The Rescue

567 22 3
                                    

Battle of One Shots' Final Round Entry.

--

The Rescue

By superjelly

 

"Nasaan... Nasaan ako?"

            Iyon ang unang katagang nasambit ni Precious pagkatapos pagmasdan ang kapaligiran niya. Walang sinag ng araw na nagsisilbing liwanag at walang mga ulap sa malawak na kalangitang kulay ng kahel. Kahit saan man siya tumingin, wala siyang matanaw na anumang bagay na nagsisilbing senyales ng pagkakaroon ng pamumuhay. Umapuhap sa buong katawan niya ang malamig na simoy ng hangin kasabay ng kaginsa-ginsang hamog na tila ba kinukumutan ang buong lugar na kinatatayuan niya.

            Napayakap siya sa kanyang sarili. "Hello? May tao ba r'yan? Answer me naman o! Nasaan ba ako?" Paulit-ulit niyang sigaw habang naglalakad sa kawalan. Nabalot siya ng takot dahil sa hindi niya batid kung ano ang daang tinatahak niya.

            Patuloy siya sa paglalakad hanggang sa unting-unti nang nawala ang hamog at luminaw ang kanyang sipat sa kapaligiran. Nang tuluyan nang nawala ang hamog, bumungad sa kanya ang isang burol.

"May tao ba r'yan?" sigaw niyang muli at napagdesididuhang akyatin ang munting bundok. Mabagal sa paglakad ang kanyang mga walang kasiguraduhang hakbang at para bang may bumubulong sa kanyang isipan na makukuha niya ang mga ninanais na kasagutan pagdating sa tuktok ng burol.

            Nang makarating na siya ay nawala rin kaagad ang munting pag-asang iyon. Isang malaking puno na patay na ang mga halaman ang sumalubong sa kanya.  "Nasaan na ba ako? Ano bang nangyayari?" Malakas niyang bigkas at pagkatapos ay naupo't nasandal sa may ilalim ng malaking puno.

            Pilit niyang inaalala ang mga pangyayari bago siya napunta rito. Ang huli niya lang naaalala ay nasa prom siya ng kanilang eskwelahan, kasayaw ang pinakamakisig na lalaki sa klase niya habang suot-suot ang kumikinang na kulay-rosas na bestida. Masaya siya dahil sa maraming nakatingin sa kanya habang sumasayaw sa harapan--- dahil para kay Precious, ang mapansin ng lahat ang nagpapaligaya sa kanya. Nasa gitna siya ng pag-iisip nang biglang may narinig siyang pagtahol ng isang aso.

            Agad siyang napatingin sa kanyang paligid at nakita ang isang aso na papalapit sa kanya. Noong una ay napangiti siya dahil sa wakas ay may nakita na siyang isang nilalang, ngunit nawala rin ang ngiti sa kanyang labi nang mapansin ang hitsura ng asong ito.

            Napatayo siya. "Lumayo ka sa'kin! Ang pangit mong aso ka! Ew, three-legged lang? 'Wag kang lalapit, don't bite me!" Ngunit papalapit pa rin ang asong ito sa kanya. Humakbang siya papalayo sa aso pero naramdaman naman niyang bumangga ang kanyang likuran sa isang bagay. Nilingunan niya ito at nanlaki ang mga mata sa kanyang nakita.

            Isang lalaki ang nabangga niya. Isang lalaki na nakapiring ang mga mata ang nakabangga sa kanya.

            Lumayo si Precious mula sa lalaki at nagulat nang lumapit ang aso sa may paanan ng lalaki. Lumuhod ang lalaki para haplusin nang masuyo ang asong may tatlong mga binti lamang.

"S-sino ka..? Tell me or else, or else I'm going to tawag the police!" saad ni Precious at dumistansya sa lalaki at sa aso.

            Noong una ay hindi tumugon ang lalaki. Ni hindi niya nga tinignan si Precious. Magsasalita na sana muli si Precious nang nakita niyang sumilay ang isang ngiti sa labi ng lalaki kasabay nang pag-arkila ng isang mahinang tawa.

            Napasimangot si Precious. "Bakit ka tumatawa r'yan, ha?"

"Ang mga tao ay mangmang---" Tumayo ang lalaking nakapiring at hinarap si Precious. "---hindi nila alam kung paano mabuhay. Oo nga at humihinga sila, pero wala namang saysay ang bawat paghinga nila."

Contest EntriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon