CHAPTER 15 %__%
Maraming ibig sabihin ang pagluha ni Chryselle nang hapon na iyon habang sinusundan niya ng tingin ang papalayong sina Lance at Anette. Nagboluntaryo ang binata na ihatid ang dating nobya sa tinutuluyan nito sa bayan. Kasama ng mga ito si Manong Willy at ang matapat na alila ng babae.
Nasasaktan siya. Hindi magiging imposible ang pagbabalikan ng dalawa ngayong balo na ang babae at si Lance naman ay binata pa. Kanina lamang ay kitang-kita niya ang muling pagkakalapit ng kalooban ng mga ito.
Isa iyon sa dahilan ng kanyang pagluha dahil napapamahal na sa kanya si Lance. Bukod doon ay labis ang kanyang pagsisisi dahil sa nabalitaang namatay na si Don Alberto. Namatay ang kanyang papa na wala siya sa tabi nito. Para sa kanya ay malaking kasalanan iyon.
Takipsilim na nang makabalik si Lance sa bahay-bakasyunan. Kaagad itong kumatok sa silid ni Chryselle nang sabihin ni Manang Nena na nag-iimpake na siya ng mga damit.
Bumukas ang pinto at iniluwa ang malungkot na dalaga. Ang mga mata niya ay namumugto na sa pag-iyak.
"Aalis ka raw sabi ni Manang Nena?" usisa nito.
Lumabas siya ng silid at tinungo ang balkonahe. Nakasunod ito sa kanya.
"Kailangan ko nang bumalik ng Manila" malungkot niyang sagot
"Namatay si Papa nang wala ako sa tabi niya. Ayoko namang hanggang sa ihatid siya sa huling hantungan ay hindi ko man lamang siya makikita"
"Ang pag-uwi mo ay nangangahulugan lamang ng 'yong pagsuko sa kapangyarihan ng 'yong Tiya Claudia at sa lalaking nais nitong ipakasal sa'yo"
"Wala nang halaga sa akin anuman ang mangyari" saad niya
"Ang nais ko lamang ay makita si Papa sa huling sandali"
Napakagat-labi siya habang pilit pinaglalabanan ang luha. Banaag sa kanyang mga mata ang labis na kalungkutan habang nakatanaw sa dagat.
"Sadyang ang nakaalam sa akin ay pawang kabiguan, Lance" basag ang tinig na patuloy niya.
"Marahil ay nangyari ito upang pagsisihan ko ang aking nagawang kasalanan at magising ako sa katotohanang kailanman ay hindi ko maaaring sirain ang itinakda na ng tadhana. Si Deigo ang lalaking nakatakda para sa akin at maluwag ko nang tatanggapin iyon sa aking kalooban. At ikaw.....nabalo si Anette dahil kayong dalawa ang sadyang para sa isa't isa"
Napatiim-bagang ito.
"Hindi na ba magbabago ang 'yong pasya?"
Umiling siya.
"Maaga akong luluwas ng Manila bukas" tugon niya.
"At marahil ay hindi na ako muling makakatuntong sa napakagandang lugar na ito"
May mapait na ngiting sumilay sa kanyang mga labi.
"Hindi ko ito malilimutan"
Humarap siya rito.
"Maraming salamat, Lance"
"Maraming salamat din, Chryselle"
At hindi nakapagpigil na niyakap siya nito nang mahigpit.
Hindi na niya rin napigilan ang kanyang pagluha.
Upang makatiyak sa kaligtasan ni Chryselle, nagpasya si Lance na samahan siya hanggang sa Manila. Pagdating doon ay hinayaan na nito na isang cochero ang maghatid sa dalaga hanggang sa bahay nila. Sa paraang iyon ay hindi na magiging napakahirap para rito ang kanilang paghihiwalay.
"Paalam, Chryselle" parang may bikig ang lalamunang sabi nito habang inaalalayan siyang makasakay ng karetela.
"Paalam, Lance...."
BINABASA MO ANG
Hindi Ko Masabing Akin Ka
HistoryczneHighest Rank #52 Sa mga lihim na pagsulyap pa lamang ni Chryselle, alam na ni Lance na wala itong tiwala sa kanya. Dangan kasi ay mas mukha siyang tulisan ngayon kaysa sa katotohanang siya ang tanging heredero ng kayamanan ng mga Santillan. Kung hi...