Kabanata V

4.3K 219 47
                                    

Naalimupungatan si Sarah na nakahilig na sa may balikat niya ang ulo ng kapatid. Sa may likod sila ng driver's seat nakaupo ni Bernice. Inayos niya ang buhok ng kapatid niya na tumatakip na sa mukha nito bago hinalikan sa may noo. Fifteen years ago nang pumanaw ang mga magulang nila dahil sa isang plane crash, nine years old lang siya noon at seven years old naman si Bernice. At sa araw ng libing ng mga magulang nila ay nangako siya na hinding-hindi pababayaan ang nag-iisang kapatid. Wala siyang pakialam kung minsan ay nagiging over protective na siya dito. Madalas nga ay nakakantyawan na siya ng barkada na mas mahigpit pa siya kay Tita Mely na kapatid ng Mama nila ni Bernice. Pero para sa kanya ay ginagawa niya lamang ang binitawang pangako sa pumanaw na mga magulang. Ginagawa niya lamang ang alam niyang tama para sa kanila ni Bernice.

"Sana pala ako na lang ang katabi mo. Para sa akin mo na lang binigay ang kiss na 'yan..."

Napatingin si Sarah sa may rearview mirror kung nasaan nagtagpo ang mga mata nila ni Vic. Nasa may tabi ito ng driver's seat kasama si Miracle. "Baliw!" singhal niya Teka, bakit parang hindi umaandar ang van? Traffic ba? Saka malapit na ba tayo?" kunwa'y pag-iiba niya sa paksa bago tumingin sa may labas ng katabing bintana. Wala na sila sa main highway at puro puno na ang nakikita niya sa paligid kaya nakapagtatakang magkaroon pa ng traffic.

"Oo, malapit na tayo," sagot naman ni Mark. Ito kasi ang nakakita sa website ng private beach resort sa Zambales na na pupuntahan nila. Nakapunta na rin ito sa resort na iyon kasama ang mga ka-trabaho. Malayu-layo at matagal din ang byahe na mahigit anim na oras mula sa Maynila. "Kaya lang parang may banggaan eh."

"Grabe, bumangga 'yong kotse sa malaking puno," napasilip na si Kevin sa may labas ng bintana.

"Anong puno 'yan? Nakakatakot." Hindi mapigilan ni Joyce ang mapahawak sa kamay ni Kevin.

Napatingin na rin labas ng bintana si Sarah. Mabagal ang takbo ng kinalulunan nilang van dahil kasisimula pa lang magpalagpas ng traffic enforcer at mga pulis sa mga sasakyan na dumaraan.

Halos lahat ng mga gising sa loob ng van, maliban kay Mark na pasilip-silip lang, ay nakatingin na sa malaking punong nadaanan nila kung saan may itim na kotseng nakabangga doon na naging dahilan ng mabigat traffic. Napakalaki kasi ng puno na tuyot na tuyot at halos wala ng kulay berde ang dahong nakapalibot dito, malalaki rin ang mga ugat nito at baging na nakasabit sa mga sanga at katawan. Para bang napakatanda na ng puno at kung tititigan mo pa ay parang may kung anong nilalalang ka na makikitang nakatira doon.

Nabaling din ang atensyon nila sa itim na kotse na basag halos ang lahat ng salamin, yupi ang unahang bahagi at may duguang lalaki na halos nakalabas na ang kalahati ng katawan sa harapan. Ang ilang mga baging at sanga ng puno ay nakapasok na sa loob ng kotse at pinapalibutan ang lalaki. Ang mas nakapangingilabot, mapapansin na malakas ang tama ng kotse sa puno dahil wasak na wasak unahang bahagi nito ngunit kung pagmamasdang mabuti ang puno, parang halos wala man lang itong pinsalang tinamo.

Naalala naman ni Miracle ang kwento ni Lola Elma dati habang nakatingin siya sa puno na tant'ya niya ay nasa thirty to forty years old na. Ang sabi ni Lola Elma, sa tuwing sasapit ang ika-sampung taon ng isang puno ng balete ay may magbubukas na lagusan dito patungo sa isang kakaibang mundo na hindi na nito nabanggit kung ano, hindi na rin daw kasi nito matandaan ang buong detalye ng kwentong nagpasalin-salin na lamang sa pamilya nila. Pero biglang bumilis ang tibok ng puso ni Miracle na halos hindi na siya makahinga, lalong namilog ang mga mata niya at pilit na pinipigilan ang pangangatal ng mga labi niya, nang tuluyang tumapat ang sasakyan nila sa malaking puno... Hindi dahil sa kotseng nakabangga doon o sa lalaking duguan ang ulo. Kung hindi dahil sa isang babaeng nakapulang sutana na nakatayo sa may gilid ng kotse at may mahabang belong pula rin ang kulay. Napalunok siya nang magtama ang mga tingin nila ng babae. Muling nag-igting ang kanyang mga panga. Suot ng babae ang isang eskapularyo na nakita niya sa lumang libro ni Lola Elma. Ang eskapularyo na may simbolo ng kulto ng La Sangrienta Luna Virgen.

"Parang wala naman kaming nadaanan na ganyang puno dati nina Boss Mike," basag Mark sa saglit na katahimikang namayani sa loob ng van nang malapit na silang makalampas sa malaking puno.

"Aw, shit!" napayakap si Donna kay Armand nang makita ang duguang mukha ng lalaki na dilat pa ang mga matang tila nakasunod ng tingin sa kanila.

"Ano ngang puno 'yon? Grabe ang creepy ah!" bulalas ni Joyce na napaapailing na lang.

"Balete," halos pabulong na sagot ni Miracle nang makalagpas na sila sa malaking puno at nagsisimula nang kumalma ang pakiramdam niya pero nananatiling may kaba sa dibdib niya. Bakit sinusundan siya ng babaeng nakapula? Pero siya nga lang ba o buong barkada nila ang pakay nito?

"Hindi ba balete tree 'yung sinasabing pinamamahayan ng mga aswang?" tanong ni Liezl habang may yakap na unan at muling ipinikit ang mga mata.

"Aswang talaga, Liezl? Hindi ba pwedeng maligno o kapre muna?"

Sinundan ng malalakas na tawanan ng barkada ang sinabi ni Kevin.

Nagising naman si Bernice sa mga tawanan nila. Kinusut-kusot nito ang mga mata habang inililibot ang tingin sa mga kasama. "Bakit kayo tumatawa?"

"Wala, may nadaanan kasi tayong creepy na puno. Matulog ka na muna ulit. Gigisingin na lang kita kapag nasa resort na tayo," sabi ni Sarah na hinawakan ang mukha ni Bernice upang ibalik ang ulo nitosa balikat niya.

Ngumiti naman si Bernice bago yumakap sa ate at muling ipinikit ang mga mata.

Muling hinalikan ni Sarah sa noo ang kapatid bago itinuon ang tingin sa harapan. Napansin ang biglang pagtahimik ni Miracle sa may tabi ni Vic. "Miracle, are you sure you're okay? Kanina ka pa tahimik."

"Oo nga eh, mapapanisan na nga ako ng laway dito kay Miracle, kanina ko pa dinadaldal puro tango lang sagot sa akin," ani Vic.

"Hindi na kayo nasanay, lagi naman ganyan 'yan. Magkakaroon ng miracle kapag bigla 'yang naging madaldal," pang-aasar ni Donna. Sa kanilang barkada ito at si Joyce ang madalas mam-bully kay Miracle. Dinadagdagan pa ng kanya-kanyang boyfriend na sina Armand at Kevin.

"Okay lang ako Sarah. Medyo sumama lang ang timpla ng t'yan ko," sagot ni Miracle na hindi inaalis ang tingin sa harapan. Gusto niya nang sabihin sa mga kasama ang tungkol sa babaeng nakapula na nakatayo sa may gilid ng wasak na kotse kanina, pero bakit parang ni isa sa mga ito ay walang nakakita doon? Nakagat ang pang-ibabang labi niya. Ramdam niyang may mali. May mali talaga sa nangyayari ngayon.

"Oh kapag may nangamoy dito sa van alam ninyo na ah!" kantyaw ni Armand na sinundan ulit ng mga tawanan ng ibang barkada.

"Malapit na rin naman daw tayo Miracle, I hope na maging okay na ang tyan mo para ma-enjoy mo rin ang beach," sabi ni Sarah.

Pinilit na lang ngumiti ni Miracle kay Sarah na saglit na sinulyapan sa rearview mirror. Habang may bahagi ng isipan niya ang nagsasabing hindi na talaga dapat natuloy ang outing ng barkada. Hindi na dapat sila tumuloy pa.

Miedo de Luna (Published under PSICOM)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon