The Voice of Wattpad's Knockout Round Entry.
--
"Sa Tabing Ilog"
By superjelly
"Sa tabing ilog,
nandoon ako sa tubig
hinahayaan na lamang ang agos
na dalhin ako kung saan.
Sa tuwing ipinipikit ang aking mga mata
kung saan walang gulo
at walang buhay na kinikitil
sa tabing ilog,
kung saan ko lamang matatamo
ang aking pinakainaasam
na kalayaan at kapayapaan.
Lumulutang na lamang ang katawan
sa ilog
na walang buhay,
walang pag-asa,
at puno ng pighati.
Naghihintay
ng sasagip
mula sa aking kahungkagan."
Kung nandito lamang siguro si Kuya, sana ay hindi ako naguguluhan ng ganito. Kung nandito lamang siya sa aking tabi sa halip na nakaratay ang kanyang katawan sa kailaliman ng lupa, sana ay hindi ko nararamdaman ito.
Bigla akong nakarinig ng ingay sa may damuhan di-kalayuan na dahilan para umahon ako mula sa ilog. Kinuha ko kaagad ang aking tapis at nagbihis pagkatapos ay hinawakan nang mahigpit ang aking sibat. "Sinong nariyan?" tanong ko.
Walang tumugon. Lumakad ako palapit sa damuhan at ramdam ko ang pagbilis ng tibok ng puso ko dahil sa alam kong may posibilidad na kalaban ang nagmamatyag sa akin.
Halos mawalan na ako ng hininga nang biglang may lumabas mula sa kalumpon ng mga damo.
Isang batang lalaki.
"Anong ginagawa mo 'ryan?!" Tumalon ang puso ko sa kaba't takot. Akala ko ay kalaban, 'yun pala ay isang musmos na bata lamang. Niluwagan ko ang pagkakahawak sa aking sibat at lumapit sa kanya.
Hinawakan ko siya sa kanyang ulo. Tahimik lamang siya pero pinilit na humakbang palayo.
Napatitig ako sa kanya. Maputing-maputi ang kanyang balat na halos kasing-kulay na ng aking suot na bestida. Ang buhok niya ay nagpapaalala sa akin ng kalangitan sa gabi. Lubos na magkaiba kami kung ikukumpara ang aking kayumangging balat at kulay kapeng buhok. Kahit na marami na akong naenkwentrong katulad niya, hindi ko pa rin maiwasan na hindi maawa. Ang bunga ng kahayupan ng mga dayuhan na iyon sa mga kababaihan ng aming bayan. Tunay ngang mga wala silang puso.
"Anong ginagawa mo dito? Papalubog na ang araw, baka hinahanap ka na ng mga magulang mo. Delikado dito, bata. Mamaya ay mapano ka pa lalo na at marahil nandyan lamang ang mga dayuhan."
"Yung sinasabi mo kanina na tungkol sa tabing ilog, talaga bang kapag nandoon sa tubig ay papayapa ako?"
Narinig niya pala ang tulang iyon. Ang tula na iyon na ginawa ni Kuya dalawang buwan na ang nakalipas. Ginawa niya iyon noong nandito kami mismong sa tabing ilog na ito. Tumatakas kami minsan mula sa mapait na realidad upang makamit ang kahit panandaliang katahimikan.
Naupo ako sa may isang bato kaharap ng ilog. "Oo, totoo iyon. Kaya mong maging malaya mula sa mga kaguluhan. Pansamantala man, masaya pa rin na kahit konting oras ay matatakasan mo ang katotohanan."
BINABASA MO ANG
Contest Entries
RandomMga pinasa kong entries sa samu't saring contests na sinalihan ko rito sa Wattpad. Unedited craps.