Kabanata f(x - 38)

683K 15.5K 45.5K
                                    

[Kabanata 38]

Our Asymptotically Love Story

(page 292 - 332)

Ika-Labing Walong Kabanata

Filipinas 1688





"Hindi ko pa pala nasasagot ang iyong tanong kung bakit ko ginagawa ang lahat ng ito para sa iyo" wika ni Fidel habang nakatitig sa mga mata ni Salome na kumikinang dahil sa replica ng libo-libong mga Lantern na nagliliwanag sa kalangitan.

"Te amo, Salomé ... y lo seguiré diciendo hasta que nos volvamos a encontrar" (I love you Salome... and I will still say that until we meet again) tugon ni Fidel, dahan-dahan niyang hinawakan sa baywang si Salome at unti-unti niyang inalapit ang kaniyang mukha sa dalaga. Puno man ng kaba, mas nangingibabaw pa rin ang pananabik at kakaibang saya sa puso ni Salome habang dahan-dahan niyang ipinikit ang kaniyang mga mata at mainit na sinalubong ang pagdampi ng labi ng lalaking matagal na niyang pinapangarap.

Sa pagsalubong ng halik ay dahan-dahang hinugot ni Salome ang pang-ipit na patalim na nakatusok sa kaniyang buhok at inilagay iyon sa kamay ni Fidel.

Isinusuko ko na sa iyo ang lahat... mahal ko.





"Mas maganda pa rin pagmasdan ang mga tala sa kalangitan" panimula ni Salome habang nakatingala sa madilim na langit na punong-puno ng milyong-milyong mga bituin na kumikinang. Ang kaniyang ngiti ay sing tamis ng sariwang pulut-pukyutan.

"Alam mo bang may masaklap na kuwento ang mga bituin?" tanong ni Fidel na nasa tabi niya. Nakaupo sila ngayon sa isang malaking bato habang magkadikit ang kanilang mga braso. Nasa tapat nila ang isang mahabang ilog at kakatapos lamang ng pagpapalipad ng mga Lantern sa kalangitan kanina.

Hindi naman makatingin si Salome kay Fidel na katabi niya ngayon, kanina pa hindi maawat ang lakas ng kabog ng puso niya lalo na nang halikan siya nito sa labi. Hindi na mapawi ang kaniyang ngiti kahit wala namang dahilan upang ngumiti. At sobrang nag-iinit at namumula ang kaniyang pisngi kung kaya't hindi na niya magawang lumingon o tumingin ng diretso sa mga mata ng binata.

"Ang mga bituin ay palaging nariyan, umulan man o umaraw, sa pagdaan ng umaga at gabi, at sa paglipas ng ilang daang siglo palagi silang nariyan sa kalangitan... ngunit ang masaklap ay bihira lamang sila mapansin ng mga tao" wika ni Fidel at napabuntong hininga ito.

"Minsan may isang dalaga na labis ang pagmamahal at paghanga sa mga tala. Ngunit ang pagkahumaling na iyon ay nagsilbi ring ilaw patungo sa kaniyang kamatayan" patuloy pa ni Fidel dahilan upang mapalingon sa kaniya si Salome nang may bahid ng pagtataka ang itsura.

"Isa iyong alamat na ikinuwento sa akin ni Manang Estelita noon, kung kaya't biglang nag-iba ang pananaw ko sa tuwing pinagmamasdan ko ang mga tala sa kalangitan. Maaaring naghahatid nga ito ng Kagandahan ngunit sa likod nito ay may kaakibat na trahedya at kamatayan" tugon pa ni Fidel, bigla namang napatingala si Salome sa mga bituin, nakaramdam siya ng kakaibang lungkot dahil sa kinuwento sa kaniya ni Fidel.

"Kung gayon... mula ngayon hindi ko na rin siguro ibig maging kasing ganda ng bituin sa langit" saad ni Salome habang nakatitig sa isang tala na nangingibabaw ang liwanag at ganda.

Palihim namang sinulyapan ni Fidel ang dalagang nasa tabi, sandali siyang napatulala sa ganda ni Salome. Ang mapupungay na mata ng dalaga ang pinaka-nagpapahumaling sa kaniya. "Mas maganda ka kumpara sa mga tala" biglang wika ni Fidel dahilan para mapalingon sa kaniya si Salome. Agad siyang napaiwas ng tingin ngunit ang mga ngiti niya ay hindi na niya nagawa pang itago.

Our Asymptotic Love Story (Published by Bookware Publishing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon