*****
14 years old ako at isang araw na lang ay hindi na ko pwedeng manatili pa dito sa bahay ampunan. Imposible naman na may umampon pa sakin sa tanda kong ito, yung mga kadalasang inaampon kasi ay yung mga cute na sanggol lang kaya hindi na ko umaasa pang magkakaroon ako ng sarili kong pamilya. Hindi ko alam kung saan nila ako dadalin pagkatapos ko dito pero may sabi sabing mahigpit daw dun at pagtatrabuhuhin kami kapalit ng ipapakain samin.
Dito na ko lumaki at nagkaisip sa bahay ampunan. Sabi ng mga madre nakita lang daw nila ko sa labas ng gate. Kaya nga siguro ang hilig kong mamulot ng mga maliliit na pusa kapag nakakakita ako sa labas ng gate ng ampunan, kasi alam ko yung nararamdaman nila. Ang hirap kayang mag isa.
Bukas ng madaling araw kailangang makaalis na ko dito, tatakas ako. Madali lang naman para sakin ang makaalis dito dahil pinagkakatiwalaan naman nila ko. Labas masok ako sa ampunan kung kailan ko gustuhin basta sinisigurado lang nila na uuwi ako sa itinakda nilang oras.
Mamimiss ko ang mga nagpalaki sakin pero kung mananatili naman ako dito hanggang bukas ay papaalisin din naman nila ako, wala na akong ibang choice kundi ang umalis dito.
Kahit wala akong ibang mapupuntahan ay lakas loob akong umalis ng ampunan, dala ang ilang pirasong damit sa back pack ko ay lumuwas ako ng Manila para makalayo talaga ako sa kanila. 2nd year high school na ako sa loob ng ampunan kung saan mga madre din ang nagsisilbi naming mga guro. Hindi ko alam kung maipapagpapatuloy ko pa ang pagaaral dito sa labas dahil wala naman akong pagkukuhanan ng pera. At isa pa, malamang walang tatanggap sa akin sa trabaho dahil underage pa ako.
Naupo muna ako sa isang plaza ng makaramdam ako ng pagkapagod. Binuksan ko lang ang maliit na bulsa sa aking bag at saka nagsubo ng isang matamis na candy. Ang sabi sakin ng doktor doon sa loob ng ampunan ay may Juvenile onset diabetes type 2 daw ako. Hindi ko naman masyadong naiintindihan ang sakit ko basta ang alam ko lang, kailangan kong kumain ng kahit na anong uri ng matamis kapag nakaramdam na ako ng pagkahapo at panghihina. Bumababa daw kasi ang sugar level ko sa katawan at kailangang kong punan iyon sa pamamagitan ng pagkain.
Hindi ko rin maintindihan ang sakit ko dahil minsan naman ay tataas ang sugar ko sa katawan at kailangan pa akong turukan ng gamot. At iyon ang pinaka ayaw ko sa lahat, ang sakit kaya ng injection. Kaya nga hangga't maaari nagiging maingat ako sa mga kinakain ko.
Pero sa kalagayan ko ngayon makukuha ko pa kayang maging mapili sa mga kakainin ko? 300 pesos lang ang pera ko. Siguro mapagkakasya ko 'to ng hanggang isang linggo, pero pagkatapos non, saan na kaya ako pupulutin.
Tiningnan ko lang ang mga kabataang nagsasayaw sa gitna ng plaza, sa tingin ko ay mga kaedad ko lang din sila. Meron kaya silang mga pamilyang inuuwian?
Pinanood ko lang sila hanggang sa natunaw na ang candy sa bibig ko pero parang hindi naman nagbabago ang pakiramdam ko. Hinang hina pa rin ako at parang lumalabo na din ang paningin ko.
"Ayos ka lang ba dyan? Softdrinks oh." Rinig ko na nagsalita mula sa gilid ko.
"Teka namumutla ka ah? Kumain ka na ba? Alas dos ng hapon ano bang ginagawa mo dito? At saka bakit dito ka umupo walang bubong dito hindi mo ba nararamdaman yung sinag ng araw sa balat mo? Ang init kaya. Oh, hawakan mo muna 'to." Saad nung lalaki at saka inilagay sa kamay ko ang bote ng softdrinks na kanina nya pa iniaalok sakin.
Inilalayan nya lang akong makatayo at saka ipinatong ang isa kong kamay sa balikat nya. Akmang kukunin nya ang bag ko sa likod para siguro tulungsn akong magdala pero hinigpitan ko lang ang pagkakahawak ko sa bag.
"Hindi naman ako magnanakaw. Nakita kitang namumutla dito sa gitna ng plaza kaya gusto lang kitang tulungan. At saka bakit ang laki ng bag mo? Nag layas ka ba inyo?"
