[Kabanata 13]
Our Asymptotically Love Story
(page 80 - 103)
Ika-Anim na Kabanata
Filipinas 1688
"Kadalasan ang ating nararamdaman ay nailalabas sa lasa ng pagkain" panimula ni Manang Estelita habang marahan pinapakuluan ang karne ng baka sa malaking palayok.
"Ano po ba ang ihahain natin ngayong tanghalian Manang?" tanong ni Ising habang abala sila ni Salome sa paghihiwa ng mga patatas, carrots, red bell pepper, green bell pepper, sibuyas at bawang. Binawasan naman ni Manang Estelita ang panggatong sa pugon upang hinaan ang apoy.
"Kaldereta" nakangiting sagot ni Manang Estelita at umaawit-awit pa ito.
"Kaldereta ho ulit? Hindi po ba kakahain lang natin ng kaldereta noong isang linggo?" tanong pa muli ni Ising. Napatango naman si Salome dahil kasama pa siya noong mamalengke ng karne ng baka sa palengke.
"Ang ating Senor Fidel ay mahilig sa mga pagkaing ma-sarsa" tugon pa ni Manang Estelita sabay kuha ng panapin sa kamay at buong pwersa niyang binuhat ang malaking palayok paalis sa pugon, tutulungan sana siya ni Ising at Salome ngunit naibaba na niya ito agad.
"Manang kami na ho"
"Malakas pa ako, kaya ko ito... atupagin niyo na lang ang ginagawa niyo riyan" saad pa ni Manang Estelita, napailing-iling na lang ang dalawang dalaga dahil ginigiit na naman ni Manang Estelita na siya'y malakas pa sa kabila ng iniinda nitong rayuma gabi-gabi.
Si Salome ang madalas na taga-hilot ng tuhod ni Manang Estelita dahil sanay ito sa paghihilot na itnuro sa kanila ng kaniyang ina na si Nay Delia. Sa susunod na linggo pa makakabalik sa trabaho si Nay Delia dahil hinihintay pa nitong gumaling ng tuluyan ang sugat na tinamo ni Tay Isko sa binti.
"Manang kung patuloy kayong magpapasaway... si Ising na ho ang maghihilot ng inyong tuhod" panakot pa ni Salome kay Manang Estelita at natawa naman sila. Napangiti na lang si Manang Estelita at naupo na siya sa isang bangkito sa gilid upang magpahinga.
"Sige na, Sige na ako'y mauupo na rito at gagabayan ko na lamang kayo sa pagluluto, natatakot ako na baka mabali ang buto ko kung sakaling si Ising ang maghihilot nito" biro pa ni Manang Estelita sabay halakhak nila ni Salome, animo'y pinagkakaisahan ang kawawang si Ising.
"Biro lang Isabela" habol pa ni Salome dahil napabusangot ang mukha ni Ising lalo nang tawagin niya ito sa totoong pangalan nito. "Lumeng, ilagay mo na ang panibagong palayok at ilagay mo na ang mga rekados at karne, dahan-dahan lang ang paghalo at pagbuhos ng sarsa" bilin pa ni Manang Estelita agad namang sinunod ni Salome ang utos ng matanda at halos mapunit naman ang mga mukha nila ni Ising dahil sa sobrang ngiti habang inaamoy ang mabangong halimuyak ng kaldereta.
"Ganyan nga... marahan lang ang paghalo, hindi dapat mabilis at hindi rin malamya" patuloy pa ni Manang Estelita habang hinahalo ni Salome ang mga rekados.
Ilang sandali pa dumating si Susana at Piyang sa kusina, si Susana ay dalawampu't tatlong taong gulang na kung kaya't siya ang pinakamatanda sa kanilang apat nila Salome, Ising at Piyang. Bilugan ang mga mata nito at pa-hugis puso ang mukha. Kayumanggi rin ang balat at manipis lamang ang mahabang buhok nito.
Si Susana ang pinaka-mailap sa kanila, hindi ito gaano nagsasalita kumpara sa kadaldalan ni Salome at Ising, paminsan naman ay sumasali si Piyang ngunit madalas itong kasama ni Manang Estelita. "Manang, ipinaabot po ni Mang Berto na mula sa palengke, dumating na raw po ang pina-reserbang keso ni Senor Fidel mula sa Maynila" tugon ni Susana habang magka-tulong nilang buhat-buhat ni Piyang ang isang kahon ng keso.
BINABASA MO ANG
Our Asymptotic Love Story (Published by Bookware Publishing)
Historical FictionPrequel of "I Love You since 1892" Pilit hinahanap ni Aleeza ang mga kasagutan sa mga kakaibang panaginip at pakiramdam na nararanasan niya sa tuwing bumubuhos ang ulan at sa tuwing nakikita niya ang estrangherong naghahatid ng magkahalong saya at l...