Thirty-Four

142K 2.6K 66
                                    

Chapter 34
Endearment

**

Tahimik kaming nakaupo ni Joseff sa isang mahabang sofa habang nasa harap naman namin si Nana Sonia na tahimik kaming pinagmamasdan.

Pagkatapos sabihin ni Joseff kay Nana Sonia kanina ang tungkol sa relasyon namin, pinalabas niya kami sa kwarto at pinaupo sa sofa. Wala na kaming nagawa kundi ang ipaliwanag sa kanya ang tungkol sa relasyon namin.

Katatapos lang naming ipaliwanag kung paano kami nagkaroon ng relasyon. Ipinaliwanag namin ang nangyari kahapon na naging dahilan para maging kami. Siyempre, hindi na namin binanggit ang nangyari sa amin kagabi.

Wala pa ring sinasabi si Nana Sonia. Nanatili lang siyang nakatingin sa amin. Hindi ko alam kung okay lang ba sa kanya ang relasyon namin ni Joseff pero umaasa akong ayos lang sa kanya. Parang nanay na rin ang turing namin ni Joseff sa kanya kaya mahalaga rin talaga sa amin ang sasabihin niya. Pero kung ayaw niya sa relasyon namin, okay lang naman. Pero hindi ibig sabihin no'n ay lalayuan ko si Joseff.

Inilapit ko ang sarili ko kay Joseff at bumulong.

"Ikaw kasi. Bakit naman kasi sinabi mo agad ang tungkol sa atin?" paninisi ko sa kanya. Napakunot-noo siya.

"Why? I thought it’s okay with you to tell Nana Sonia and my parents about our relationship?"

"Oo nga. Pero hindi ko naman sinabing ngayon agad natin sabihin."

"What's the difference anyway? Sasabihin din naman natin kaya bakit hindi pa ngayon?" tanong niya.

Napairap na lang ako at napabuntong-hininga. Wala na rin naman akong magagawa. Nasabi na namin. Masyado yata siyang excited na ipagkalat na kami na kaya niya sinabi agad.

Narinig kong tumikhim si Nana Sonia kaya umayos ako ng upo. Hinintay namin ang sasabihin niya.

"Anong balak ninyong gawin niyan? Sasabihin niyo ba agad kay Zoey ang tungkol sa inyo?" tanong niya.

"We will but not now. We want to take it slow for her. Ayaw po namin siyang biglain," sagot ni Joseff na sinang-ayunan ko naman.

Tumango si Nana Sonia. "Okay. Kung nakapagdesisyon na talaga kayo, wala na akong magagawa. Nandito lang naman ako para sumuporta sa inyo."

Nanlaki ang mata ko sa kanyang sinabi. Ibig sabihin ba nito, suportado niya ang relasyon namin?

"Talaga po, Nana? Hindi po kayo tututol sa amin?" tanong ko. Napakunot-noo siya.

"Bakit naman ako tututol? Malalaki na kayo. Alam niyo na ang ginagawa niyo. Sa nakikita ko naman, mukhang masaya naman kayong dalawa. Kung ano ang makapagpapasaya sa inyo, gawin ninyo," sagot niya. "Isa pa, mula nang dumating ka rito, doon ko na lang ulit nakitang nakangiti at tumatawa ang mag-ama. Kung ikaw ang nagpapasaya sa kanila, bakit ako tututol? Kung tutuusin, gusto rin naman talaga kita dahil napakabait mong bata."

Napakamot ako sa batok dahil sa naramdamang kakahiyan.

"Si Nana talaga nambola pa. Si Zoey lang naman po ang napapatawa ko, eh. Ang sungit po kaya ni Joseff. Kung ngumingiti siya o tumatawa, bihira lang po," sabi ko.

Tumawa naman si Nana Sonia. "Naku, hija! Mas malala pa noong mga panahong wala ka pa rito. Hindi talaga siya halos ngumingiti."

Parehas kaming natawa ni Nana Sonia. I can only imagine it. Pero kung tutuusin, noong nagsimula akong magtrabaho rito, napakasungit niya talaga. Naalala ko na naman tuloy 'yong unang pag-aaway namin kung saan ako ang may kasalanan dahil nakipag-away ako sa school ni Zoey.

"Oh, sige. Dito muna kayo. Magluluto lang ako. Malapit na rin palang mag-alas otso at hindi pa tayo kumakain," paalam ni Nana Sonia bago tumayo at pumunta sa kusina.

The Gorgeous Nanny (The Neighbors Series #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon