Chapter 13 Siyang Taksil Na Tagapagligtas

46 3 0
                                    

Nakuha pang halikan sa labi ni Ichigaki si Sandra bago ito lumabas ng bath room. Asiwang-asiwa naman ang dalaga sa ginawa ng kelot.

Patuloy lang na nanonood si Caleb ng bold show na ginaganap sa kabilang pader ng pamayanan ng White Lotus. Nakikiramdam sa mga mangyayari. Nag-iisip pa ng mga dikarte para iligtas si Sandra. Maya’t-maya siyang tumutingin sa kanyang wrist watch. Mag-aalas onse ‘y medya na. Kinakabahan na siya.

Nagpaalam muna siya sandali sa mesa nila ni Toshiro. Magbabawas daw sa comfort room. Nang nasa CR na ang binata, nagkabit ito ng bomba sa ilalim ng inidoro para pasasabugin niya sa takdang sandali. Hinanap din niya ang breaker at nang matagpuan ay kinabitan din ng  bomba na nakalagay lang pala sa isang maliit na bag sa kanyang baywang. Hawak n’ya ang detonator at palihim na inilagay sa bulsa sa kanyang baywang.

Bumalik siya sa puwesto nila ni Toshiro. Tomoma muna ng alak at tiningnan na naman ang kanyang relo.

“ Ba’t parang di ka mapakali dyan, pre? Baka naman may kursunada ka sa mga dancer natin dyan? Sabihin mo lang at tiyak na matitikman mo,” natatawang sabi ni Toshiro.

“ Wa-wala. Medyo masama lang ang pakiramdam ko. May sinat ata ako. Nabasa kasi ako ng ulan kahapon ng gabi,” sagot ni Caleb.

“ Aba, magandang remedyo ang tersiya dyan. Bumanat ka ng tsikas. Tiyak na mawawala yang sinat mo,” ani Toshiro.

Mga minus dyes pa bago mag-las dose ng hatinggabi ay nagpasya na si Caleb. Lihim niyang pinindot ang remote control ng detonator sa ilalim ng mesa na nakakabit sa breaker. Kasabay nang pagsabog ang pagsabog ng dilim.

“ Anak ng, kakabitin naman yan! Tingnan n’yo nga kung anong nangyari. Baka na-short circuit lang,” ani ng isang kelot na malaki ang katawan na malapit sa entablado sa mga kelot na miyembro ng samahan.

Nang kumilos ang mga bataan ng White Lotus ay pinindot na rin ni Caleb ang mga itinanim niyang mga bomba sa CR at sa mga sulok-sulok ng hide out ng White Lotus. Sunod sunod na pagsabog ang naganap. Nagulumihanan si Ichigaki at sumama ang timpla ng mukha ni Shogu na nanonood din ng bold show.

Sinamantala ni Caleb ang pagkakataon. Lihim siyang tumawag sa operatiba sa kanyang cell phone gamit ang ibang sim number. Sinabi niya at idinitalye kung saan ang hideout ng White Lotus, pati ang warehouse kung saan nakalagak ang mga chemical weapons.

Sinabi rin n’ya na may weapon of mass destruction doon, at ang White Lotus ang may kagagawan ng mga sarin gas attack at pambobomba sa mga simbahan at mga matataong lugar. Sinabi niya na si Shogu Aumrinko ang pinuno ng samahan.

Si Tinyente Mauricio ang nakatanggap ng tawag ng kelot. Isang alagad ng batas na hindi konektado o suhulan ng samahan. Kung kaya, inihanda nito ang kanyang mga bataan para sa gagawing pagsalakay sa kuta ng White Lotus. Nakipag-ugnayan rin ang naturang pulis sa militar para sa mas malakas ang puwersa ng gagawin nilang pagtimbog sa sindikato at kulto.

Habang nagkakagulo ang mga tao sa secret society, na nasa looban ng kabundukan ay kumilos si Caleb. Hinanap niya ang sinasabing bath room kung saan nakalagak si Sandra batay na rin sa sinabi sa kanya ni Toshiro. Madilim ang paligid pero matalas ang mga mata ng binata.

Nang makarating doon ay nakasara ang pinto. Nakakulong sa loob ang 20 kababaihan kasama si Sandra pati ang ilang geisha na 8 ang bilang. Pinilit sirain ni Caleb ang door knob ng bath room at nagtagumpay siya na nakapasok.

“ Sandra... Sandra, nasaan ka?” wika ni Caleb habang hinahanap sa kalipunan ng mga kababaihan ang dalaga na nasa isang sulok.

Alam na alam ni Sandra kung kaninong boses ang tumatawag sa kanya. Nabuhayan siya ng loob.

Caleb! Caleb... nasaan ka? Nandito ako,” sagot ni Sandra. Hinanap ni Caleb ang dalaga at agad niya itong nakita. Niyakap siya ni Sandra na nakatapis lamang ng tuwalya.

“ Magbihis kayo, madali! Aalis tayo rito,” ani Caleb sa iba pang mga babaeng naroroon.

“ Caleb, papaanong napunta ka rito? Matagal ka na bang miyembro ng samahan?” tanong ng dalaga.

“ Saka na ako magpapaliwanag, Sandra. Ang mahalaga ngayon ay ang kaligtasan nyo.”

Inakay ng binata palabas ng bath room na kasinlaki na halos ng isang bahay sina Sandra pagkatapos magbihis ng kanilang damit. Pumunta sila sa nakaparadang kotse niya at agad na isinakay doon si Sandra at ilang babaeng Pinay.

“ Dito lang kayo. Huwag kayong aalis dito hangga’t di ako bumabalik o di ko sinasabing aalis na kayo. Ang pagdating nng mga alagad ng batas ang magiigng hudyat na aalis na kayo. Kinontak ko na sila.”

Teka, saan ka ba pupunta?  Hindi ba tayo puwedeng umalis ngayon?” tanong ni Sandra na nag-aalala sa binata.

“ May aasikasuhin lang akong mahalagang bagay. Basta, sundin mo ang bilin ko,” si Caleb sabay halik sa noo ng dalaga.

Nang sandaling iyon ay nasa kuwarto lang niya si Shogu. Nagmumuni-muni. May kasama siyang 8 bataan na matitinik na pusakal at bihasa sa paggamit ng samurai.

“ May traydor sa ating samahan. Pakiramdaman ninyo kung sino siya na sumabotahe sa dakilang araw na ito! Kailangang mamatay siya upang di pamarisan,” galit na ani Shogu sabay hagis ng hawak niyang kopita na may lamang alak sa dingding.

“ Ikaw ang uunahin ko, Shogu! Tatapusin ko na ang kahibangan mo,” wika ni Caleb sa sarili na binabagtas na ang daan papunta sa silid ng bulaang propeta at lider ng sindikato.

Heart of a SamuraiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon