*****"Kumusta ang tulog mo?" Tanong sakin ni Raon habang naglalakad na kami papuntang plaza. Alas nwebe daw ang praktis nila pero alas syete pa lang ay naglalakad na kami dito sa gitna ng kalsada.
Pinadala nya rin yung bag ko sakin dahil baka daw mawala ito doon sa bahay nya. Wala daw kasing lock yung bahay at yung mga gamit daw nya ay wala namang mag iinteres na magnakaw pa noon.
"Alam mo Ram Ram ito na yata yung pinaka maagang oras na nagising ako sa buong buhay ko. Madalas kasi alas nwebe na nagigising na ko pero alas singko pa lang ng madaling araw kanina nagising nako."
"Bakit hindi mo ko ginising?"
"Bakit naman kita gigisingin eh alam ko namang pagod ka kahapon. At saka dumulihensya muna ko kanina para may pang almusal tayo ngayon."
"Nag snatch ka ng cellphone?" Gulat na tanong ko.
"Sira ka. Ano tingin mo sakin, magnanakaw? Nagbenta ako ng dyaryo kanina." Sagot nya saka ako hinila sa nadaanan naming tindahan ng lugaw.
"Sorry." Saad ko pagkaupo namin.
"Ayos lang, naaaliw nga ako sayo eh. Teka hindi ka pa pala naliligo ano?"
Umiling lang ako sa kanya bilang sagot at saka tumingin sa estante kung saan naka display ang mga menu ng tindahan.
"Mamaya maligo ka na. Dala mo naman ang mga damit mo eh. Manang dalawang order po dito." Turo nya pa sa napiling pagkain.
"Saan ako maliligo? Parang wala akong nakitang CR dun sa bahay mo? Kanina sa ilog lang ako umihi eh."
"Nakikita mo ba yan?" Hinawakan nya pa ako sa balikat at saka tinalikod para makita ko ang tinuturo nya.
"Yan,yang mcdo, jollibee, chowking lahat yan. CR ko lahat yan."
"Astig ka pala eh." Natatawang sagot ko.
"Ganun talaga. Kain ka na." Dagdag pa nya.
"Ito si Chito, si Nard, si Mon, si Andrew, si Mica, si Lek, si Nicolai, si Aldrin, si Jay, si Louie, si Billy, si Noel at ito naman ang kaibigan ko, si Ram Ram." Pakilala sakin ni Raon sa mga kaibigan nya at kasamahan sa pagsasayaw.
Masyado silang marami kaya ni isa ay wala akong natandaang pangalan. Ngumiti na lang ako sa kanila ng sabay sabay din nila akong batiin.
"At sasali sya sa grupo natin." Dagdag pa ni Raon dahilan para agad akong mapalingon sa kanya.
"Hindi ako marunong sumayaw." Bulong ko sa kanya.
"Eh anong gagawin mo dito kung hindi ka sasali samin? Maiinip ka." Si Raon.
"Manonood na lang ako sa inyo."
"Sige pero dun ka sa lilim umupo huh? Mamaya magpa-araw ka na naman. Saka sabihin mo agad sakin pag may nararamdaman ka na namang kakaiba huh?"
"Sa sarili mo sabihin yan. Ikaw nga tong may hika dyan tapos ang hilig mo pang magsayaw. Yumg inhaler mo dala mo?"
Kita ko naman ang pag ngiwi nya at saka nagkamot ng batok.
Kanina bago umalis ng bahay ay nilagay ko na sa bulsa ng bag ko ang inhaler nya dahil nakalimutan na naman nya itong dalhin.
"Oh, lagay mo yan lagi sa bulsa mo." Sabay abot ko pa ng inhaler na nakapag pangiti sa kanya.
"Salamat. Da best ka talaga." Sagot nya at saka patakbong bumalik na sa mga kasamahan nya na kasalukuyan ng nagsisimulang magsayaw.
Umupo na lang ako sa isang malilim na bench at saka sila pinanood habang nagsasayaw.
