Kabanata IV

4.5K 249 64
                                    

"Wala na ba kayong nakalimutan?" tanong ni Tita Mely.

Ngumiti naman si Sarah sa tanong ng Tita niya habang bitbit ang malaking bag at nasa may tabi ng van na sasakyan nila. Pagkatapos ng halos dalawang buwan na pagpa-plano ay matutuloy na rin ang out of town nila ng barkada. "Wala na po, Tita."

"Tita, h'wag mo kaming mami-miss kaagad ah. Apat na araw lang naman kaming mawawala," nakangiting sabi ni Bernice. Mahigit kalahating araw kasi ang byahe papunta sa private beach resort na pupuntahan nila sa Zambales kaya halos apat na araw silang mawawala.

"Basta mag-iingat kayo," muling sabi ni Tita Mely. Forty eight years old na siya pero mukha lang forty dahil maalaga siya sa kutis at katawan.

"Don't worry Tita, basta kasama ako ng mga pamangkin ninyo, safe na safe sila. Lalo na si Sarah," singit ni Vic.

"Tse!" natatawang singhal naman ni Sarah. Ilang beses na rin niyang sinabihan si Vic na wala pa siyang oras sa lovelife pero sadyang makulit ang binata.

"Ang mga bilin ko. H'wag ninyo kakalimutan. H'wag ninyong papainumin ng alak kung sino man ang magda-drive sa inyo pabalik ng Maynila," muling bilin ni Tita Mely. Hindi na rin iba sa kanya ang mga kaibigan ng dalawang anak-anakan niya.

"Yes, Tita! Alam ninyo naman gaano ako ka-alive na alive mag-drive!" malanding sagot ng Mark. May puso itong babae pero lalaki pa rin kung manumit.

"Hay naku Mark, kapag ikaw talaga humilik sa kotse, kutos ka sa akin!" ani Joyce.

"Basta kami ni Joyce, hindi kami matutulog sa byahe," nakangising sabi naman ni Kevin na boyfriend ni Joyce. Kung anong taba at liit ng height ni Joyce ay 'yong namang payat at tangkad niya.

"Kayo talaga, ang aga-aga. Mahiya naman kayo kay Tita Mely!" kunwa'y saway ni Armand na nakakaakbay sa girlfriend na si Donna. Payat dito ito pero hindi katangkaran, kulot ang buhok nito na hanggang balikat na palaging nakatali.

"Pasensya na kayo, Tita. Masyadong maiingay at makukulit ang barkada. Alam ninyo namang minsan lang kami magkasama-sama ng ganito sa isang taon," ani Liezl, siya ang pinaka-ate sa grupo. At kahit hindi pa umaamin sa barkada ay alam na ng lahat na lesbian siya.

"Wala 'yon. Ano ka ba. Sanay na naman ako sa inyo." Mula sa loob ng bahay ay biglang umiyak ang dalawang taong anak ni Tita Mely. "Saglit lang at kukunin ko si Sandra na mukhang nagising na," aniya bago muling pumasok sa loob ng bahay.

"Guys, kumpleto na ba tayo?" tanong ni Vic na tapos nang maglipat ng mga gamit sa likod ng sasakyan.

"Wait lang, picture muna tayo," ani Sarah. Taon-taon ay siya ang nag-oorganize ng get together nila ng barkada. Kaya hindi pwedeng mawalan sila ng first group picture. Mas nae-excite siya ngayon dahil ito ang unang pagkakataon na makakasama sa lakad nila si Miracle.

"Sinong kukuha ng picture?" tanong naman ni Mark. Ayaw na ayaw niya na nawawala sa group picture.

"Ako na lang," sagot naman ni Miracle na kanina pa tahimik. Kahapon ay nagpaalam na siyang hindi makakasama sa out of town na iyon, pero nang mabakasan niya ang pagtatampo sa boses ni Sarah habang kausap niya sa cellphone ay napilitan na siyang sumama.

"Oh sige, tapos ako naman ang kukuha after mo Miracle," nakangiting sang-ayon ni Bernice.

Nagkanya-kanya naman ng pwesto ang barkada at nagdikit-dikit bago nakangiting tumingin sa camera na hawak ni Miracle.

"One... Two... Three." Muntik nang mabitawan ni Miracle ang camera nang i-click iyon. Mabuti na lang at nakasabit sa may pulsuhan niya ang handle ng maliit na camera. Nanginginig ang kamay na dahan-dahang muling hinawakan niya ang camera upang tingnan ang picture.

"Tapos na ba? Ngalay na ako ngumiti?" tanong ni Donna habang nakangiti pa rin at hindi nagbabago ang pwesto.

"Miracle, ano? Tapos na ba?" medyo naiinis na ulit ni Joyce sa tanong ni Donna.

"Ang tagal naman, ngalay na ako," sabi naman ni Kevin na umalis na sa pwesto niya.

Naglakad na si Bernice palapit kay Miracle. "Miracle? Okay na ba ang picture?"

Napapitlag pa si Miracle sa biglang paghawak ni Bernice sa braso niya. "O-oo."

"Oh, ako naman ang kukuha ng picture," sabi ni Bernice.

"Nope!" napataas ang boses ni Miracle nang akmang aagawin ni Sarah ang camera. "I- I mean, h'wag na lang. Tara na sa van, baka ma-traffic pa tayo."

"O-okay," nasabi na lang ni Bernice bago pa-simpleng tinataasan ng kilay si Sarah.

Tumalima naman ang barkada sa sinabi ni Miracle at hindi pinansin ang kakaibang ikinikilos ng kasama. Para kasi sa mga ito ay normal na ang mga ganitong ikinikilos ni Miracle.

"Miracle, are you okay?" tanong ni Sarah nang sila na lang dalawa ang naiwan sa may balkonahe ng bahay.

"S-Sarah, what if h'wag na lang tayong tumuloy sa out of town na ito?"

Napakunot ang noo ni Sarah sa sagot ni Miracle. Dahil siya ang organizer ng get together na ito ay may apat na buwan niya halos inayos ang lahat at hindi pwedeng sa isang iglap lang kung kailan handa na sila ay iaatras nila ang outing nang dahil lang kay Miracle. "May problema ba Miracle? Sumama ba ang pakriamdam mo?"

"H-hindi. K-kasi..." muling hinawakan ni Miracle ang camera at inabot kay Sarah.

"Kasi? Anong meron sa picture na ito?" lalong nagtatakang tanong ni Sarah nang makita ang litrato nila na kakakuha lang ni Miracle kanina.

Muli namang sinilip ni Miracle ang picture. Napalunok siya ng laway. "W-wala... Wala Sarah."

Ngumiti na lang si Sarah. "Iwan na kasi ang bad vibes dito sa Manila. Promise, mag-eenjoy ka sa pupuntahan natin. Kaya sumunod ka na sa van, okay?"

Tumango naman si Miracle bago iniwanan ni Sarah sa kinatatayuan. Muli niyang ibinaling ang tingin sahawak na camera. Sa camera kung saan nakita niya kanina lang ang barkada na wala ng mga ulo...

Miedo de Luna (Published under PSICOM)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon