[kabanata 15]
Our Asymptotically Love Story
(page 103 - 119)
Ika-Pitong Kabanata
Filipinas 1688
Isang napakagandang umaga ang sumalubong kay Salome, agad sumilay ang matamis na ngiti sa kaniyang labi nang makita ang papasikat na araw sa labas ng bintana. Sunod-sunod rin ang pagtilaok ng manok na bumabasag sa katahimikan ng kapaligiran. Naupo na sa papag si Salome at nag-unat ng katawan. Napalingon pa siya sa kaniyang kanan kung saan mahimbing na natutulog pa si Felicidad.
Linggo ngayon, ang araw ng pahinga ng mga tagapagsilbi at trabahador ng Hacienda Montecarlos. Sinundo si Salome ng kaniyang kuya Ernesto sa hacienda Montecarlos noong gabi ng sabado kung kaya't nakasabay niya muli kagabi sa hapunan ang kaniyang pamilya.
Marami siyang ibinihagi sa kanila lalong-lalo na ang kabutihan ni Fidel. Halos sa bawat salitang binibitiwan niya ay puro papuri kay Fidel dahilan para mas lalo silang humanga at matuwa sa Kastilang binata.
Bumangon na si Salome at masigla niyang binuksan ang bintana upang pumasok ang sariwang hangin ng umaga. Lumabas na siya sa kwarto at nag-hilamos bago nagtungo sa kusina. Napalingon siya sa gilid na papag at namataan niyang mahimbing na natutulog pa doon si Danilo habang yakap-yakap ang isang kuwaderno. At dahil likas na mausisa si Salome dahan-dahan siyang naglakad papalapit sa natutulog na si Danilo at kinuha ang kuwaderno nito na kasalukuyang yakap-yakap ng binatilyo.
Binuksan niya ang kuwaderno dahil nais niyang makasilip sa mga itinuro ni Fidel sa kanila. Ngunit nabigla siya at napangiti na abot hanggang tenga dahil iba ang mga nakatala sa kuwaderno. Mga iginuhit ng larawan ng isang dalagitang babae. Napahagikgik sa tawa si Salome dahil mukhang ang masungit niyang kapatid na si Danilo ay humahanga na sa isang dilag.
"ATE? ANONG-----? AKIN NA IYAN!" napatalon sa gulat si Salome dahil nagising pala si Danilo dahil sa mahina niyang tawa. Agad na inagaw ni Danilo ang kaniyang kuwaderno sa kamay ni Salome at kunot noong hinarap ang ate.
"Makakarating ito kay inay at itay! Bakit mo pinakialaman ang gamit ko?!" inis na sigaw ni Danilo dahilan para mas lalong matawa si Salome. Padabog na isinuksok ni Danilo ang kaniyang kuwaderno sa mataas na bahagi ng kanilang bahay upang hindi iyon maabot ni Salome. Sa pagitan ng dulo ng kawayan at pawid niya sapilitang isinuksok ang kaniyang kuwaderno.
"Tinago mo pa... nakita ko naman na" halakhak pa ni Salome dahilan para mas lalong mainis ang binatilyong si Danilo napakamot na lang ito sa inis at dire-diretsong nagtungo sa palikuran. Padabog din niyang sinara ang pinto ng palikuran at muntikan pang magimba ang pinto dahil gawa lamang ito sa pinagdugtong-dugtong na kawayan.
"Huwag kang mag-alala, Hindi ko sasabihin kay Ising na humahanga ka sa kaniya!" pang-asar pa ni Salome at biglang napasigaw si Danilo sa palikuran dahil sa sobrang inis, agad na binuksan ni Danilo ang pinto at may bitbit na siyang balde ng tubig, balak niyang buhusan ng tubig ang kaniyang ate Salome upang makaganti, nagulat naman si Salome at kumaripas ng takbo papalabas ng bahay na parang palaka habang tumatawa ng malakas at patuloy pa rin niyang inaasar si Danilo.
"Hindi mo ako mahahabol bleh... Isusumbong kita kay Ising!" kantyaw pa ni Salome habang kumakaripas ng takbo sa palayan, sinubukan pa siyang habulin ni Danilo bitbit ang isang balde ng tubig ngunit napahinto rin ito sa kalagitnaan ng palayan dahil sa bigat ng balde.
BINABASA MO ANG
Our Asymptotic Love Story (Published by Bookware Publishing)
Historical FictionPrequel of "I Love You since 1892" Pilit hinahanap ni Aleeza ang mga kasagutan sa mga kakaibang panaginip at pakiramdam na nararanasan niya sa tuwing bumubuhos ang ulan at sa tuwing nakikita niya ang estrangherong naghahatid ng magkahalong saya at l...