[Epilogo]
Pilipinas 2085
"Ma! Anong gusto mo pong kainin? Nagluto po ako ng paborito niyong Kaldereta" nakangiting tanong ng isang babae na nagngangalang Elisa, nasa edad limampu't-anim na taong gulang na (56). Maputi ang balat nito na namana niya sa kaniyang inay at medyo singkit din ang kaniyang mga mata.
Hinawakan niya ang buhok ng kaniyang ina na nasa edad walumpu't-siyam na (89), kulubot na ang balat ng matandang babae at nitong mga nagdaang buwan ay napansin nila na madalang na itong magsalita, palaging nanghihina at tulala na lang sa tapat ng bintana.
Napatingin ang matandang babae sa kaniya bagama't malabo na ang mga mata nito pilit niya pa ring pagmasdan ang nag-iisang anak na si Elisa. Sinubukan niyang hawakan ang mukha ng anak na agad naman siyang nginitian pabalik.
"Sabi ko na nga ba basta usapang Kaldereta hindi ka makakatanggi mama" ngiti pa ni Elisa sabay halik sa noo ng kaniyang ina na matandang-matanda na. "Sige ma, kukuhaan lang kita ng kalderet----" hindi na niya natapos pa ang kaniyang sasabihin dahil biglang nagsalita ang matandang babae.
"M-maraming salamat sa pag-aalaga at pagmamahal mo sa akin anak, n-nasaan na nga pala ang tito Alex mo? Makakarating ba siya ngayon?" tanong ng matandang babae, hindi naman nakapagsalita si Elisa at napahinga na lang siya ng malalim saka hinawakan muli ng mahigpit ang kamay ng kaniyang ina na makakalimutin na.
"Ma, hindi ba't nasabi ko na po sa inyo noong isang araw na hindi makakarating ngayong piyesta si tito Alex dahil hindi siya pinayagan ng kaniyang mga anak doon sa Espanya na bumyahe papunta rito. Hindi na po kaya ni tito Alex na bumyahe pa ng matagal" sagot ni Elisa, napayuko na lang ang kaniyang ina saka ngumiti kahit pa nababakas naman sa mukha nito na nananabik na siya na muling makita ang kapatid.
Tulad niya matanda na rin si Alex na nasa edad walumpu't-anim na (86). Nitong nakaraang linggo ay nakapag-usap sila gamit ang telepono at marami rin itong kinuwento sa kaniya lalo na ang buhay sa Espanya. Nang makatapos si Alex sa kolehiyo halos narating na niya ang iba't-ibang bansa dahil madalas siyang kasama sa mga research tungkol sa mga gamot. Sa Espanya na siya namalagi at doon na rin siya nakapag-asawa ng isang pilipina na nagtatrabaho roon.
"Don't worry ma, tatawagan natin sila tito Alex mamayang gabi para mabalita mo naman sa kaniya ang piyesta ngayon dito" patuloy pa ni Elisa. Ngayon ang piyesta sa kanilang barangay at kakatapos lang nila magsimba kaninang umaga, kasalukuyan silang abala sa pagaasikaso sa kanilang mga bisita na isa-isa nang dumarating ngayong hapon.
Nagpaalam saglit si Elisa sa kaniyang ina para kumuha ng Kaldereta at iba pang pagkain na inihanda nila ngayong piyesta. Pagkababa niya sa hagdan agad siyang sinalubong ng isang anak niyang kakarating pa lang galing sa trabaho. Alas-singko na ng hapon ngunit maliwanag pa rin ang paligid kahit na panaka-naka ang ambon sa labas.
"Mom! I made it" nakangiting bati ni Raenvien na kaniyang panganay na anak, kakatapos lang nito sa kolehiyo noong nakaraang taon at maganda na agad ang naging trabaho nito bilang guro sa isang kilalang pribadong paaralan.
"Buti naman nakaabot ka, mag-bless ka sa lola mo noong isang linggo ka pa niya hinahanap" tugon ni Elisa sa anak niyang si Raenvien na abala sa pagbaba ng mga dala nitong mga libro. Isang guro sa matematika si Raenvien, bagay na namana niya sa kaniyang lola na magaling sa matematika.
"Oo nga pala ma, kasama ko ngayon ang co-teacher ko at ang asawa niya" saad pa ni Raenvien saka pinakilala ang isang babae at isang lalaki na kasama niya. "Siya po si Carmela, history major naman po siya. Naalala niyo po ba si tita Emily na kaibigan ni lola?" patuloy pa ni Raenvien, bigla namang napangiti ang inay Elisa niya saka hinawakan ang kamay ni Carmela.
BINABASA MO ANG
Our Asymptotic Love Story (Published by Bookware Publishing)
Historical FictionPrequel of "I Love You since 1892" Pilit hinahanap ni Aleeza ang mga kasagutan sa mga kakaibang panaginip at pakiramdam na nararanasan niya sa tuwing bumubuhos ang ulan at sa tuwing nakikita niya ang estrangherong naghahatid ng magkahalong saya at l...