[Kabanata 35]
Our Asymptotically Love Story
(Page 266 - 292)
Ika-Labing Pitong Kabanata
Filipinas 1688
"BAKIT? ERNESTO! BAKIT MO AKO INIWAN?" sigaw ni Roselia habang pilit na naglulupasay sa lupa, hawak-hawak siya ng ilang mga kababaihan upang patahanin sa pagtangis. Gulo-gulo na ang kaniyang buhok, maputla na rin ang kaniyang mukha at tuyot na rin ang kaniyang labi. Pilit siyang pinapakalma ng ilang mga kababaihan na kasama nilang tumakas ngunit hindi na siya maawat ngayon sa pag-iyak habang sinusunog ang bangkay ng kaniyang asawa.
"ISKOOOO!"
"ITAAAAAY!"
Maging si Nay Delia at Felicidad ay naglulupasay na rin sa lupa. Mapuputla na rin ang kanilang mga mukha at animo'y wala ng luhang mailabas pa dahil sa sobrang paghihinagpis at pagdurusa sa pagkawala ni Tay Isko, ang ama ng kanilang tahanan.
Makulimlim ang kalangitan habang patuloy ang pagpatak ng marahan na ulan. Bagama't umaambon hindi naman nito naapula ang apoy na sumusunog ngayon sa bangkay ni Tay Isko at Ernesto. Napagdesisyunan ng pamilya na sunugin na lamang ang katawan ni Tay Isko at Ernesto upang madala nila ito, bukod doon ay iginiit din ni Nay Delia na sunugin ang bangkay ng kaniyang asawa at panganay na anak alinsunod sa tradiyon ng mga Intsik. Ang bawat usok na kumakawala sa ere ay nagdudulot ng matinding bigat sa kanilang mga puso. Papalubog na rin ang araw, mag-iisang oras na nang marating nila ang lalawigan ng Aklan matapos nilang makatawid sa kabilang isla ng Iloilo.
At sa lupain ng Kalibo, Aklan na nila nagpagpasiyahan na sunugin ang mga bangkay ni Ernesto at Tay Isko. Maging ang dalawa pang kalalakihan na nasawi na anak ni Mang Pedro.
Habang si Danilo naman ay nakaratay sa isang higaan na gawa sa kawayan na hila-hila ng kalabaw.Tahimik lamang siyang humihikbi habang pinagmamasdan ang unti-unting pagtupok ng katawan ng kaniyang ama at kuya.
Samantalang, nakatayo naman sa tabi ni Felicidad si Salome habang tulala at wala sa sariling tinatanaw ang paglamon ng apoy sa wala ng buhay na katawan ng kaniyang pinakamamahal na ama at kuya. Maputlang-maputla at nagdurugo na rin ang labi ni Salome dahil sa matinding pagkatuyo nito, Hindi na rin niya alintana ang padaloy ng dugo mula sa sugat sa kaniyang noo na natamo niya nang maipit sa tulakan at bungguan sa plaza San Alfonso kaninang umaga lamang.
Hindi na napigilan pa ni Salome ang pagpatak ng kaniyang mga luha habang. Parang unti-unting dinudurog ang kaniyang puso habang sumisiklab ang apoy sa dalampasigan ng dagat na kanilang dinaungan. Ibinalot lamang sa banig at inalayan nila ng dasal at bulaklak ang mga yumao bago ito pasiklaban ng apoy.
Sa pagkakataong iyon, batid nilang kailangan na rin nilang makarating sa malayong lugar, malayo sa bangungot na naranasan nila sa Timog.
Tulala na lamang si Salome habang patuloy na umaagos ang luha sa kaniyang mga mata. Kasabay niyon ang sunod-sunod na pagsariwa niya sa mga magagandang alaala niya kapiling ang kaniyang kuya Ernesto.
Halika rito Lumeng! Napaka-pilya mo talaga!
Kuya Nestong! Ano baaa!
BINABASA MO ANG
Our Asymptotic Love Story (Published by Bookware Publishing)
Historical FictionPrequel of "I Love You since 1892" Pilit hinahanap ni Aleeza ang mga kasagutan sa mga kakaibang panaginip at pakiramdam na nararanasan niya sa tuwing bumubuhos ang ulan at sa tuwing nakikita niya ang estrangherong naghahatid ng magkahalong saya at l...