The runway (3)

1K 42 0
                                    

"Oh my God!" bulalas ni Rhian sa nakita.

"Sabi ko na sa'yo eh. Ano ba ang gusto mong sabihin ko sa kanila?" ani Ida.

"Basta hindi ako magsasalita. Ikaw na lang ang bahala!" Wala talaga siyang balak na magpa-interview sa kahit kanino. Gusto lang niya makita ang kanyang Lola at Mommy at higit sa lahat ay ang magpahinga.

"Hi Rhian! How's your flight?" salubong na tanong agad ng isang reporter.

"I'm very sorry, may jetlag pa ang alaga ko. See you na lang sa show!" Si Ida na lang ang sumagot sa mga sunud-sunod na mga tanong ng mga ito. Hanggang ngiti at tango na lamang ang ginawa niya.

"Just give us 2 minutes Rhian!" sigaw ng isang reporter na nasa likod ng iba.

"Sorry talaga! Andiyan na ang sundo namin eh," anang kasama niya na patuloy ang pagpapaliwananag sa mga nangungulit na mga reporters. Gustuhin man niyang sagutin ang mga ito ay baka bumigay naman ang kanyang katawan.

Umabot hanggang tainga ang kanyang ngiti nang matanawan niya ang kanyang ina. Mukhang maganda yata ang naidulot ng pag-iwan nito sa Daddy niya. Gumanda ito lalo. Kapag tinitigan ito ay hindi aakalain na mahigit 40 na ang edad nito. "Mommy!" bulalas niya.

"Rhian!" Nagkayakapan silang mag-ina. Napakahigpit ng yakap nito sa kanya at ganoon din naman siya. "Miss na miss na kita anak," anito.

"I miss you too Mommy," aniya rito na hindi napapawi ang kanyang ngiti. Sabik na sabik na talaga siya rito. Kung pwede niya itong dalawin palagi ay gagawin niya.

"Kanina ka pa gustung-gusto na makita ng Lola mo eh. Let's go?" yaya na nito.

Tumango siya rito. "Okay!" Naroon na rin pala si Ida sa tabi niya na kakatakas pa lang sa mga makukulit na mga reporters.

Bumaling ang Mommy niya rito. "Ida, it's nice to see you again. Sa amin ka na mag-stay okay?" paanyaya nito. Tumango lamang ito.

Napag-usapan naman nila noon pa na doon sila mamamalagi dahil gusto niyang makasama ang Mommy niya. Doon pa rin sila kahit na may suite sa isang hotel na reserved sa kanila. Okay lang naman sa kanya na maghiwalay sila ng titirhan pansamantala ni Ida pero nagpumilit ito na dapat ay magkasama sila. Mabuti na rin iyon para makatipid sila at ang nagpadala rito sa kanila.

Nagulat siya nang makita na nagmamaneho na ang Mommy niya. Samantalang noon ay hindi ito tinuturuan ng Daddy niya dahil baka raw hindi nito kaya. Sa totoo lang, nagkaroon talaga ito ng kalayaan nang makalayo sa kanyang ama.

"Lola!" Kitang-kita ang saya sa mukha ng kanyang Lola nang makita siya. Kung gaano kasi katagal ang pagkawalay nilang mag-ina ay doble naman ito sa mag-Lola. Natutuwa siya dahil kahit mahigit 70 na ito ay malakas pa rin. Walang kaso rito ang lamig sa ibang bansa.

"Ganda! Kumusta na ang apo ko na napakaganda?" Hindi pa rin pala nito nakakalimutan na Ganda ang palayaw nito sa kanya. Sanggol pa lang siya ay ito na ang number one fan niya.

"Maganda pa rin naman po," aniya rito. Gustung-gusto kasi nito na pinupuri niya ang sarili. "Na-miss ko kayo sobra!" Niyakap niya ito nang napakahigpit. Nang kumawala siya ay biglang umikot ang kanyang paningin.

Napansin agad iyon ng Mommy niya. "Okay ka lang ba?" nag-aalalang tanong nito.

"Siguro jetlag lang 'to. Bigla lang akong nahilo eh," sagot niya rito. Umupo na lamang siya para maiwasan ang pananakit ng kanyang ulo.

"Kasi naman 'yang anak ninyo hindi kumain sa eroplano," singit naman ni Ida.

"Ha? Ipaghahain na kita, kumain ka ngayon din!" Kaagad na tumungo ang Mommy niya sa kusina. Pero parang binibiyak na ang kanyang ulo sa sakit.

RaStro FicSWhere stories live. Discover now