[Kabanata 33]
PAALALA: Ang Kabanatang ito ay naglalaman ng mahalagang pangyayari sa ating Kasaysayan noong 1841. Basahin mabuti at intindihin ang bawat tagpo. Narito rin ang ilan sa mga tauhan sa I Love you since 1892, Kung naalala niyo pa si Mang Raul na tatay ni Theresita at Eduardo. At si Aling Trinidad, ang nanay ni Cristeta. Ang pamilya ni Aling Trinidad ay malapit kay Juanito Alfonso at ang pamilya nila ay walang awang pinatay at ibinintang kay Don Mariano Alfonso sa I Love you since 1892.
*****************
Filipinas 1841
Oktubre 17, 1841
Malakas na ulan ang sumalubong kay Esmeralda nang siya ay makalabas mula sa maliit na butas sa bintana ng kusina sa likod ng manyon ng pamilya Valenciano. Bitbit ang isang maliit na tampipi ay payuko siyang gumapang sa likod ng bahay hanggang sa makarating siya sa harapan ng mismong mansyon.
Malalim na ang gabi kung kaya't tahimik na ang palagid, tanging buhos ng ulan lamang ang maririnig sa buong kahabaan ng kalye.
Napapapikit na lamang si Esmeralda dahil sa lakas ng hampas ng ulan na tumatama sa kaniyang mukha habang yakap-yakap ang kaniyang tampipi. Mabuti na lamang dahil nakasuot din siya ng malaking talukbong na nakabalot sa kaniyang buong katawan kung kaya't hindi siya gaano nababasa ng ulan.
Animo'y bigla siyang nabuhayan ng pag-asa nang makita ang isang luma at sira-sirang kalesa na nakaabang sa tapat ng tahanan ng pamilya Valenciano. "Raul! Maraming Salamat" tugon ni Esmeralda nang makalapit siya sa kalesa, agad niyang inihagis sa loob ang tampipi na kaniyang dala-dala. Napalingon naman sa kaniya ang binatang kutsero ng kalesang iyon.
"Bilisan mo Esmeng, itinakas ko lamang ito kay Don Santiago Montecarlos" wika ni Raul sabay suot ng malaking salakot sa kaniyang ulo upang hindi siya makilala nang sinuman. Inilahad na ni Raul ang kaniyang palad upang tulungan si Esmeralda makaakyat sa kalesa ngunit napatigil sila nang marinig nila ang boses ng isang dalagitang kasambahay ng pamilya Valenciano, si Trinidad.
"Esmeralda!" tawag ni Trinidad habang kumakaripas ng takbo papalapit kay Esmeralda, hindi nito alintana ang malakas na buhos na ulan. "Trining! Paano mo---?" hindi na natapos pa ni Esmeralda ang kaniyang sasabihin dahil agad kinuha ni Trinidad ang kaniyang kamay at inilagay ang isang liham sa kaniyang palad.
"Baka sakaling mapadpad ang pamilya niyo sa Maynila... ito ang tirahan ni Senor Rolando" wika ni Trinidad, gulat namang napatingin si Esmeralda sa sulat na iyon. "Isang liham mula kay Senor Rolando, nakasaad diyan kung saan siya nakatira ngayon, kung nais mo pa siyang maabutan...puntahan mo na siya bago mahuli ang lahat!" seryosong tugon ni Trinidad at sapilitang pinasakay si Esmeralda sa kalesa.
"Nagawa mo nang tumakas kay Senor Hilario! Bakit nag-aalinlangan ka pa ring umalis?!" buwelta pa ni Trinidad. Hindi naman agad nakapagsalita si Esmeralda, sandali siyang napatitig sa mga mata ng kaibigan. Matalik niyang kaibigan si Trinidad at kahit pa hindi niya sinabi rito ang plano niyang pagtakas ngayong gabi, batid niyang hindi naman ito galit sa kaniya.
"M-maraming Salamat Trining..." iyon na lamang ang mga salitang pinakawalan ni Esmeralda at hinawakan niya ang kamay ng kaibigan. Ang pagtakas na ginawa niya ngayon ay maaaring magdulot ng kapahamakan sa kaniyang dalawang kaibigan na si Trinidad at Raul.
"Wala iyon... basta para sa iyo Esmeng..." tugon ni Trinidad, at kahit pa basang-basa na ito sa ulan nakita pa rin ni Esmeralda ang namuuong luha sa mga mata ng kaniyang kaibigan. Magsasalita pa sana si Esmeralda ngunit bigla silang nakarinig ng kalabog mula sa loob ng mansyon ng pamilya Valenciano.
"Puntahan mo siya Esmeng! Huwag mo ng intindihin si Senor Hilario... ako na ang bahala" nagmamadaling tugon ni Trinidad saka lumapit kay Raul, "Dalhin mo siya sa daungan... naghihintay roon ang pamilya ni Esmeng" tugon ni Trinidad, agad namang napatango ng ulo si Raul at pinatakbo na niya ang kabayo.
BINABASA MO ANG
Our Asymptotic Love Story (Published by Bookware Publishing)
Historická literaturaPrequel of "I Love You since 1892" Pilit hinahanap ni Aleeza ang mga kasagutan sa mga kakaibang panaginip at pakiramdam na nararanasan niya sa tuwing bumubuhos ang ulan at sa tuwing nakikita niya ang estrangherong naghahatid ng magkahalong saya at l...