Chapter 2 Piging at ang Hara-Kiri

72 3 0
                                    

Pagdating sa isang piging ni Shogu Aumrinko na ginanap sa isang mansiyon, puro  bagong miyembro ng bagong White Lotus-Aumrinko ang nandoon. Malugod na sinalubong ng una si Tanaka nang dumating.

“ Arigato, Tanaka!” nakangiti bati ni Shogu. Tumango lang si Tanaka. Hindi gusto ang nakikitang tanawin sa handaan. Lingid kay Shogu, naka-antabay lang ang mga kasamahan ni Tanaka sa labas ng mansiyon. May hudyat kung kailan sila papasok. Ang hudyat...sipol yun na huni ng ibon.

Pinapasok ni Shogu si Tanaka sa loob ng mansiyon na ang ayos ay Japanese style. May Japanese flower arrangement o ikebana din sa loob ng sala. Pumasok sila sa isang silid. Niyaya ni Shogu si Tanaka ng tradisyunal na tea ceremony habang magkaharap silang dalawa sa isang mesa. Nagsuot ng kimono ang dalawa nang iabot ang naturang damit ng isang tauhan ni Shogu.

Naka-Indian set ang upo. Nasa loob ng bakuran ng mansiyon ang mga bisita. May mga mesa doon at inaasikaso ang mga panauhin ng ilang tauhan ni Shogu. Sa loob ng sala, limang tao lamang ang nandoon.

Nag-uusap ang dalawa sa wikang Hapones. Pero kung isasalin sa wikang Flipino ay ganito:

“ Ano ang dahilan at bakit mo ako pinapunta rito, Shogu?” tanong ni Tanaka.

“ Simple lang, Tanaka. Di na ako magpapaligoy-ligoy pa. Simula nang itinigil mo ang aktibidades ng White Lotus sa bansang ito, humina ang koleksiyon ng Inagawa Kai. Marami ang nadismaya sa ginawa mo. Gusto kong pormal mong isalin sa akin ang pamumuno ng grupo kung ayaw mo nang ipagpatuloy ang simulain nito,” ani Shogu.

“ Hindi ako hangal, Shogu. Ipinagbigay alam ko na sa Inagawa Kai na hindi na aktibo ang White Lotus sa Pilipinas. Alam iyon ng konseho. Kung kaya, nagtatag na lang ng iba nito sa bansang Malaysia. Nauunawaan ng Inagawa Kai ang aking desisyon. Labis-labis na ang aking ginawa sa kanila,” ani Tanaka.

“ Akala mo lang yun. Pero, dismayado sila sa iyo. Sinira mo ang batas ng Inagawa Kai. Ang batas ng Bushido. Simula nang umalis ka sa Shinjuko at sumama sa isang babaeng Filipina, nag-iba na ang iyong pagkatao. Hindi na ikaw ang dating nakilala ng Inagawa Kai na mabangis, malupit, at walang awang pusakal na si Tanaka Masurao. Ang totoo, pinapunta ako ng konseho rito upang buhayin ang aktibidades ng White Lotus sa bansang ito. Makabubuting huwag ka nang maki-alam,” si Shogu na nagtaas na ng boses.

“ Talagang makikialam ako. Nangako ako sa pamahalaan ng bansang ito na itinuring ko na ring ikalawang Inang Bayan na ititigil ko na ang gawain ng White Lotus. Tinupad ko iyon limang taon na ang nakararaan. Kung muli mong bubuhayin ang White Lotus, parang sinira ko na rin ang aking pagkatao. Parang itinulak mo akong magha- Harakiri. Inuulit ko Shogu, ako ang makakalaban mo sa sandaling buhayin mo ang aktibidades ng White Lotus gamit ang aking pangalan,” ani Tanaka.

Sandaling katahimikan ang bumalot sa silid na iyon. Humigop ng tsa si Shogu at bumuntong hininga. Tinitigan ng masama si Tanaka. Nakaramdam na ng kaba ang huli. Nakita ni Tanaka na may nakasukbit na samurai sa baywang ang tatlong bataan ni Shogu.

Batid ni Tanaka na mga Shikaku o mga pusakal na samurai ang mga iyon. Nginitian ni Shogu si Tanaka. Pinakalma.

“ Wala tayong dapat pagtalunan, Tanaka. Magkababayan tayo. Mas matimbang pa ba sa iyo ang lupain ng mga Timawa? Gumising ka, Tanaka. Ano’t nagmamalasakit ka sa lahing kayumanggi? Hindi rin nila pahahalagaan ang iyong ginawa dahil may mga nasisilaw pa rin sa salapi. Pera lang ang katapat ng lahat, Tanaka.”

“ Likas na marangal ang lahing kayumanggi. Inaabuso lamang ito ng mga dayuhan at may mga kapangyarihan. Na ang kanilang kahinaan ay sinasamantala upang sila ay gumawa ng masama kapalit ng salapi. At dahil karamihan sa mga Pilipino ay kumakalam ang sikmura, naaatim nilang gawin ang mga bagay na labag sa kanilang kalooban. Kapag nagawa na, saka sila hihingi ng tawad sa Diyos,” ani Tanaka.

“ Kung gayun, walang patutunguhan ang usaping ito. Para ka lang palang hangin na walang dalang ulap at ulan. Sayang ang mga plano ko para sa ating dalawa,” galit na sabi ni Shogu.

“ Nating dalawa o sa iyo lang!” si Tanaka na naka-akma nang tatayo.

Kumislap ang mga mata ni Shogu. Hudyat iyon sa kanyang mga bataan na gawin ang plano. Biglang hinataw ng samurai si Tanaka ng isa sa likuran. Tumagos ang samurai sa ilalim ng kili-kili ni Tanaka. Subalit, mabilis na naka-porma ang lalaki kahit iniinda ang sakit.

Nasalo ni Tanaka ang hataw ng isang samurai at tinadyakan sa sikmura ang tumaga sa kanya. Binalibag niya ang ikalawang tumaga sa kanya at nakuha niya ang gamit nitong samurai. Bigla namang itinaga ni Shogu ang tangang samurai ngunit nailagan ito ni Tanaka.

Nagpalitan ng tagaan ang dalawa. Kapwa bihasa sa paggamit ng samurai. Ngunit mas di hamak na magaling si Tanaka. Napapa-atras si Shogu sa bawat hataw niya. Dehado ang huli sa kanilang duwelo. Habang nagtatagaan ang dalawa ay biglang nakaramdam ng pagkahilo si Tanaka. Saka niya nabatid na ang tsa na pinainom sa kanya ay nilagyan ng drogang pampatulog.

Nabawasan ang kakayahan niya sa pakikipag-eskrima. Gayunpaman, tinodo na niya ang paghataw sa tatlong kasama ni Shogu. Sa isang bigwas niya ay hiwa ang tiyan ng isa. Tanggal naman ang braso ng ikalawa at tanggal ang ulo ng isa sa huling hataw niya. Kinabahan si Shogu.

Pinatunog nito ang isang buzzer na nasa dingding. Kagyat lang ay nagsipasukan sa silid ang mga bataan niya. Sumipol naman si Tanaka. Pero walang gaanong lumabas na boses. Hindi iyon narinig nina Roman Jutai. Mag-isang hinarap ni Tanaka ang 20 kalaban kasama si Shogu na nakatingin lang sa kanya.

Nararamdaman ni Tanaka na hindi na siya makalalabas ng buhay. May napuruhan siya at napatay. Pero, may mga tama na rin siya ng samurai sa balikat, tiyan, mukha, at paa na pawang daplis lang. Pero, unti-unti na siyang nanghihina. At bago pasiya mawalan ng malay ay may dinukot siya sa kanyang bulsa. Granada.

“ Alam kong mamamatay ako. Pero, isasama ko kayo sa hukay,” sabay tanggal ng pin ng granada at inihagis kina Shogu. Ngunit bago sumabog ang granada ay mabilis na nakatalon sa bintana si Shogu. Naiwan ang kanyang mga bataan. Umalingangaw sa bakuran ng mansiyon ang pagsabog.

Kinabahan si Roman Jutai. “ Tanaka... Tatsujin Tanaka!” hiyaw ni Roman Jutai habang hawak ang samurai.

Nanlumo naman ang kanyang 12 kasamahan dahil batid nilang may dalang granada si Tanaka. Pakiwari nila, Harakiri na ang ginawa ng kanilang master. Nagpulasan naman agad ang mga tao sa mansiyon kung kaya walang naabutan ang mga awtoridad.

Heart of a SamuraiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon