Chapter 8

12.9K 227 0
                                    

"SIGE NA, Elaine, movie na kasi tayo mamaya. Matagal na tayong hindi lumalabas. Palibre tayo kay Doreen," ungot kay Elaine ng kaibigan niyang school nurse na si Amelia habang naglalakad sila. Si Amelia ang isa sa dalawang kaibigan niya sa school. Ito at ang cashier na si Doreen. Kakatapos lang ng monthly faculty and staff meeting nila. Magkatabi ang school clinic at guidance counselor's office kaya sila ang magkasabay na naglalakad.

Sinulyapan niya si Amelia. "Eh, marami pa nga akong gagawin," pakli niya. Kanina pa siya nito kinukulit. Kanina pa rin siya tanggi nang tanggi. Hindi naman kasi talaga niya hilig ang manood ng sine. Mas gusto niyang manood ng movie sa bahay habang nakahiga.

"Hay naku, korni ka talaga," wika ni Amelia.

"Next time, promise."

Sumimangot si Amelia. "Eh, ngayon na nga ang last day!"

Nagbuga si Elaine ng hangin. Umawang ang bibig niya para sumagot pero hindi na niya nagawa dahil humahangos nang lumapit sa kanila ang dalawang estudyante.

"Miss Elaine! Miss Amelia!" wika ng isa.

"Bakit?" kunot ang noong tanong ni Elaine.

"May nag-aaway po doon!"

Nanlaki ang mga mata ni Elaine sa narinig. "Saan? Sino?" Ramdam niya ang mabilis na tibok ng puso niya.

"Hindi po namin makilala, Miss. Nagsasabunutan sa lagoon. Ang dumi na ng mga face nila."

Alam ni Elaine na ang mababaw na mini-lagoon malapit sa Seniors' Park ang ibig sabihin ng mga ito.

"Naku, kailangan nating puntahan agad, Elaine," wika ni Amelia. "Baka magkasakitan ang mga bata."

"Tumawag ka ng isa sa mga guard," wika ni Elaine sa isang estudyante. "Tara na, Amelia." Lakad-takbo na ang ginawa nila. "Move, girls," wika ni Elaine sa nagkumpulang mga estudyanteng nagu-usyuso nang marating nila ang kinaroroonan ng mga ito. Tumalima naman ang mga ito.

Natutop ni Elaine ang bibig nang makita ang mismong eksena. Hindi sabunutan ang nangyayari kundi sinasakal na ng isa ang isa gamit ang pink na necktie. Puro putik at lumot na rin ang puting uniporme ng dalawa.

Tinanggal ni Elaine ang sapatos niya. Lulusong na sana siya nang may pumigil sa kamay niya. Dumating na ang mga guard.

"Kami na, Miss Elaine," wika ng isa. Ang mga ito na ang lumusong sa lagoon.

Nang mapaghiwalay ang dalawang nag-aaway, malinaw nang nakita ni Moira ang mukha ng mga ito.

One of them was Moira Angeli Caringal.

Once, Again, Always (published under PHR March 30, 2016)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon