Kabanata XXI

2.4K 177 16
                                    


"Bakit hindi ka pa kumakain? Eto oh." 

Nabaling ang tingin ni Sarah kay Samuel na hawak ang dahon ng saging na may lamang inihaw na isda. Nasa may labas lang siya ng kwebang itim at nakatanaw sa gubat. "Wala akong gana."

"Ayan ka na naman Sarah, paano mo hahanapin ang kapatid mo kung pinapabayaan mo ang sarili mo?" muling tanong ni Samuel bago naupo sa tabi ni Sarah.

"Paano ako makakakain kung hanggang ngayon hindi ko pa rin alam kung nasaan siya? Kung okay lang ba siya? Kung... Kung..." Hindi na niya naituloy pa ang sasabihin dahil alam niyang anumang oras ay maiiyak na naman siya.

"Sarah..."

Naramdaman niya ang bahagyang paghagod ni Samuel sa may likuran niya.

"Ikaw na rin ang nagsabi na naniniwala kang buhay pa si Bernice. Nararamdaman mo na buhay pa rin siya. Bakit ngayon parang pinanghihinaan ka ng loob? Sarah ang kailangan mo ngayon ay totoong lakas. Lakas para mahanap natin siya. Para makasama mo na ulit siya."

Muli niyang iniangat ang mukha at sinalubong ang tingin ni Samuel. Tama ang binata, hindi siya pwedeng panghinaan ng loob. Hindi ngayon. Pinilit niyang ngumiti. "Salamat."

Ngumiti rin si Samuel bilang tugon.

Napakalambing magsalita ng binata. Na sa sobrang lambing ay napapagaan kaagad ang loob niya. Naisip niya marahil ay isa itong public speaker o kaya ay pastor sa mundo nila kaya siguro tila sanay na sanay itong magbigay ng payo.

"Ito ang tandaan ninyo, sa oras na makita natin ang taong hinahanap ninyo. Hindi ibig sabihin noon ay maaari na kayong makabalik lahat sa inyong mundo. Hindi ganoon kadali ang lahat."

Sabay silang napatingin kay Kakang Lucio na hindi nila napansing nakaupo na malapit sa kanila.

"Ano pong ibig ninyong sabihin?" tanong ni Sarah. Halos ganito rin ang sinabi sa kanila noon ni Manang Abeng na hanggang ngayon ay hindi pa rin niya maintindihan.

"Kung kayo ay nakatadhanang mamatay, mamamatay kayo kahit mabuhay pa kayo sa kabila ng talim ng mga kuko at pangil ng mga halimaw dito sa sitio namin. Hindi ninyo kailan man maaaring baguhin kung ano ang nakatadhanang mangyari. Kung ano ang itinadhana ni Kamatayan para sa ating lahat."

"Kakang Lucio, pwede po bang liwanagin ninyo na lang ang lahat sa amin? Nahihilo na po ako sa mga sinasabi ninyo ni Manang Abeng. Hindi ko na po kayo naiintindihan pareho," hindi maiwasang mainis na sagot ni Sarah.

Itinaas ng matanda ang mga tingin sa kanila at bago pa muling nakapagsalita ay isang sigaw mula sa pinakaloob ng kweba ang narinig nila.

Hindi naman na sila nag-aksaya ng oras at mabilis na bumalik sa loob ng kweba kung saan nanggagaling ang sigaw ni Emil.

Naabutan nilang nakatayo si Emil habang ang mga mata ay namimilog.

"Emil, anong nangyari sa iyo?" nag-aalalang tanong ni Kakang Lucio.

"May bangkay," nanginginig na turo ni Emil sa isang katawan na pinagtututuka ng dalawang malaking uwak malapit sa pwesto nila.

Lumapit naman si Kakang Lucio sa bangkay at binugaw ang dalawang uwak gamit ang tulos na may apoy sa dulo. Kaagad ring umalis ang mga iyon at lumipad palayo sa kanila.

Sa kurba ng katawan at haba ng buhok ay mapapansin na isang babae ang bangkay na tinuturo ni EMil. Natatakpan ang ulo nito hanggang sa may katawan ng isang makapal na kulay asul na jacket.

"J-jacket ni Bernice 'yan." Naramdaman ni Sarah ang panlalambot ng tuhod niya. Hindi siya maaaring magkamali. Iyon ang jacket na isinuot niya kay Bernice bago sila umalis ng resort.

"Nais mo bang makita ang mukha ng bangkay?" tanong ni Kakang Lucio sa kanya.

Ibinaling niya saglit ang mga tingin kay Samuel na tila kumukuha ng lakas ng loob bago ibinalik sa bangkay na natatakpan ng asul na jacket. "S-sige po."

Pakiramdam ni Sarah ay nag-slow motion ang lahat sa kanya nang dahan-dahang hawakan ni Kakang Lucio ang jacket na asul.

Naramdaman pa niya ang kamay ni Samuel sa may balikat niya bago tuluyang inalis ng matanda ang jacket sa may ulong bahagi ng bangkay. "Oh my God!" kaagad niyang naisubosob ang mukha sa may dibdib ng binata nang lumantad sa paningin nila ang mukha ng babae na inuuod na ang bibig at butas ng mga mata. Halos mahiwalay na rin ang ulo nito dahil sa pagkakaputol ng leeg na tila ginamitan ng matalim na bagay. At kahit ganoon ang hitsura ng babae ay isang bagay ang sigurado si Sarah. "H-hindi po siya si Bernice."

Miedo de Luna (Published under PSICOM)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon