo sa kabisera ng lamesa at humalik sa pisngi nito. "Kumusta ang tulog n'yo, 'Pa? Effective po ba 'yong memory pillow. O, si Mama lang ang sumarap ang tulog?"
Nang mabanggit ng mama niya na parang lumalakas ang paghilik ng papa niya at madalas nagkaka-stiffneck, nag-research si Elaine at nalaman niyang nakakatulong daw ang memory pillow. Kaya ibinili niya ang papa niya ng ganoon.
Hindi sinagot ai Elaine ng papa niya. Ni hindi siya nito tiningnan. Itinupi nito ang hawak na diyaryo at inayos ang salamin nito sa mata.
Nagkatinginan si Elaine at ang mama niya. Malungkot na ngumiti ang mama niya na para bang sinasabi nito na pagpasensyahan na lang ni Elaine ang papa niya.
Pinilit niyang ngumiti. Magsisinungaling siya kapag sinabi niya na hindi siya apektado sa inasal ng papa niya.
Tumikhim ang mama niya. "'Yon bang balak mong pagkuha ng doctorate degree ay itutuloy mo talaga?"
"Opo," sagot ni Elaine. Napagkuwentuhan nila iyon minsan ng mama niya. "Magi-inquire na nga po ako bukas sa HSU, eh." Ang tinutukoy niya ay ang kaisa-isang state university sa probinsya nila. Balak niyang pumasok na sa susunod na semestre.
"Hindi ka ba masyadong mahihirapan kung isasabay mo na naman ang pag-aaral sa trabaho mo?"
"Kaya naman po sigurong pagsabayin, 'Ma," pakli niya. Hindi kasama sa mga option niya ang pagri-resign sa trabaho. Hindi naman kasi puwedeng iasa niya sa mga magulang niya ang lahat ng gastusin sa bahay. At siyempre, kakailanganin niyang tustusan ang pag-aaral niya.
Nang matapos ni Elaine ang kanyang Master's Degree in Guidance and Counselling apat na taon na ang nakakaraan ay kaagad siyang kumuha ng Guidance Counselor Licensure Exam. Sa awa ng Diyos ay pumasa naman siya.
Pero habang lumilipas ang mga taon, mas napapamahal kay Elaine ang trabaho niya. Kaya naisipan niyang magpakadalubhasa na sa larangang iyon. At sa tingin niya ay ito na ang tamang panahon para mag-aral siyang muli dahil hindi na siya bumabata. Beinte-otso na siya.
"Sabagay," wika ng mama niya. "Pero 'pag nahirapan ka, pumili ka lang muna ng isa, ha?"
Tumango si Elaine. "Opo, 'Ma. Pero sa-"
"Lumen, pahingi ng tubig," biglang wika ng papa niya sa mama niya kaya hindi natapos ni Elaine ang sasabihin niya.
Lumapit ang mama niya sa ref at naglabas ng tubig.
Tumikhim si Elaine. "Papasok na po ako."
"Sige, anak, ingat," wika ng mama niya.
Ang papa niya, deadma.
BINABASA MO ANG
Once, Again, Always (published under PHR March 30, 2016)
RomanceAnim na taon na ang nakakaraan ay may isang bagay na nagawa si Elaine na labis na nakaapekto sa pamilya niya. Dahil doon, pakiramdam niya ay habambuhay na siyang kailangan may patunayan sa mga ito. She was on the right track. Guidance Counselor na s...