Chapter 11 Bayaw

35 3 0
                                    

Kaso, nang makita ni Caleb ang isang kelot na miyebro ng White Lotus ay napa-atras siya. Nakita niya ito sa kuta ng naturang samahan. Isa ito sa nagpugay at bumati sa kanya nang ideklara siyang apo ng anak ng diyos.

Nag-isip siya. Kung tutulungan niya ang mga pulis na rumesponde para lumaban ay mamukmukhaan siya. Tiyak na sira ang kanyang plano. Sa halip na makipag-engkuwentro katuwang ang operatiba ay bumalik siya sa kanyang kotse.

Umalis na agad para hindi mapansin na nandoon siya. Ngayong nalaman na niya ang tungkol sa tunay niyang ina at pamilya, uunti-untiin na niyang tapusin ang mga tao sa likod ng White Lotus.

Si Shogu at si Ichigaki. Kapag nailigpit na niya ang mga ito ay tiyak na masisira na ang perwisyong samahan at naipaghiganti na niya ang kinikilala niyang magulang noon na sina Eula at Tanaka Hideyoshi.

Dumiretso ang binata sa ospital na pinaglagakan ng kanyang tunay na ina upang bisitahin at kumustahin ang kalagayan nito.

Sabik na sabik si Caleb na ipadama sa kanyang tunay na ina ang pagmamahal ng isang anak na hindi niya naibuhos noon kina Eula at Tanaka dahil pinaslang ito ni Shogu at Ichigaki. Nang makarating na siya ng ospital ay nakita niya sa gawing harapan nito ang isang kelot na may 29-anyos ang edad na nakikipagtalo kay Marissa.

Nagulat si Caleb nang makitang sinampal ng lalaki ang kanyang kapatid. Umakyat ang galit sa sentido niya at agad na nagtungo sa kinaroroonan ng dalawa. Nakita pa ng binata na sinasaway ng sekyu ang kelot pero pinagalitan nito ang sekyu.

“ May pera ka pala pinagdadamutan mo ako!” bulyaw ng lalaki kay Marissa.

“ Hindi kita bibigyan! Para kay inay ito. Saka, bakit ka makikinabang sa hindi mo pinaghirapan? Magbanat ka ng buto, ‘ke laki-laki mong kalabaw ‘e ayaw mong magsumikap. Magsumikap ka!” bulyaw ni Marissa sa kelot na hinawakan ang braso nito.

“ Aba’t ginagaya mo pa ang dialogue ng biyenan ni John Purontong ha! Akin na ang pera, kundi tatamaan ka sa akin.”

“ Bitawan mo siya kung ayaw mong bangasin ko ‘yang mukha mo!” si Caleb na hinawakan ang balikat ng lalaki. Nagulat naman si marissa nang biglang sumulpot ang binata.

“ Sino kang e-eksena sa aming mag-asawa ha?” nakangising baling ng lalaking si Gomer kay Caleb.

“ Siya... siya ang nagbigay ng pera sa amin. Buti pa ang ibang tao may malasakit, samantalang ikaw walang silbi,” bulyaw uli ni Marissa sa asawa.

“ Siguro, kalaguyo mo ang lalaking ito, ano?” si Gomer sabay sampal kay Marissa. Bumagsak sa sahig ang babae dahil sa lakas ng sampal at dumugo ang ilong nito.

Bigla namang siniko sa tadyang ni Caleb ang lalaki sabay headlock para di na makaporma si Gomer. Nagpupumiglas ito pero hindi na nakaalis hanggang sa mamutla ang mukha ng kelot.

“ Ungas ka! Sa oras na muli mong saktan si Marissa, malilintikan ka sa akin,” pagbabanta ni Caleb sabay bitiw sa kelot.

Naamoy pa ng binata na nakatoma si Gomer. Nakaabang naman siya kung rerresbak ito sa kanya ng mano-mano. Pero hindi na.

“ Tama na Caleb. Huwag mo na siyang patulan. Magmumukhang loko ka lang kapag pinatulan mo ang sira-ulong yan!” ani Marissa.

“ Ano ba naman kayo, itay! Nakakahiya po kayo. Nag-eeskandalo kayo rito sa ospital. Paminsan-minsan nga lang po kayo susulpot ‘e lasing pa. Di na po ba kayo naaawa sa amin? Ibang tao pa ang nagmamalasakit sa amin,” si Kaykay na lumabas sa gate ng ospital at pinagsabihan ang ama.

Napayuko lang si Gomer. Nahihiya. Natauhan. Hindi umubra ang laking tao niya kay Caleb. Pero, naiintindihan ni Caleb ang kanyang bayaw. Pera ang problema nito at desperado na ito sa buhay. Balak niyang tulungan  ang kanyang pamilya para maging maayos ang buhay ng mga ito.

Umiiyak na pumasok uli ng ospital si Kaykay. Bumalik sa silid kung saan ay siya noon ang nagbabantay sa kanyang Lola Sonia. Iniwan din ni Marissa ang asawa na tameme.

Pagkatapos titigan ng may panunumbat ay iniwan din ni Caleb ang kelot at bumalik sa kanyang kotse upang kunin ang mga ipinamiling prutas at ibang masasarap na pagkain. Dadalhin niya ito kina Marissa.

Tanaw naman siya ni Gomer na marungis ang gayak na nahihiya. Ang totoo, gutom na ang kelot at hihingi ng pera sa asawa para pambili ng pagkain.

Hindi naman nagtagal si Caleb sa ospital dahil tumawag sa cell phone niya si Jutai. Inaalam kung nasaan siya at nais makausap.

Nang binabagtas na ng minamaneho niyang kotse ang daan patungo sa kanilang bahay ay napamasid siya sa isang eskinita. Nakita niyang ginugulpi ng apat na lalaki si Gomer, ang kanyang bayaw.

Agad na bumaba si Caleb ay tinulungan ang kelot. Siya na ang humarap sa mga lalaki at nakipagbangasan ng mukha. Walang panama ang mga ito sa husay ni Caleb sa martial arts.

Kung may tangan nga lang siyang samurai, tiyak na may kalalagyan ang mga ito. Pipilay-pilay ang apat na kelot at basag ang mga pagmumukha nang tigilan ni Caleb ang upak sa kanila. Mangha naman si Gomer sa nasaksihan. Kung lumaban pala siya rito ng sapakan, tiyak na ospital ang bagsak niya.

Hindi makalakad ang apat dahil sa sakit at pilay sa kanilang paa  at bali pa ang mga kamay.

“ Sabihin mo sa ala Bruce Lee mong ka-tropa Gomer na binibigyan ka lang namin ng leksiyon sa pagnanakaw at paglustay mo sa sahod namin na ipinang-sugal at ipinang-toma mo. Kawawa ang pamilya namin sa ginawa mo,” wika ng isa na maluha-luhang hinahawakan ang namamagang mukha.

Napailing lang si Caleb na napatingin kay Gomer. Napayuko naman ang kelot.

“ Totoo ba ang sinabi nila,sagot?” tanong ni Caleb kay Gomer na nanlilisik ang mga mata.

“O-oo!” sagot nito. Tinitigan naman ni Caleb ang apat na iika-ikang sinusumbatan si Gomer.

“ Ibalik mo ang pera namin, Gomer. Kung wala kang awa sa pamilya mo, maaawa ka naman sa pamilya namin. Nang dahil sa bisyo mo, pati pinaghirapan ng iba ay winaldas mo. Kaya pala, maaga kang umalis kahapon sa construction site dahil ninakaw mo ang suweldo namin na nakalagay sa bag habang nag-o-over time kami,” sabi ng isang lalaki.

“ Imposible na niyang maibalik yun. Magkano ba ang sinahod  bawat isa?” tanong ni Caleb.

“  P1,800. Lingguhan ang sahod namin sa construction,” sagot ng lalaking si Becbec.

Dinukot ni Caleb ang kanyang wallet at kumuha ng pera. Lilibuhin.

“ O etong dose mil. Tig tre-tres mil kayo d’yan. Ano, may angal pa kayo!” si Caleb na inabot ang pera sa bawat kelot. Nagulat naman si Gomer sa inasal ng hindi nakikilalang bayaw.

“ Salamat dito ‘pre, ayos lang na ito ang kapalit ng bugbog mo sa amin,” ani Becbec.

Ang iba pa niyang kasamahan ay tuwang-tuwa. Biglang umaliwalas ang mukha na kanina’y iniinda ang sakit.

“  Napakabuti mong kaibigan, pre. Gomer, di ka ba nahihiya?” habol naman ni Tasyo.

“ Ako na ang hihilot sa inyo at baka mabawasan pa iyang pera n’yo para magpahilot,” si Caleb na nilapitan ang mga kelot at hinilot ang mga napinsalang mga  buto.

Ang kakayahang i-relocate ang nadiskaril na joints sa buto ay kayang remedyuhan ni Caleb dahil sa turo ni Jutai. Hiyaw sa sakit ang apat pero mamaya-maya ay wala na silang nararamdamang kirot kapag inuunat ang kamay at paa. Muling nagpasalamat ang apat na kelot kay Caleb at masayang umalis.

“ Bakit mo ako tinulungan gayung hindi mo kilala?” si Gomer na nanginginig ang boses.

“ Tumayo ka diyan at doon tayo sa loob ng kotse mag-usap.” ani Caleb. Binigyan din ng t-shirt ni Caleb ang kelot na kabibili lang niya.

Ang dumi kasi ng damit ni Gomer at napunit pa. Dinala niya ito sa isang resto at kumain sila. Batid ni caleb na gutom na ang bayaw dahil panay ang tingin nito sa mga tindang pagkain habang hawak-hawak ang sikmura.

 

Heart of a SamuraiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon