Jeepney

2.2K 58 18
                                    

The Voice of Wattpad's Blind Audition entry. 

--

Jeepney 

by superjelly

Hindi ko inaasahan na mangyayari sa akin ito. Ang mahulog sa isang taong ngayon mo pa lang nakita.

Unang sulyap ko pa lang sa mukha niya, para bang tinamaan na agad ako ng palaso ni kupido. Totoo pala ang love at first sight. Pakiramdam ko para bang nagbukas ang mga langit, at itong oras na ito, sa aming pagkikita, ito na ang tinakda. Para bang siya ang soulmate ko. 

Posible pala ito. Tumitibok ng mabilis ang puso ko habang nakikita ko siya ngayon sa harap ko. Ang makakapal niyang kilay, mapupungay na mga mata, matangos na ilong at perpektong labi. Para siyang isang anghel na ibinaba ng Diyos mula sa langit. Napakagat ako sa labi ko, pinipigilan na mapasigaw sa kilig na nadarama ko sa pagkakataong ito. Parang sasabog ang puso ko. Gusto ko siyang kausapin, gusto ko siyang mahawakan, gusto ko malaman ang pangalan niya, ang lahat ng tungkol sa kanya. Gusto kong mapatingin din siya sa akin, na titigan din niya ako tulad ng pagtitig ko sa kanya. Mas interesado ba siya sa labas ng jeep kaysa sa akin? 

At naisip kong oo nga naman ang sagot sa katanungan kong iyon.

Hindi naman sa panget ako. Ang akin lang, mukha akong masyadong plain para sa lalakeng iyan. Masyado siyang mataas, parang hindi ko siya kayang abutin. Ano ba 'tong naiisip ko? Nababaliw na ata ako.

Oo, nababaliw na nga ako.... sa kanya.

Ngayon lang ako nakakilala ng tao na sobra ang epekto sa akin, ngayon ko lang naramdaman ito. Matagal-tagal na rin simula noong nangyari sa akin ito, kase noong huli akong nagmahal nasaktan lang ako. Umasa sa wala. Kaya nga nawalan na rin siguro ako ng pag-asa na magmamahal pa ako muli at tinanggap ko na sa sarili ko na mukhang malabo na ata na mahanap ko pa yung lalakeng mamahalin ako at makakasama ko na pang-habangbuhay...

Pero bakit ganito... bakit ngayon na nakita ko ang lalaking ito, parang bumalik yung pag-asa? Parang may nabuhay sa akin na namatay na dati.

Nagulat ako nang unti-unting gumalaw ang ulo niya at napatitig din siya sa akin. Nakapako lang ang mga mata niya sa akin. Lalo pang bumibilis ang pagtibok ng puso ko, at pakiramdam ko nawala lahat ng tao sa paligid ko, na kaming dalawa lamang ang nakasakay sa jeep na ito. Para bang matagal na kaming magkakilala, o kaya naman talaga ngang tinakda na kami para sa isa't isa...

"Bababa na po," nasira ang lahat sa sinabing iyon ng ale sa tabi ko. Nung narinig ko siyang nagsalita, nahila ulit ako pabalik sa realidad. Ano nga bang iniisip ko? Nagbabakasakaling interesado din siya sa akin at may pag-asa ako?

Bumaba na yung ale at sumunod naman ako. Dito na rin kase ako bababa. Pagkababa ko ng jeep at nasinagan ako ng sikat ng araw, na naririnig ko ulit ang ingay ng mga kotseng dumadaan, nagising na ako sa maiksing panaginip kong iyon. Panaginip na nakabukas ang mga mata. Nahimasmasan ako at napagtantong imposible nga naman ang mga pinag-iisip kong iyon.

Pero nanghihinayang ako. Sayang. Kahit pangalan niya hindi ko man lang nalaman. Magkikita pa kaya kami? Ganito ba talaga ang tama sa akin ng lalakeng iyon na kung anu-ano na ang mga pinag-iisip ko?

Napalingon ako at napatingin muli doon sa jeep na umaandar na papunta sa kabilang kanto. Hindi na nahagip ng mga mata ko ang mukha niya. Pinanood ko na lang na umalis yung jeep hanggang sa nawala na ito sa paningin ko. Sana kasabay din nun ang paglisan ng nararamdaman ko, pero hindi. Mabilis pa rin ang pagtibok ng puso ko.

Napapikit na lang ako at pagmulat ko muli, nandoon na siya sa harapan ko. Halos kinakapos na ako ng hininga.

Dug dug.

Nagkatitigan muli kami. Walang nagsasalita pero sa mga matang iyon, nagkakaroon kami ng komunikasyon. Pwede nga kayang... posible nga kaya...

Ngumiti siya sa akin. Nilahad ang kamay niya. Napatingin ako sa kamay niya na parang masarap hawakan. Hindi ko maipaliwanag ang saya na nadarama.

"Ako nga pala si Joel," sabi niya. Kahit ang boses niya, malaki rin ang epekto sa akin. "A-anong.... maaari ko bang... maaari ko bang malaman ang pangalan mo?"

Tadhana. Fate. Destiny. 

Binalik ko ang ngiti niyang iyon. Nahiya ako bigla sa kamay ko kase mukhang magaspang ito at pasmado pa ako. Pinunas ko ang kamay ko sa pantalon na suot ko.

Inabot ko ang kamay niya at pinisil ito ng mahina. Hindi nawawala ang ngiti sa aming mga mukha at hindi naalis ang aming mga titigan sa isa't isa.


"Ang pangalan ko ay Michael John. Pero MJ na lang for short."

Contest EntriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon