PROLOGUE
Third Person
NASA LOOB ng kabinet si Luxrae, at nakatakip ang mga kamay niya sa kaniyang bibig upang hindi marinig ang pag-iyak niya. Nanginginig ang kaniyang katawan. Hindi niya alam ang gagawin habang pinapanood sa nakaawang na pintuan ang pakikipaglaban ng mga magulang niya, at ng iba pa nilang mga ka-uri.
Naaamoy niya ang usok na galing sa bomba, naririnig niya ang mga putok ng mga baril, at mga daing ng kung sino. Gusto niyang lumabas ng kabinet na iyon, at tulungan sila sa pakikipaglaban. Pero, anong magagawa niya? Isa lamang siyang bata na walang alam sa pakikipaglaban, at hindi niya alam kung paano gamitin ang kaniyang kakayahan. Baka maging pabigat lamang siya kapag nakisali pa siya sa gulo.
Wala siyang magawa kun'di ang umiyak doon, at magdasal na sana matapos na ang gulo na nagaganap. Inilibot niya muli ang kaniyang paningin sa labas. Hindi niya makita ang kabuoan, pero nakikita niya ang mga nakahandusay na katawan.
Napapitlag siya at mas isiniksik ang sarili sa gilid ng kabinet, nang biglang may tumilapon na katawan sa harap niya. Pumasok sa loob ang kamay ng bangkay kaya lumaki ang awang ng pintuan ng kabinet, pero hindi sapat para makita siya.
Napako ang tingin niya sa itsura ng bangkay. Gulo-gulo ang buhok nito na may dugo. Ang isang mata nito ay nakadilat at nakatutok sa kaniya, habang ang isang mata naman ay nakita niya sa sahig at nakatutok din sa kaniya. Ang bibig nito ay nakanga-nga at nakalabas ang dila, may mga dugo pang dumadaloy doon. May kagat din ito sa leeg.
Inalis niya ang tingin doon dahil parang masusuka na siya sa nakikita. Itinuon niya ulit ang paningin sa labanan na nagaganap. Nakita niya ang kaniyang ina na nakikipagpatayan. May sugat ito sa braso, at dumudugo pa iyon. Naningkit ang mga mata niya nang may makita siyang pulang bilog nakatutok sa ulo nito.
Tiningnan niya kung saan nagmula ang pulang bilog na iyon. Nakita niya ang isang lalaki na 'di kalayuan na may hawak na baril, at nakatutok sa ina niya. Hindi iyon napapansin ng ina niya, dahil nakatalikod ito at abala sa pakikipaglaban.
Nanginig ang katawan niya, at hindi alam ang gagawin. Alam niyang ipuputok ng lalaki ang baril na iyon.
Nakita niya ang pagngisi ng lalaking may hawak ng baril, kaya dali-dali siyang lumabas sa kabinet na iyon. Ni hindi niya napansin na natapakan niya ang mukha ng bangkay na nakahandusay sa harap ng kabinet.
"Mama!" sigaw niya habang tumatakbo papunta sa direksiyon nito. Sakto naman na naubos na nito ang mga kalaban, at humarap ito sa direksiyon niya. Ngunit, sa pagharap nito ay isang malakas na putok ng baril ang namayani.
Nakita niya kung paano siya nito ngitian bago humandusay sa sahig.
"Mama!" umiiyak na sigaw niya, at mas binilisan pa ang takbo.
Nang makarating siya rito ay agad niya iyong niyakap. May tama ito ng bala sa noo, at nakadilat ang mga mata.
"Mama! Mama!" Umiiyak na tawag niya sa ina. "Mama! Wag mo 'kong iiwan! Mama! Mahal na mahal kita, Mama!"
"Luxrae!" Narinig niya ang sigaw ng ama niya kaya napatingin siya roon. Tumatakbo ito papunta sa kaniya, at nang mapuntahan siya, agad na iniharang nito ang katawan sa harapan niya.
Umalingaw-ngaw na naman ang isang putok ng baril, kasabay ng pagbagsak ng katawan ng ama niya.
"Papa!" Umiiyak na sigaw niya. May tama ito ng bala sa may dibdib.
BINABASA MO ANG
Vampire Academy
Paranormal[COMPLETED] Former: School Of Vampires: Vhaxeinus Academy "Hi! Im Zeiah. And guess what? I entered this Acadamy. A not ordinary school. Full of secrets. Full of mystery. And a school where I belong..." 💌: First ever story that I wrote so don't expe...