[Kabanata 17]
Our Asymptotically Love Story
(page 119 - 141)
Ika-Walong Kabanata
Filipinas 1688
"Eleanor pakiusap..."
Dumaloy ang luha mula sa mata ni Eleanor habang yakap-yakap ng mahigpit si Fidel, animo'y ayaw niyang pakawalan ang binata. "Lo siento... por favor.... te amo" (I'm sorry... please... I love you) wika pa ni Eleanor at hindi na ito maawat sa pag-iyak. Napahawak na lamang si Salome sa kaniyang bibig dahil sa gulat. Muntikan niya pang mabitawan ang mainit na kapeng hawak niya.
Ilang sandali pa, unti-unting nadurog ang puso ni Salome nang makita niyang niyakap na rin ni Fidel pabalik si Eleanor.
Tuluyan na ngang nabitiwan ni Salome ang hawak niyang tasa ng kape, nagulat si Fidel at Eleanor nang marinig nila ang ingay ng nabasag na tasa sa sahig, maging si Salome ay gulat na napayuko at dali-daling pinulot ang mga piraso ng nabasag na mamahaling tasa na gawa pa sa procelana mula Tsina.
Nako! Nako! Nako!
Hindi na mapakali si Salome habang maiging pinupunasan ang nagkalat na kape sa hagdan, mas lalo pang nakadagdag sa kaniyang tensyon ang papalapit na sina Fidel at Eleanor. "Lumeng..." tawag pa ni Fidel at akmang tutulungan patayo si Salome ngunit naunang lumapit si Eleanor sa kaniya sabay hawak sa magkabilang balikat nito. "Baka masugatan ang iyong daliri... hayaan mo na iyan" nag-aalalang tugon ni Eleanor kay Salome sabay ngiti ng bahagya.
"P-pero----" hindi na natapos ni Salome ang kaniyang sasabihin dahil maluha-luha na siya, hindi niya batid kung dahil ba sa nabasag na mamahaling tasa ang dahilan ng kaniyang pag-luha o dahil sa nakita niyang tagpo ni Fidel at Eleanor na magkayakap.
"Sasamahan na kita sa iyong silid..." tugon pa ni Eleanor at inalalayan na niya patayo si Salome. Nakayuko lamang si Salome at hindi niya magawang tingnan si Eleanor at lalong-lalo na si Fidel. Nagulat siya nang biglang lumapit si Fidel sa kaniya at hinawakan ang kamay niya para kunin ang isang piraso ng nabasag na porcelanang tasa na hawak pa rin niya.
"Nakasusugat ang dulo nito, huwag mong hahayaang masugat ka nang dahil lang sa bagay na ito" paalala ni Fidel kay Salome sabay kuha ng piraso ng tasang iyon. Napatango na lamang si Salome kay Fidel nang hindi tumitingin sa mga mata nito, hinawakan naman muli ni Eleanor ang balikat ni Salome "Marahil ay pagod ka na munting binibini..." nakangiting tugon ni Eleanor kay Salome habang hinihimas-himas ang balikat nito. Napalingon naman si Salome sa napakagandang kastilang binibini na nakangiti sa kaniya, maamo ang itsura nito at talagang nakakahalina ang gandang taglay ng dalaga.
Naalala ni Salome na ang babaeng iyon ay ang babaeng bumili ng pluma sa palengke na bibilhin niya sana para kay Fidel noong isang araw. hindi niya nabili iyon para kay Fidel dahil naunahan siya, at ngayon mukhang hindi na rin niya mabibigay ang plumang ginawa niya na kinuha niya pa sa balahibo ni ChingChing dahil mukhang naunahan na rin siya ng babaeng nasa tabi niya ngayon.
"Lumeng! Ano ba iyan? May narinig akong nabasag" tawag ni Manang Estelita at nakasunod na sa kaniya sina Ising, Piyang at Susana. Napatigil sila sa ibaba ng hagdan at bumati kay Fidel at Eleanor.
BINABASA MO ANG
Our Asymptotic Love Story (Published by Bookware Publishing)
Historical FictionPrequel of "I Love You since 1892" Pilit hinahanap ni Aleeza ang mga kasagutan sa mga kakaibang panaginip at pakiramdam na nararanasan niya sa tuwing bumubuhos ang ulan at sa tuwing nakikita niya ang estrangherong naghahatid ng magkahalong saya at l...