Battle of One Shots' Round Three Entry.
--
Isang Tinig
by superjelly
NAG-UMPISA ang maligayang awitin kasabay ang paggalaw ng mga katawan ng mga mananayaw sa harapan. Lahat sila ay nakasuot ng magagarbong mga kasuotan na halu-halong kulay na at may mga nakaipit na mga bulaklak sa kanilang mahahabang buhok. Ang nasa gitna ay may malaking ngiti sa kanyang mukha habang kumakanta siya. Napakaganda ng kanyang tinig. Nang matapos ang kanilang pagtatanghal, masigabong palakpakan at paghiyaw ng mga papuri mula sa madla ang pumuno sa buong kapaligiran. Kahit ang Haring Triton ay nakikisalo sa palakpakan.
Gusto kong maging katulad nila. Gusto kong magtanghal din sa harapan kung saan pinapanood ako ng buong taga-karagatan.
"Ursula, halika na. Siguradong hinahanap na tayo ni Ina." sabi ng aking nakababatang kapatid.
Sumunod na lamang ako sa kanya paglangoy pauwi, ngunit ang mga mata ko ay nakapako pa rin sa magagandang mga sirena na may magagandang tinig.
***
Natutulog na ang mga kapatid ko at si Ina kaya lumabas muna ako saglit. Gusto kong lumangoy muna dahil hindi pa ako dinadalaw ng antok. Lumangoy lang ako nang lumangoy hanggang sa napunta ako sa lugar kung saan nagtanghal ang mga sirena kanina.
Maganda naman ako. Sabi ni Ina, ako raw ang pinakamaganda sa lahat. Kahit anim lamang ang aking mga galamay at may katabaan ako, sabi ni Ina hindi raw mahalaga iyon dahil ang tunay raw na kagandahan ay nagmumula sa loob. Kung ganoon, kaya ko rin naman maging katulad ng mga sirenang iyon diba? Sabi rin ni Ina na maganda raw ang aking tinig. Naniniwala sa akin si Ina at alam kong totoo ang mga sinasabi niya. Balang-araw magiging bida ako ng sarili kong palabas at sisiguraduhin kong mapapanood ako ni Ina.
Napangiti ako. Tama, dapat lang na mapanood ako ni Ina para mas maipagmalaki niya ako bilang kanyang anak.
***
"Lumabas tayo, Morgana." sabi ko sa aking kapatid. Nababagot na kasi ako rito sa bahay dahil lagi lang naman kaming naririto.
Napatingin siya sa akin at napasimangot. "Na naman? Ngunit kakalabas lang natin kahapon. Alam mo naman ang tingin sa atin ng lahat. Kahapon nga lang ay sobra na sila kung makatingin sa atin."
Dahil sa kilala kami bilang mga mangkukulam, iba ang tingin sa amin ng buong taga-karagatan. Iniisip nila na nakakasama kami at maghahasik lamang ng panganib pero nagkakamali sila. Ang totoo niyan, hindi naman namin ganoon ginagamit ang aming mga kapangyarihan. Ginagamit lang namin ito kapag kaylangan na kaylangan talaga, at kahit ni minsan ay hindi pa kami nakapanakit ng iba sa aming kakayanan. 'Yun din ang rason kung bakit palagi lamang kaming nasa loob ng bahay. Puro mapanghusgang mga tingin kasi ang ibinabato sa amin kahit wala naman kaming ginagawa.
Pero... wala na rin naman akong pakialam. Hindi naman nila kami kilala e. Ang gusto ko lamang ay makita muli ang mga umaawit na sirena at mangarap na balang-araw mapupunta rin ako sa ganoong pwesto.
"Morgana, samahan mo na ang kapatid mo." Sabi ni Ina. Tumabi siya sa akin at hinawakan ang aking buhok. "Hayaan mo na 'yung mga sirenang iyon, naiinggit lamang sila sa kagandahan ng iyong ate."
Lalo pang napasimangot si Morgana. "Hay, kapag paborito nga naman... Sige na nga, halika na. Bahala ka kapag may nangyari a?"
Napangiti ako at napayakap sa kanilang dalawa. Kumawala si Morgana at nauna nang lumabas ng aming tahanan. Hindi pa rin ako tumigil sa kakayakap sa aking Ina. "Maraming salamat po Ina. Mahal na mahal ko po kayo." Sabi ko sa kanya.
BINABASA MO ANG
Contest Entries
RandomMga pinasa kong entries sa samu't saring contests na sinalihan ko rito sa Wattpad. Unedited craps.