Alam ni Glaiza na hindi kayang gawin ni Rhian ang hinihiling niya pero kahit hindi man niya ito aminin, umasa siyang kaya siyang ipaglaban ni Rhian dahil gusto siya nitong manatili pero mali yata siya. Sana ay hindi na lang siya umasa at sana ay hindi na lamang siya naniwala na mayroon silang pangalawang pagkakataon. Hindi na kailanman magbabago si Rhian at iyon ang napatunayan niya. Kahit lumambot ang puso niya nang makita ito nang may tumulong luha ay sinaway niya ang sarili. Hindi niya hinayaan na matalo siya ng kanyang emosyon. Tama na ang ilang buwan, linggo, araw, oras, minuto at kahit segundo na naranasan niya ang sakit dahil sa dalaga. Pero sa mga panahong 'yon, doon siya naging pinakamasaya – ang mahalin si Rhian.
Nang makarating si Glaiza sa L.A. ay sinabi agad niya sa kanyang mga magulang ang plano niyang pagkuha ng Law dahil desidido talaga siya rito. Sa una ay nabigla ang mga ito pero sa 'di kalaunan ay napapayag niya rin ang mga magulang. Ang kailangan na lang niya ay makabalik sa Pilipinas para makapaghanda sa entrance exam ng UP College of Law.
Pagkatapos ng ilang linggo ng pamamalagi niya sa Amerika para ayusin ang turnover sa kanilang negosyo ay bumalik na siya ng Pilipinas kasama ang kanyang mga magulang. Napagdesisyunan kasi ng mga ito na mamalagi na lang sa Pilipinas at minsan sa isang buwan na lang pupunta ng Amerika. Gusto rin naman kasi nila na mabuo ang kanilang pamilya.
*****
Kinakabahan si Rhian habang nasa taxi at papunta sa bahay ng Mommy niya. Sinadya niyang hindi ito sabihan na darating siya dahil baka mag-alala ito. Tiyak na tatawagan nito ang Daddy niya at sigurado siya na mag-aaway na naman ang mga 'to. Ayaw na niyang dumagdag sa problema ng kanyang mga magulang. Kanina pa siya kinakabahan nang lulan pa siya ng eroplano. Hindi na naman nga niya nagalaw ang pagkain at puro candies ang laman ng tiyan niya. Ilang minuto lang ang nakalipas at nakarating na siya rito.
Nanlaki ang mga mata ng Mommy niya nang makita siya nito. "Rhian! Bakit ka nandito?" nag-aalalang tanong nito pero agad naman itong ngumiti at yinakap pa siya.
Kumawala agad siya sa pagkakayakap nito. "Mommy, pwede bang dito muna ako mag-stay?" tanong niya rito. Sinikap niyang hindi ipakita rito ang kanyang pagkabalisa.
"Oo naman! Tinatanong pa ba 'yan?" Ito na ang kumuha ng maliit niyang maleta at hinawakan pa ang kanyang baywang. "Sana sinabi mo na pupunta ka dito para nasundo kita," anito. Napaupo siya sa sofa at bumalik na naman ang matamlay niyang mukha. Napansin naman agad iyon nito kaya tinabihan siya. "Ano ba ang problema ng anak ko?"
"I broke up with Glaiza more than a month ago." Napabuntong-hininga siya. "But now, I am so ready to win her back," aniya rito.
Napangiti ito. "Mabuti at pinayagan ka ng Daddy mo sa pinaggagawa mo. Salamat sa Diyos at hindi na siya conservative ngayon," anito. Hindi pa rin mawala ang ngiti nito sa labi.
Umiling siya. "Actually, we had a fight. Hindi ko na kasi kaya ang mga pinaggagagawa niya. I became miserable when I chose him over Glaiza!" protesta niya rito.
"Anak, you don't have to choose. You are just adding someone in your life. Wala namang choice ang Daddy mo dahil kahit na pagbali-baligtarin mo man ang mundo, anak ka pa rin niya." Ito na lamang ang mga sinabi nito at nabuhayan na siya ng loob. May sumilay na ring ngiti sa labi niya dahil natitiyak niyang magiging okay din ang lahat.
Hindi siya nagmadali na puntahan si Glaiza. Siguro ay kailangan niya pa makakuha ng lakas ng loob bago ito harapin. Apat na araw na siyang naroon pero pinili muna niyang makasama ang Mommy at Lola niya. Nang maisipan na niyang puntahan ang dalaga ay bigla siyang kinabahan. Pero nadismaya siya nang malaman na wala na doon ang mga Galura. Nakabalik na raw ang mga ito ng Pilipinas noong isang araw pa. Nalaman kaya nito na pupunta siya roon kaya bumalik ito sa Pilipinas? Iniiwasan na ba siya nito? Ayaw na ba talaga nitong makita pa siya? Marami na ang mga tanong sa kanyang isip na gusto na niyang malaman ang sagot.
YOU ARE READING
RaStro FicS
FanfictionFrom its title itself, these are ALL Fictional Stories. © to cover photo owner
