HALOS ilang oras din ang lumipas bago lumapag ang sinasakyan naming helicopter. Sa tagal naming nakaupo lang ay nakaramdam pa rin ako ng pagod. Unang lumabas ng helicopter si Kuya Roldan, ang aming piloto. Nakita ko ito na lumapit sa tatlong lalaking naghihintay sa amin.
Nagpalinga-linga ako at nakitang nasa open field kami. Nag-uumpisa na ring lumitaw ang haring araw sa kalangitan. Mag-uumaga na pala.
"Yoran," gising ko sa kakambal ko habang mahinang tinatapik ang pisngi nito. "Yoran, wake up. Nandito na tayo."
Umungol ng mahina si Yoran bago nag-unat ng katawan. Pagkatapos ay sumalampak ito sa upuan habang nagkukusot ng mata.
"Nasaan na tayo, Ronan?"
"Nasa Pilipinas na tayo," nakangiti kong sagot dito nang nilingon ako nito. "Hinihintay na nila tayong bumaba."
Tumango ito sa akin bago kami bumaba ng helicopter. Sinalubong naman kami ni Kuya Roldan kasama ang tatlong lalaki.
Nasa likod ni Kuya Roldan ang isang matangkad na lalaki. Palagay ko ay nasa treinta y cinco na ang edad nito. Medyo pangahan ito, medyo moreno at itim na itim ang mga buhok. Nakakatakot ang mga mata nito na napakaseryoso. Ni hindi man lang ito ngumingiti habang papalapit sa amin. Matikas ang tindig nito na mas pinaangas ng suot na puting T-shirt na pinatungan ng black leather jacket at hapit na maong.
Sa bandang kanan nito ay ang nag-iisang nakangiti sa tatlo. Palagay ko ay nasa bente y dos na ito. Singkit ito, mestizo at brown ang buhok. Ito ang pinakamaliit sa tatlo. Masaya rin ang aura nito na tipong gugustuhin talaga ng kahit sino na lapitan at kausapin. Mayroon din itong itim na hikaw sa kaliwang tainga. Mas lumitaw pa ang kaputian nito sa suot na itim na sweatshirt at brown pants.
Ang huli ay ang nasa kaliwa na blanko lamang ang ekspresyon. Palagay ko ay nasa disiotso anyos lamang ito. Hindi ito maputi pero hindi rin maitim. Iyong tama lang. May kaliitan din ang mga mata nito at may kanipisan ang mga labi. Malapad din ang balikat at dibdib nito. May katangkaran ito na mas pinakita pa ng suot nitong red-black v-neck stripe T-shirt. Hapit din ang suot nitong black na pants.
BINABASA MO ANG
Crown 3: And We Run
AventuraHighest achievement: Rank #43 on Adventure Category (As of 01/06/18) (CROWN - Book 3) Pagtatago, iyan ang naisip na paraan ni Ronan Benson para hindi siya matagpuan ng mga taong humahanap kanya. Pinalitan niya ang kanyang ngalan at nagpapalit-palit...