Chapter 52

28.1K 614 32
                                    

Tila sakay ako ng mabilis na tren. May naulinigan ako. Isang pamilyar na tinig. Umiiyak. Paulit-ulit tinatawag ang pangalan ko. Pinilit kong gumalaw. Ngunit mabigat ang katawan ko. Halos hindi ko maikilos pati ang mga daliri ko.

"Mayumi! Mayumi!" malungkot na bulong sa gilid ng tenga ko. "Gising na, anak." Kahit mabagal, pinilit kong magmulat. Nakakasilaw na liwanag. Muli akong pumikit. "Nandito lang si nanay. Hindi ka namin iiwan." Muli kong narinig.

Ibinaling ko ang aking ulo kung saan ko naririnig ang tinig. Gusto kong mapangiti. Si nanay ay nakayupyop sa unan ko. Hindi ko alam kung tulog siya at nananaginip. O gising na nakapikit lamang. Nakita kong natatakpan ang kanyang mukha ng mga hibla ng buhok niya. Pagbaba ng mata ko sa aking kamay, naka-swero pala ako. Iaangat ko sana ang isa ko pang kamay para hawiin ang buhok niya. Ngunit may mabigat na nakadagan sa kabilang braso ko.

Bumaba ang aking tingin. Sa kabilang gilid ko ay isang nilalang na himbing na natutulog. Hawak ang braso ko na tila ayaw pakawalan. Agad nanikip ang dibdib ko.

Ano'ng ginagawa ni Brix dito sa tabi ko? Binayaran din ba niya ang mga magulang ko? Inuto rin niya at ginamit? Bakit kailangang narito siya?

Paano kung hindi ako nagising? Paano kung tuluyan na akong nalunod? Paano matatanggap nina tatay at nanay? Pati ng mga kapatid ko kapag nawalan sila ng isang ate?

Nagtiim ang mga bagang ko. Tama na Mayumi! Tama na ang katangahan at kamartiran! Magtira ka naman para sarili mo!

"A-Anak?" Napabaling ako kay inay na nakadiretso na ng upo. "Anak!" Agad niya akong niyakap. "Salamat at gising ka na..." Humihikbi siya. "S-Salamat... Salamat po..."

Naramdaman ko ang pagbalikwas sa gilid ko. Pilit akong nag-iba ng paningin. Pero hindi nakaligtas sa aking mga mata ang mapanglaw na kulay asul na mga titig, gulo-gulong buhok, hindi naahit na balbas at nakabukang mga labi na parang kailan lang ay aking natikman.

"M-Mayumi..." Oo, Brix ako nga. Hindi mo akalaing buhay pa ako! Masaya ka na sana sa pahirap na ginawa mo sa akin. Magsama kayong dalawa ni Lily! Gustong lumabas sa bibig ko. Pero ni hindi ko maibuka ang aking labi.

Biglang bumukas ang pinto. Iniluwa niyon si tatay. Halata ang puyat sa mga mata. Si Magilas na karga si Marikit ay may ngiting parang noon lamang ako muling nakita. Kasunod nila ay mga nurse at doktor.

Mabilis na binilang ang aking pulso. Hindi magkamayaw ang mga nurse at doktor sa pagsuri sa akin. Magkakatabi ang pamilya ko na nakatayo sa gilid na tila naghihintay ng isang magandang balita.

At sa kabilang banda, nakatayo si Brix na kahit hindi ko tingnan ay ramdam na ramdam ko ang presensiya. Pati na ang nalalabing init niya na nasa braso ko pa.

Hanggang ngumiti ang matandang doktor. Tinanggal ang aparato sa kanyang tenga. Tumingin sa lalaking alam kong nasa gilid ko. "She's safe now, Mr. Talaserna. All vital signs are normal. Konting pahinga na lang at-"

Muling bumukas ang pintuan. Napatingin kaming lahat sa dumating. Si lolo pogi kasama si Arman."Hija!" Lumapit agad sa akin si lolo. "Kumusta ang pakiramdam mo? Ayos ka na ba?" Naramdaman ko ang pagdantay ng kanyang malamig na kamay sa nakakumot kong binti.

"Brix, how is she? The wedding is in two days. Paano ang kasal nyo?"

"K-Kasal? Anong kasal?" naguguluhang tanong ni tatay. Maging si nanay ay napatitig kay lolo.

Walang kumibo sa mag-lolo. Nahalata nilang walang alam ang mga magulang ko sa tinutukoy nilang kasal.

Ipinagpatuloy ng doktor ang pag-eksamin sa akin. Pati mga nurse ay inayos ang higaan at kamay kong may nakatusok na aparato. Saka sila lumabas sa biglang natahimik na silid.

Ibinaba ni Magilas si Marikit mula sa pagkakakarga at sabay na lumapit sa akin.

"Ate, ayos ka lang ba? Nag-alala ako sayo, ah." Tanong ni Magilas.

"A-Ate?" Napalunok ako dahil sa boses niya. Pakiramdam ko ay may tumarak na palaso sa dibdib ko nang marinig ko iyon.

"Salamat sa pagliligtas sa ate ko, Mr. T." Magkaharap si Brix at Magilas sa pagitan ng kamang kinalalagyan ko. Nakita kong nagbaba ng tingin si Brix na tila hindi makatingin ng diretso sa kapatid ko. Kung alam lang ni Magilas kung gaano kasama ang sinasabi niyang nagligtas sa akin. "Ako nga pala si Magilas. Nagtatrabaho rin ako sa Talaserna Corporation." Hinawakan niya ang ulo ni Marikit na nakasubsob sa kamay ko. "Ito ang aming bunso, si Marikit."

"Maganda rin pala ang kapatid mo, hija." Narinig kong singit ni lolo. Nakangiti siya kay bunso.

"A-A-A-te... M-May..."

Parang tumigil ang mundo ko. Napatingin ako kay bunso. At kahit hirap ay pinilit kong bumangon. Mabilis na umalalay si nanay sa akin.

"M-Marikit, nagsasalita ka na?" Hinawakan ko ang kamay ng bunso naming kapatid.

"Kanina lang ate. Nang makita ka niyang nakahiga sa icu. Bigla niyang binigkas ang pangalan mo." Pumantay si Magilas kay Marikit. At hindi ko maipaliwanag ang sayang nararamdaman ko. Nayakap ko si bunso. Wala akong pakialam kung mahila man ang dextrose sa kamay ko. Basta gusto kong yakapin si Marikit. Shit! Miss na miss ko na ang pamilya ko.

"Tahan na, anak. Baka mapagod ka, hindi ka pa masyadong magaling." Si nanay na napalapit sa amin at inakbayan ako. Sinunod kong niyakap si nanay. Ay tumulo ang luha ko. Akala ko ay hindi ko na sila makikita pa.

"Magpahinga ka na, Mayumi, hija. Kailangan mong bumawi ng lakas. Kung kinakailangan na si Judge Kruz ang pumarito upang matuloy ang kasal nyo ni Brixander ay iuutos ko agad kay Arm—"

"Matuloy ang kasal?" gulat na tanong ni tatay. "Mawalang galang na ho, Mr. Talaserna. Kanina nyo pa binabanggit ang kasal? Sino ba ang ikakasal? At bakit naririnig ko ang pangalan ng anak ko?"

Maaliwalas na ngumiti si lolo kay tatay. "Ang apo ko at ang anak nyo, ay ikakasal sa makalawa."

"Ano?!" halos sabay, gulat, pagtataka na nasabi ni tatay, nanay at Magilas.

Natawa si Lolo Emilio. "Naku, pagpasensiyahan nyo na at mukhang hindi nasabi sa inyo ng anak ninyo. Biglaan kasi. Ito kasing apo kong si Brixander ay napaka-busy at hindi na namin nagawang makapamanhika—"

"Walang kasalang magaganap."

Napahinto si lolo. Mabilis na napatingin sa akin. At kahit hindi nagsasalita, kahit hindi ko siya tingnan ng diretso, sa gilid ng aking mga mata ay nagulat si Mr. T. sa sinabi ko.

"H-Hija..."

"Ang sabi ko, walang kasalang magaganap, lolo." Seryoso kong sabi habang nakatingin sa kamay kong may mumunting dugong naglalandas.

"A-Anak ano bang nangyayari?" usisa ni nanay na alam kong naguguluhan.

"Hindi ako pakakasal kay Mr. T." Pagkasabi ko no'n ay lakas loob akong nag-angat ng ulo. Sakto kung saan tahimik na nakatayo si Brix at sinalubong ko ang walang ekspresyon niyang mga mata.

Tinitigan ko siya. Nang-uusig na mga titig na kung magsasalita lang ay punong-puno ng panunumbat. Dahil sa pagkakataong ito, hindi na ako ang dating Mayumi na takot sa kanya. Hinding-hindi na ako magpapadala sa katangahan ko. Wala akong pakialam kung mag-away sila ni Don Emilio. O kahit may pinirmahan pa akong kontrata o kahit tapalan pa niya ako ng salapi niya. Hindi na ako pagagamit sa kanya.

Siya ang unang nagbaba ng mga mata. At kumuyom ng sabay ang mga palad niya. Umigting ang panga. Saka mabilis na tinungo ang palabas ng silid. Dinig na dinig ko pa ang malakas na lagabog ng pintuan sa kanyang pag-alis.

"Apo! Brixander sandali!" pigil ni lolo na makahulugang sumulyap sa akin bago sinundan si Brix.

At alam ko, iyon na ang huli naming pagkikita ng mga Talaserna.

30 Days with Mr. T (Published under PSICOM Publishing Inc.)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon